Followers

Sunday, October 26, 2014

Beat Of My Heart Chapter 5


AUTHOR’S NOTE

Waaahh!! Nakalimutan kong maglagay ng author’s note sa Chapter 4.
Papasalamatan ko lang ang mga taong walang sawa na nagbibigay ng komento at nagbabasa ng kwentong ito. THANK YOU!!

At sa mga taong ito na ..ehem.. naging mabuting kaibigan at ka-chat na. Mama Lalie, returning of favor lang po ito sa magandang feedback na nakukuha ko mula sa inyo. Masaya ako na sa simpleng pagbati ay napapasaya ko kayo. Thank you po sa pag-she-share ng insights about buhay-buhay.
Kay Faustino, just the same, salamat din. Sa oras at sa text.. wahaha.. friend na tayo, right? O hindi pa rin. Peace yow!
At kay Angel, lagi kong inaabangan ang komento mo. Salamat po. Pa-add sa facebook, pwede?? Hehe.. heto po, vinlazech1792@gmail.com.

Kay Alfred of T.O, sir, salamat din po. J
Jay05, sa pagsasabi ng posibleng mangyari. May tama ka! Haha.
 At pati sa mga nagbigay ng comment sa CHAPTER 2.. (pasensya, late na masyado)
Yelsna, Carden, Mars, Dave, AZ at sa mga Anonymous. J

Panghuli, kuya RYE at kuya Carlos.



CHAPTER FIVE

NAGLALAKAD sa hallway ng Education building si Vienne nang makita niya si Ambrose na mag-isang nakaupo sa upuan na nandodoon. Tumayo ito nang makita siya. Lalampasan na niya sana ito ngunit humarang ito sa daraanan niya.
            Isang blangkong tingin ang ibinigay niya dito. Isang linggo na rin ang nakalipas mula ng mangyari ang eksena nila nito sa bench.
            "Padaan ako," malamig niyang sabi.
            "Pwede ba kitang maka-usap, Vienne?" Ang tanong nito. Hindi man lang nagpatinag sa lamig ng ekspresyon na ibinibigay niya dito.
            "Sa pagkaka-alam ko, wala naman tayong dapat na pag-usapan."
            "Akala mo lang `yon, Vienne. May pag-uusapan tayo. Kailangan kitang kausapin dahil sa nangyari noong isang linggo."
            "Wala nang kaso sa `kin `yon." Ang sabi niya.
            Iyon naman kasi ang totoo. Kung hindi pa nga niya ito nakita ay baka hindi na niya naalala iyon. Ngayon lang naman sumagi iyon sa kanya dahil sa panghaharang nito sa daraanan niya.
            "Kahit na. Gusto kong humingi ng sorry sa `yo, Vienne. Alam ko na naging unfair ako sa pagkutya sa pagkatao mo. Wala naman akong dapat pakialam dahil hindi naman tayo magkakilala. Hindi tayo close para pakialaman kita. I knew what happened between us was entirely my fault. Wala akong sapat na dahilan para kutyain ka. I'm sorry. I'm really am."
            Sa mga narinig niya ay nakadama siya ng paghanga dito. Alam nito at marunong itong tumanggap ng kamalian. Sa pagpapakumbaba na ginagawa nito sa harap niya ngayon ay nakuha nito ang rsespeto niya. Bihira na lang kasi sa isang tao ang gumawa ng bagay na ginawa nito.
            At sa nakikita niya ay mukhang nagsisisi naman talaga ito. Malinaw rin na narinig niya iyon sa boses nito. Kahit na hindi na nito ginawa ang bagay na ito ay wala na iyon sa kanya.
            "Okay. Apology accepted. Ngayon na tinanggap ko na ang sorry mo. Pwede na ba akong dumaan?"
            "Salamat, Vienne," anito. Nakita niya ang katuwaan sa mukha nito. Parang isang malaking bagay na napatawad niya ito.
            "Pwede na ba akong dumaan, Ambrose?" Ulit niya sa sinabi.
            Tumabi naman ito.
            "Salamat," aniya saka ito nilampasan.
            Hindi pa siya nakakalayo nang umagapay ito sa kanya. Napatingin siya dito.
            "Ano na naman ang trip mo, Ambrose?"
            Ngumiti ito. "Sasamahan kita kung saan ka pupunta."
            "At bakit mo naman gagawin `yon?"
            "For you to see, how sorry I am. Willing ako na maging slave mo. Okay lang sa `kin kahit na ano ang iutos mo."
            "Tanggap ko na ang sorry mo. Wala na ring kaso sa `kin ang ginawa mo. Hindi ko na kailangan na gawin pa `yon sa `yo. Kung wala kang magawa sa buhay mo, maghanap ka ng pwedeng gawin. At kung maghahanap ka ng ibang gagawin, kung pwede lang ay alisin mo ako sa listahan."
            "Seryoso ako sa sinabi ko. Okay sa `kin ang utusan mo ako. As I've said I'm willing."
            "Ayoko nga. Kaya kong gawin nang mag-isa ang mga gawain ko. Sanay ako sa hirap para hindi iyon magawa."
            "Saan ka ba pupunta?" Pag-iiba nito sa usapan.
            "Close ba tayo para sabihin ko sa `yo kung saan ako pupunta?"
            "Pwede naman tayong maging close. Gaano ka-close ba ang gusto mo?"
            Inakbayan siya nito na labis na nagpagulat sa kanya. Pumiksi siya.
            "Alisin mo nga ang braso mo sa balikat ko."
            "Akala ko ba gusto mong maging close tayo? I'm doing it na."
            "Pwede ba? Wala akong oras sa mga biro mo."
            Hinawakan niya ang kamay nito para alisin iyon ngunit sa ginawa niya ay malaya nitong nahawakan ang kamay niya. Mahigpit ang naging paghawak nito.
            "Ano ba?" Naiinis niyang sabi.
            "Ang lambot ng palad mo, Vienne."
            Pumiksi siya ng pisilin nito iyon. "Naghahanap ka na naman ba ng gulo? Gusto mo bang mag-away na naman tayo?"
            "Ayoko na. Mas okay na maging kaibigan ka kaysa kaaway. Gusto kong tuklasin kung bakit kahit na magkaiba kayo ni Brax ay naging magkaibigan kayo. At gusto ko rin malaman kung magki-click na tayong dalawa kapag naging magkaibigan tayo kahit na magkaiba din tayo."
            "Respeto at pagpapahalaga lang naman kung bakit ko naging bestfriend si Brax. Alam ko na mahirap paniwalaan `yon dahil sa alanganin ako pero iyon ang totoo. Nirerespeto ko si Brax at hindi ko siya binabastos at vice versa."
            "Ganoon ba?"
            "Oo. Kaya kung pwede lang, alisin mo na ang braso mo sa balikat ko. Pakibitiwan na rin ang kamay ko kung gusto mo na maging magkaibigan tayo."
            "Hindi pa rin. Sasama ako kung saan ka pupunta. At mula ngayon, dinedeklara ko na na magkaibigan na tayo."
            "Ewan ko sa `yo," sabi niya. Tiningnan niya ito.
            Tumingin naman ito sa kanya. Nagkasalubong ang kanilang paningin. Ngumiti ito. Ngiti na halos umabot sa tainga nito sa sobrang lawak.
            "Kaibigan na kita, ah."
            "Ano ba ang magagawa ko? Pasalamat ka at friendly akong tao."
            "Then good. Ngayon na magkaibigan na tayo, always expect me to be in your side."
            "Hindi ako aasa," aniya.
            Hindi naman ito nagsalita saka tumingin sa daraanan nila.


HINDI alam ni Ambrose kung bakit iba ang kasiyahan na nadarama niya habang kaagapay sa paglalakad at nakaakbay pa siya kay Vienne. Hinintay niya talaga ito sa hallway para makausap at humingi ng sorry sa nagawa niya dito ilang araw na ang nakakalipas. Wala naman siyang balak na kaibiganin ito ngunit may boses na nag-udyok sa kanya na gawin iyon. Parang ang saya kasi na maging kaibigan ito dahil sa palagi itong nakangiti. Palagi ring positibo ang disposisyon nito sa buhay. Iyon ang nakikita niya kahit na hindi siya malapit dito. Ang bilis nga nitong nakalimutan ang ginawa niya samantalang siya ay binabagabag ng konsensiya niya. Parang hindi ito marunong magtanim ng sama ng loob.
            Ang mas matindi pa sa ginawa niya ay ang sabihin kay Vienne na willing siyang maging 'slave' nito para lang mapatunayan na nagsisisi talaga siya. Ang weird lang niya. Ngayon lang nangyari ang ganito sa kanya.
            Naramdamam niya ang pagtitig nito sa kanya. Ngumiti siya saka bumaling dito. Nakita niya sa mukha nito ang hindi pagkaka-paniwala sa sinabi niya. Siguro?
            "I know it's kinda unbelievable but you should believe it's happening, Vienne. Dahil sa kaibigan mo na `ko, pwedeng Brose na lang ang itawag mo sa `kin. `Yon kasi ang tawag sa `kin ng mga kaibigan ko."
            "Okay. Kahit na tumanggi kasi ako alam kong magpipilit ka lang," anito. "At pwede, pakitanggal na ng braso mo. Ang bigat kaya."
            Ginawa naman niya iyon pero bilang kapalit ay kinuha niya ang kamay nito at hinawakan.
            Napailing ito. "Ang kulit."
            "Gusto ko lang makasigurado na hindi ka lalayo. Ang lambot ng kamay mo, Vienne. Parang hindi ka gumagawa ng mabibigat na bagay sa bahay n'yo," puna niya saka mahinang pinisil ang palad nito.
            "Ganyan talaga `yan. Marami kaya akong ginagawa sa bahay. Lahat ng gawain ako ang gumagawa d'un. Hindi na kasi kaya ng lola ko."
            "Ang lola mo lang ang kasama mo sa bahay?"
            "Hindi. Nand'un din si mama kaso hindi naman `yon gumagawa sa bahay."
            "Ah," tanging sabi niya.
            Napansin niya ang pag-iiba ng reaksyon nito nang banggitin ang mama nito. Wala naman siya sa lugar mag-usisa kaya binalewala niya iyon.
            "Bitawan mo na nga ang kamay ko, Ambrose. Baka nakakalimutan mo kung ano ako."
            "Alam ko but it doesn't matter. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Saka wala namang masama sa pagho-holding hands, ah?"
            "Walang masama kung babae at lalaki ang gumagawa. Pero kapag lalaki at lalaki, malamang marami ang magiging puna."
            "`Wag mo na `yon pansinin. Ang sarap kayang hawakan ng kamay mo. Ang lambot."
            Napailing na lamang ito. Hindi na nagsalita.
            Tahimik silang naglakad. Nang makalabas sila ng building ay agad na nakita ni Ambrose si Brax. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin sa magkahawak nilang kamay ni Vienne. Hindi naman siya takot dito. Alam kasi niya sa sarili na kaya niyang labanan ito.
            "Brax!" Tawag dito ni Vienne. Inalis nito ang pagkakahawak niya sa kamay nito.Tumakbo ito palapit kay Brax. Sa ginawa ni Vienne ay nakadama siya ng panghihinayang. Para na siyang nasanay na hawakan ang malambot nitong kamay. Parang may kulang..
            Ano?
           

NANG makita ni Brax si Vienne na kasama si Ambrose at magkahawak ang kamay ay agad na napakunot ang noo niya. Ang tingin niya ay natuon sa kamay ng mga ito na magkahawak.
            Bakit naman hindi?
            Hindi pa rin nakakalimutan ni Brax ang nangyari sa bench isang linggo na ang nakakaraan. Hindi pa rin naaalis sa isipan niya ang ginawa ng Ambrose Ferrer na ito kay Vienne. Ang sabi niya nga sa sarili ay hindi niya makakalimutan ang pagmumukha at buong pangalan nito.
            Alam niya na ang mga ganoong bagay ay madaling makalimutan ni Vienne. Hindi ito mahilig na alalahanin ang masasamang bagay na nangyari dito dahil ayaw maging malungkot ng bestfriend niya.
            Pero hindi niya gusto ang nakikita. Bakit parang close kaagad ang dalawa? Magkahawak pa ng kamay na parang mag-boyfriend na. Ano ba ang nangyayari?
            "Brax!" Malakas na tawag sa kanya ni Vienne saka patakbong lumapit sa kanya.
            "Bakit kayo magkasama? Bakit magkahawak pa ang kamay niyo? Anong nangyayari, Vienne?" Bungad niyang tanong dito. Sunod-sunod pa dahil kating-kati na siya na masagot nito ang mga katanungan niya.    
            "Kaibigan ko na siya. Humingi na ng sorry sa `kin si Brose."
            "Brose?" Mas dumoble yata ang pagkakakunot ng noo niya sa sinabi. "Brose? Palayaw niya agad ang tawag mo sa kanya," hindi makapaniwalang sabi niya. "Ano ba ang nangyayari? Given na magkaibigan na kayo pero bakit magkahawak ang kamay niyo?"
            Hindi man lang ininda ni Vienne ang reaksyon niya. Nginitian pa siya nito. Oo, aaminin niya. Nabubwisit siya sa nakita kanina.
            "Grabe naman ang reaksyon mo, Brax, ang violent. Sabi ko nga, magkaibigan na kaming dalawa. Humingi siya ng sorry sa akin. Hawak niya ang kamay ko habang naglalakad kami, kasi.."
            "Kasi.." naiinis na sabi niya. "Ano ba? Ituloy mo nga ang sasabihin mo." Turan niya. "Ang lakas mo ring mambuwsit, ano?"
            Ang ngiti nito ay napalitan ng pagngisi. "Ang sarap mo kasing bwisitin. Ayusin mo nga ang mukha mo. Lukot na lukot na. Kaya hawak ni Ambrose ang kamay ko kasi trip niyang hawakan. Malambot daw."
            "Iyon lang?" Hindi makapaniwalang gagad niya.
            "Oo."
            "Nananantsing lang `yon."
            Humalukipkip si Vienne. Nawala ang ngisi sa mukha nito at napalitan iyon ng kaseryosohan. "Anong isyu mo, Brax? May masama ba kung maging kaibigan ko si Ambrose? Wala namang kaso sa `kin na hawakan niya ang kamay ko. Hindi naman kasi ako ang mapapahiya sa ginagawa niya kundi siya."
            "Oo. May problema ako d'un," diretsahan niyang sabi. "Ininsulto ka ng Ambrose na `yon. Dapat ay hindi mo tinanggap ang friendship na ino-offer ng lalaking `yon."
            "Humingi na nga siya ng sorry sa `kin, Brax. At nakita ko naman sa kanya na nagsisisi siya sa ginawa niya. Saka kilala mo ako, hindi ako mapagtanim ng sama ng loob. Kung hindi nga lumapit sa `kin si Ambrose ay hindi ko maaalala ang ginawa niya. Wala nang dahilan para tanggihan ko ang friendship niya."
            "Masyado ka namang malambot, Vienne," asar na sabi niya.
            "`Wag kang mag-alala, Brax. Alam ko na sincere si Ambrose sa pakikipag-kaibigan niya sa `kin. Ramdam ko `yon."
            "Bahala ka nga," pabulong sabi niya. Naaasar pa rin siya.
            Padabog siyang lumayo kay Vienne at nagtungo sa nakaparada niyang motor. Narinig niya ang pagbunot nito ng isang malalim na buntung-hininga.
            "Umayos ka Brax. Alam ko na nag-aalala ka sa `kin. Ina-assure ko naman sa `yo na talagang sincere si Ambrose."
            "Oo na, Vienne. Oo na," aniya. "`Wag mong sasabihin na umayos ako dahil maayos ako," sarkastiko niyang sabi.
            "Ewan ko sa `yo. `Pag inaatake ka talaga ng pagka-ewan mo, malala. Bakit ka pala nandito? Wala ka na bang pasok?" Pag-iiba nito sa usapan.
            Alam niya na ginawa iyon ni Vienne para huwag nang humaba pa ang diskusyon nila tungkol sa 'newly found friend' nito na si Ambrose. Hindi talaga siya kumbinsido sa lalaking nakatayo sa may kalayuan sa kanila. Hindi talaga siya komportable doon. Sa ngayon ay ite-take aside na muna niya ang disgusto sa aksyon ni Vienne.
            "Wala ang professor namin sa last subject kaya wala na kaming pasok. Nandito ako para sunduin ka sana. Isang subject na lang ang pasok mo, hindi ba?"
            Tumango ito. "Oo, pero maghihintay ka pa ng isang oras."
            "Okay lang. Hindi ba may load ka?"
            "Meron. Ikaw nga ang nag-load sa akin."
            "I-text mo na lang ako kapag pauwi ka na. Pupunta muna ako sa music room. May practice kami doon."
            Pasakay na siya ng motor nang pigilan siya ni Vienne. Bumaling siya dito. "Bakit?"
            "Ipapakilala kita kay Ambrose," anito.
            "Hindi na kailangan. Kilala ko na siya, hindi ba?"
            "Iba naman `yon. In a bad way natin siya nakilala dati. Ngayon, sa good way naman at pormal."
            "Fine. Ipakilala mo `ko sa kanya."
            Ngumiti ito. "Sige."
            Lumayo ito sa kanya at pinuntahan si Ambrose na nakatayo sa hindi kalayuan. Kanina pa sila nito pinagmamasadan ni Vienne pero wala siyang pakialam dito. Habang nakatingin sa mga ito ay humalukipkip siya. Masidhi talaga ang kagustuhan niya na huwag itong maging kaibigan ni Vienne. May iba kasi siyang kutob sa pakikipaglapit nito sa bestfriend niya. Hindi naman siya psychic pero kinukutuban talaga siya. Masyado lang ba siyang over-protective sa bestfriend niya at ayaw niya itong masaktan? Masyado niyang isinasapuso ang pagiging saviour ng bestfriend niya. Masyado niyang isinasapuso ang pagiging soldier niya dito.
            Saglit na nag-usap ang dalawa saka lumapit sa kanya. Pinigilan niya ang sarili na maging masungit. Itinanim niya sa isip na para kay Vienne ang gagawin niya. He will try his very best to be civil in front of the guy.
            Ngunit habang kaharap niya ito, ang pumapasok na bagay na gusto niyang gawin ay bangasan ang pagmumukha nito. Si Ambrose ang klase ng tao na hinding-hindi niya magiging close.
            "Ambrose, ipapakilala ko sa `yo si Brax, ang bestfriend ko. At Brax, ipapakilala ko sa `yo si Ambrose, bago kong kaibigan."
            Tinanguan niya lang ang nakangiting lalaki. Inilahad nito ang kamay. Hindi niya iyon inabot. Tiningnan lang niya iyon.
            "Nakikipagkamay siya, Brax," bulong sa kanya ni Vienne. Talagang lumapit pa ito sa kanya para lang sabihin iyon.
            Para wala na itong masabi ay iabot niya iyon kahit hindi bukal sa kanyang loob.
            "Nice meeting you," malamig na sabi niya.
            "Nice meeting rin sa `yo," anito sabay pisil sa kanyang kamay.
            Agad niya iyong binawi. Hindi niya gusto ang ginawa nito. Bumaling siya kay Vienne.
            "Pwede na ba akong umalis?"
            "Hindi pa."
            "Bakit hindi pa?" Nagtatakang tanong niya.
            "May sasabihin pa kasi sa `yo si Ambrose."
            "Ano naman `yon?" Baling niya kay Ambrose.
            "Hihingi rin ako sa `yo ng sorry, bro. `Yong tungkol sa nangyari sa bench. Nagsisisi talaga ako na ginawa ko `yon. Alam ko na naging unfair ako sa pagsasabi kay Vienne nang ganoon. Wala naman ako sa lugar pero ang lakas ng loob ko na hamakin kung ano siya. I'm sorry din kasi inintriga ko ang closeness n'yo sa isa't-isa. Sana katulad ni Vienne, maging kaibigan din kita Brax."
            Wala siyang naging tugon. Mukha naman itong nagsasabi ng totoo at mukha namang nagsisisi pero matibay pa rin ang paniniwala niya na ayaw niya itong maging kaibigan ng bestfriend niya.
            "Okay na ba?" Tanong niya kay Vienne.
            "Okay na. Pero sana sinagot mo naman ang sinabi ni Ambrose," bulong sa kanya nito.
            Inilapit niya ang bibig sa tainga nito saka doon bumulong. "Hindi na kailangan pang gawin `yon. Sabihin mo na lang sa kanya na okay na sa `kin."
            "Sigurado ka ba?" Hindi naniniwalang sabi nito.
            Tumango siya. "I'm sure. Pwede na ba akong umalis."
            Sabay silang napabaling ni Vienne kay Ambrose nang tumikhim ito. "Ako ba ang pinag-uusapan n'yo?" Tanong nito sabay kamot sa batok.
            "Oo," sagot niya. Wala nang silbi kung pagtatakpan nila ang sarili. Obvious naman kasi sa kanila ni Vienne na ito ang pinag-uusapan nila.
            "Oo, Ambrose," ani Vienne. "Okay na kay Brax ang friendship na ino-offer mo pero hindi daw ibig sabihin niyon ay instantly na magiging close kayo. Hindi pa rin niya kasi nakakalimutan ang mga ginawa mo. You know? Magkaiba kasi kami nitong dalawa," sabi ni Vienne sabay tapik sa kanyang kaliwang pisngi.
            "Tama si Vienne," sang-ayon niya.
            "Ganoon ba. Okay lang sa akin. At least you considering it, Brax," ani Ambrose.
            Considering? Never in my wildest dream, Ferrer. Aniya sa sarili.
            Tinanguan niya lang ito. "Aalis na ako Vienne. Pwede na hindi ba?"
            "Oo," maluwang ang ngiti na sabi nito. "Ite-text na lang kita, ah."
            "Sige. Aasahan ko iyon," aniya saka sumakay sa motor niya.
            Pinaharurot niya iyon palayo sa mga ito.

MULA sa pagtingin sa papalayong si Brax habang sakay ng motorsiklo nito ay nalipat ang tingin ni Vienne kay Ambrose
            "Talaga palang suplado ang bestfriend mo, ano?" Sabi nito.
            "Oo. Talagang ganoon iyon. Mabuti nga at na-consider ka niya. Sabi ko naman kanina, mahirap makalimot `yon sa mga taong may ginawa na masama sa kanya o kaya sa akin."
            "`Pansin ko nga. Mabuti at natatagalan mo siya."
            Napangiti siya sa sinabi nito. Sa mata ng iba ay alam niya na suplado talaga ang image ni Brax pero sa kanya ay hindi. Kilala niya nang lubusan ang bestfriend at mabait si Brax sa sarili nitong paraan.
            "Siyempre naman. Hindi ko siya magiging bestfriend kung hindi," sagot niya.
            "Tara, pasok na tayo," ani Ambrose. "By the way, Vienne. Saan ka pala pupunta?"
            "Sa library," aniya. "Pero nagbago na ang isip ko. Malapit na ang next class ko."
            "Sige. Pasok na tayo kung ganoon."
            "Mabuti pa nga," sabi niya.
            Sabay na silang pumasok ni Ambrose. Naghiwalay lang sila nito ng nasa tapat na siya ng room niya. Nasa second floor ang room ng lalaki.



ITUTULOY..

4 comments:

  1. Hmmm ano na naman kaya ang gagawin nitong si Ambrose kay Vienne? At si Brax mukhang nakakaramdam na ng selos. Hay kapanapanabik talaga! Author you really know how to get your readers excited with the flow of the story the next chapters should be really interesting! Keep it up author!

    ReplyDelete
  2. My hidden agenda kaya si Ambrosio? Salamat sa update...sorry sa mispelled name, hehehe

    ReplyDelete
  3. Kelan kaya mapagtatanto ng 2 na inlove na sila sa isat isa?! Hmmmm...

    -hardname-

    ReplyDelete
  4. wala pa bang update?

    -drei-

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails