Followers

Thursday, October 23, 2014

Beat Of My Heart Chapter 4




CHAPTER FOUR

NASA loob ng kanyang kwarto si Vienne. Abala siya sa pagbabasa ng notes niya sa kanyang notebook. Nasa kalagitnaan na siya ng binabasa niya nang bulabugin siya ng malalakas na katok sa pintuan ng kanyang kwarto. Ayaw man niyang pagbuksan dahil abala siya sa ginagawa ay wala naman siyang magawa. Hindi naman kasi iyon titigil hanggang hindi pa niya binubuksan ang pintuan. Lalala rin ang sitwasyon kung hindi niya iyon gagawin.
            Wala sa sarili na tumayo siya mula sa kanyang kama at lumapit sa pintuan. Binuksan niya iyon.
            "Bakit ang tagal mong buksan? Kanina pa ako kumakatok. Hindi ba sinabi ko sa `yo na sa tuwing kakatok ako dito, pagbuksan mo ako kaagad. Paulit-ulit ko na lang ba na sasabihin sa `yo iyon? Hindi ka naman tanga pero ang hina ng pick-up mo!"
            Sa bawat salita na sinabi ng mama niya ay nakayuko lang siya. Hindi niya masalubong ang tingin nito. Sa loob ng bahay nila ay ito ang kinakatakutan niya at pinangingilagan. Mula pagkabata ay takot na siya dito dahil sa klase ng pagtrato nito sa kanya.
            Tuwing nakakagawa siya ng mali ay agad siyang nakakatanggap dito ng kurot at palo kahit ngayon na teenager na siya.
            "May ginagawa po kasi ako," ang mahinang sagot niya. Halos siya na lang ang nakakarinig niyon.
            "Anong sabi mo!?" Ang pagalit na tanong nito na nakapagpitlag sa kanya. "Lakas-lakasan mo nga ang boses mo, Vienne. Kalalaki mong tao ang hina ng boses mo!"
            "May ginagawa po kasi ako," pag-ulit niya sa sinabi. This time ay mas malakas.
            "Wala akong pakialam kung may ginagawa ka man o wala. Tandaan mo na ako ang masusunod sa `ting dalawa! Kunin mo ang gamit mo, dto ako matutulog sa kwarto mo. Kunin mo pati ang gagamitin mo bukas. Ayokong maistorbo ako dahil lang sa kukunin mo ang gamit mo."
            Gustuhin man niya na tumanggi sa gusto nito ay hindi na niya ginawa. Lagi naman kasing ganito ang senaryo nilang dalawa. Sinasanay na lang niya ang sarili. Madalas ay siya ang napapatalsik sa sarili niyang kwarto. Iyon ang palaging ginagawa nito kahit na may sarili naman itong kwarto na katabi ng kwarto ng lola niya.
            Alam niya na sasaktan lang siya nito kapag tumanggi siya sa kagustuhan nito. Mabilis ang pagkilos na kinuha niya ang kanyang bag at isinilid doon ang mga gamit niya na nagkalat sa higaan niya. Kinuha rin niya ang susuotin niya na damit para bukas. Kahit hindi na nito sabihin sa kanya na kunin iyon ay gagawin niya. Dati kasi na kumatok siya sa kwarto niya para magbihis ay nasigawan at nasaktan siya nito.
            Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang pagtrato nito sa kanya. HIndi niya alam kung bakit mula pa noon hanggang ngayon ay masyadong mainit ang ulo nito sa kanya. Parang laging kumukulo iyon kapag nakikita siya. Madalas na gumagawa siya ng paraan para hindi magkasalubong ang landas nila sa loob ng bahay.
            Alam naman niya na nanggaling siya dito. It was stated by his grandmother. May patunay rin na anak siya nito dahil sa birth certificate niya. Iyon nga lang ay walang pangalan ng ama doon.
            Nang makuha niya ang mga gamit niya ay lumabas na siya ng kwarto. Eksaktong pagkasara ng mama niya ng pintuan ay tumulo ang luha niya na kanina pa niya pinipigilan. Mabilis niyang pinunasan iyon. Ayaw niyang makita siya ng lola niya sa ganitong sitwasyon. Ayaw niyang mag-alala ito sa kanya na baka maging sanhi pa ng pagkakasakit nito. Mahina na ang puso ng lola niya at madalas ay tumaas ang presyon nito. Iniiwasan niya na mangyari iyon. Matanda na ito at may kahinaan na para pag-alalahanin pa niya.
            Dating gawi, dumiretso siya sa mahabang sofa at pumwesto sa sulok niyon. Doon siya palaging pumupwesto tuwing napapa-alis siya sa sarili niyang kwarto. Doon niya ipagpapatuloy ang pagbabasa ng notes niya.
            Habang nagbabasa ng notes niya ay hindi niya maiwasan ang muling malungkot. Muling namasa ang sulok ng mata niya at tumulo ang kanyang luha. Natuluan pa ang notebook niya. Agad niyang isinara iyon.
            Bakit ba ganito? Dapat masanay na siya sa kanyang sitwasyon dahil iyon naman na ang kinalakihan niya pero hindi naman niya masanay ang sarili. Hindi niya maiwasan ang maging emosyonal at umiyak. Hindi niya rin maiwasan ang magtanong sa sarili.
            Masasabi ngang mayroon siyang ina na nasa tabi niya pero hindi naman niya maramdaman ang pagiging ina nito sa kanya. Ang mga kakulangan nito sa kanya ay ang lola niya ang madalas na pumuno. Sa lola niya lang nararamdaman ang totoong pagmamahal at pagpapahalaga sa kanya bilang apo. Minsan nga ay naiisip at nahihiling niya na sana ang lola na lang niya ang naging nanay niya.
            Pinunasan niya ang luha na naglandas sa kanyang pisngi. Hindi niya pipigilan ang sarili na umiyak ngayon. Alam niya na bukas ay magiging maayos na ang kalagayan niya. Hahayaan niya na sakupin ng lungkot ang kabuuan niya.
             Kung sana ay alam lang niya ang dahilan ng pagtrato sa kanya ng mama niya ay baka maintindihan pa niya ito. Ang sakit lang na isipin na ang dapat sana niyang sandalan ay wala namang amor sa kanya.
            Nakatulugan na niya ang ganoon na isipin.


MAAGA pa ring nagising si Vienne kahit na napuyat siya kagabi sa pagda-drama at pag-iisip ng negatibong bagay tungkol sa pakikitungo ng mama niya sa kanya. Naiisip niya na bagong umaga at bagong pag-asa iyon para sa kanya. Tama na ang umiyak siya kapag gabi. Kailangan niyang gawing positibo ang pananaw para sa araw na ito. Ang disposisyon niya sa buhay ay dapat na lagi niyang ilagay sa tama. Sapat na ang gabi para umiyak siya. Alam naman niya na hindi niya iyon maiiwasan pero sa abot ng kanyang makakaya ay gagawin niya. Kung iyon nga ay makakaya niya.
            Kung hahayaan niya kasi na ipakita ang kalungkutan sa mga taong nakapaligid sa kanya, alam niya na mag-aalala lang ang mga ito. Maninibago na rin dahil kilala siya ng mga ito bilang tao na positibo sa lahat ng bagay. Lagi nga siyang nakangiti kahit na minsan ay malungkot siya.
            Ang weirdo lang niya. Nagsusuot siya ng maskara tuwing kausap niya ang ibang tao. Ang galing rin niya na magtago ng emosyon. Kay Brax lang naman siya hindi makapagtago ng totoo niyang nararamdaman. Alam ng bestfriend niya na laging magaan ang pagharap niya sa problema. Maliit o malaki man iyon.
            "Ang aga mo nagising, apo."
            Napatingin siya sa lola niya na kalalabas pa lang ng kwarto nito. Mabuti na lang at naitago na niya ang kumot at unan na ginamit niya sa pagtulog sa sofa. Mabuti na lang dahil kung hindi, tiyak niya na magagalit na naman ito sa mama niya.
            "Kailangan,`la. Maaga po ang pasok ko ngayon."
            "Ang sipag mo naman, apo. Asikasuhin mo na ang sarili mo. Ako na ang bahala na magluto ng agahan natin."
            "`Wag na po, `la. Bibili na lang po ako sa tindahan ng tinapay. Bawal po sa inyo ang magpapagod, hindi ba?"
            "Sus ko naman. Kaunting pagkilos lang naman ang gagawin ko. `Wag ka nang bumili ng tinapay dahil may lulutuin naman dyan. Maliit na bagay lang naman ang gagawin ko."
            "`Wag na po, `la," muling tanggi niya. "Ako na po ang bahala sa sarili ko. Bibili na lang ako ng tinapay, nagmamadali rin po kasi ako. Isa pa po, malaki na ako para asikasuhin n'yo pa. Kaya ko na po ang sarili ko. Magbasa na lang po kayo o kaya ay bumalik sa kwarto niyo at matulog ulit. Lalabas po muna ako. May ipapabili po ba kayo?"
            "Tingnan mo kung may dyaryo na," anito.
            "Sige po. Aalis na `ko," paalam niya.
            "Sige, mag-iingat ka," bilin nito.
            "Opo."
            Nang makalabas siya ng bahay ay napabuntung-hininga siya. Ano na lang siya kung wala sa tabi niya ang lola niya? Isa ang abuela niya sa dahilan kung bakit siya nagpupursige sa pag-aaral at sa abot ng kanyang makakaya ay mag-excel sa klase niya. Isa rin ito sa dahilan kung bakit laging positibo ang pananaw niya sa buhay at laging may ngiti sa kanyang labi. Ang lola niya ang nagsisilbing ilaw niya sa madilim na daan na dinudulot ng mama niya.
            Kaya naman sobra siyang natatakot kapag dumating ang araw na mawala ito sa tabi niya. Isipin pa lang niya ay nalulungkot na siya. Hindi niya iyon kakayanin. Marahas siyang napailing sa naiisip.
            Ang aga-aga ay ganoon ang naiisip niya. Masyadong bwisit. Sobrang nakaka-bad vibes. Dapat niyang tandaan na maging positibo sa lahat ng bagay. Ngiti lang ng ngiti kahit na nasasaktan at hanggang maaari ay itago ang problema sa buhay sa harap ng ibang tao.
            "Wala ka na lang palagi sa sarili mo, Vienne."
            Natutop niya ang dibdib sa gulat. Napatingin siya kay Brax na nasa tabi niya. katulad ng dati ay hindi na naman niya napansin ang paglapit nito sa kanya. Masyado na naman siyang nahulog sa malalim na pag-iisip.
            Kinalma niya muna ang sarili saka ito nginitian.
            "Nag-jogging ka?" tanong niya. Obvious naman kung ano ang ginawa nito pero nagtanong pa talaga siya. Obvious naman iyon dahil sa suot nito at sa pawis na sa mukha nito. Basa na rin ang suot nitong puting damit. Sapat para bumakat iyon sa katawan nito na nagkakaroon na ng porma. May muscles na rin ito.
            "Bakit hindi mo ako niyaya?" Pag-iiba niya. Alam niya na wala itong balak sagutin ang tanong niya dahil sabi niya nga ay obvious na iyon.
            "Alam ko kasi na busy ka. Busy ka sa pag-iyak kagabi."
            Natigilan siya.
            "Paano mo naman nasabi `yon?"
            "Look at yourself in the mirror. Ang laki ng eyebag mo at hindi mo naman iyon maikakaila sa `kin dahil ganoon naman palagi ang senaryo mo."
            "Yeah right. Malamang hindi iyon kaila sa `yo kasi sinabi ko `yon sa `yo."
            "Kaya nga ang sabi ko sa `yo, sa bahay ka na lang matulog. May guest room naman doon kung hindi ka komportable na katabi ako sa kama ko."
            "`Wag na lang. Makakaistorbo ako sa inyo ni Tita Raquel."
            "Pwede mo naman akong i-text."
            "Alam mo na hindi ako naglo-load."
            Pumalatak ito. "Ako na lang ang magbibigay sa `yo ng load kung ganoon. I-text mo lang ako tuwing gabi at pagbubuksan kita ng pintuan. Para makasigurado na rin, magpapa-alam ako kay mama na doon kita papatulugin."
            Natawa na lang siya. "Salamat sa concern, Brax, pero hindi mo na kailangan pang gawin iyon. Kaya ko kaya `yon. Kapag gabi lang naman ako umiiyak, eh. Saka minsan lang naman."
            "Madalas na minsan, `yon ang sabihin mo."
            "`Wag na nating pag-usapan `yon, Brax. Move-on na ako. Bagong umaga at bagong pag-asa ito. Kailangan good vibes ako. Forget the worries and wipe the tears away. Dapat tingnan ko ang positibong outlook ng buhay."
            Umiling na lang ito. "Saan ka ba pupunta?"
            "Bibili ng tinapay para sa almusal ko. Ikaw? Saan ka pupunta? Tapos ka na ba mag-exercise?"
            "Sasamahan kita. Tapos na ako mag-exercise. Naka-ilang ikot din ako."
            "Halata nga," aniya. "May dyaryo na kaya ng ganito kaaga?" tanong niya.
            "Wala pa `yan. `Wag ka na bumili ng tinapay, Vienne. Sa bahay ka na lang kumain para `wag ka nang gumastos."
            Sa sinabi nitong iyon ay napahinto siya. "Sigurado ka ba?"
            "Oo naman," mabilis na sagot nito.
            Kahit kasi bestfriend silang dalawa ay bihira lang sila na pumunta sa bahay ng isa't-isa. Samantalang magkaharap lang naman ang mga bahay nila. Tatawid lang ng kalsada. Kaya nga hindi niya sineseryoso ang sinabi ni Brax na doon siya matulog sa bahay nito. Kung ito kasi ay pinangingilagan ang mama niya, siya naman ay ang papa nito ang pinangingilagan niya. Lagi kasing masama ang tingin sa kanya ng papa ni Brax tuwing pumupunta siya sa bahay nito dati.
            Kahit hindi sabihin sa kanya ng papa ni Brax, nararamdaman niya na hindi siya gusto nito na maging kaibigan ng nag-iisang anak nito. Si Tita Raquel lang naman ang may gusto sa kanya. Ka-close rin niya ang mama ni Brax at madalas ay kabiruan pa niya. Tanggap rin siya ni Tita Raquel bilang bestfriend ni Brax kahit alam nito ang totoo sa kanya.  
            "Alam ko kung ano ang iniisip mo, Vienne. Wala si papa sa bahay. May one week seminar siya, kagabi siya umalis. Sa isang linggo pa `yon babalik."
            "Talaga?" gagad niya.
            "Mukha ba akong sinungaling?" balik-tanong nito.
            "Hindi. Sige, papayag ako. Masama ang tumatanggi sa grasya. Magpapaalam muna ako kay lola."
            "Sige. Hihintayin na lang kita sa labas ng bahay n'yo. Ayaw kong pumasok doon. Ayokong makita ang mama mo. Ayaw kong makita ang monster mama mo. Alam mo naman na.."
            Natawa siya sa sinabi nito. Kahit hindi na nito tapusin ang sasabihin nito ay alam na niya kung saan iyon hahantong. Walang kaso rin sa kanya kahit na bigyan nito ng palayaw ang mama niya. Alam niya kasi na nagbibiro lang si Brax.
            "Alam ko na kung ano ang sasabihin mo."
            "Good," anito saka ngumisi.
            Magkaagapay silang naglakad pabalik sa bahay niya.
            "Ano ang almusal n'yo?"
            "Hindi ko pa alam pero sigurado ako na masarap."
            "Lagi namang masarap ang luto ni tita."
            "Tama ka d'un," pagsang-ayon nito. "Kapag hindi ka pa okay, Vienne, dito lang ako, ah. Tatandaan mo `yon."
            Napailing siya. "Akala ko tapos na tayo dyan."
            "Hindi pa. Alam ko kasi na hindi ka pa okay kahit sabihin mo na okay ka na."
            "Kung pwede lang kitang yakapin baka kanina ko pa ginawa." Ang sabi niya.
            Thankful siya sa pag-aalala nito sa kanya. Ang bait lang nito kahit na hindi iyon kadalasan nakikita ng ibang tao. Siya lang.
            Lumayo sa kanya si Brax. "Pawis ako," anito.
            Napangiti siya. Kahit na alam ni Brax kung ano ang totoo niyang preference ay hindi ito nagkaroon ng malisya sa pagyakap niya dito. Alam kasi nito na pagtinging kaibigan ang nararamdaman niya para dito. Iyon naman talaga sila at hindi na lalampas pa.
            Nang makarating sila sa tapat ng kanyang bahay ay nagpaalam siya kay Brax na papasok muna para magpaalam sa lola niya. Naiwan naman ito sa labas ng kanilang bahay. Hindi talaga nag-abala na umapak kahit sa bakuran nila.
           Pagkapasok niya sa kanilang bahay ay agad niyang nakita ang lola niya sa paborito nitong pwesto.
            "`La, wala pa pong newspaper. Mamaya pa daw `yon," imporma niya dito.
            Nagtaas ito ng tingin. "Ganoon ba. Bakit wala kang dala na almusal? Hindi ka ba kakain?"
            "Magpapaalam rin po ako na kina Brax ako mag-aalmusal. Dadalhan ko na lang po kayo," ang sabi niya para makalusot.
            Mag-i-insist na naman kasi ito na ipagluluto siya nito kung hindi niya sinabi ang huling anim na salita. Paborito rin kasing kainin ng lola niya ang mga pagkain na niluluto ni Tita Raquel. Kapag wala kasi siya sa bahay at ang mama niya ay laging dinadalhan ni Tita Raquel ng pagkain ito.
            "Sige. Dalhan mo na lang ako. Busugin mo ang sarili mo, Vienne."
            "Opo."
            Lumabas na siya ng bahay. Naabutan niya si Brax na abala sa pagsipa ng bato sa paanan nito. Wala siguro itong magawa kaya iyon ang napag-trip-an.
            "Tara na," tawag niya sa pansin nito.
            Nag-angat ito ng tingin. "Ang bilis mo, ah."
            "Ganoon talaga. Nagpaalam lang naman ako kay lola. Saka alam ko na ayaw mo ang pinaghihintay."
            Ngumiti ito. "Kilala mo na talaga ako, Vienne. Talagang wala na akong maitatago sa `yo," anito.
            Ngumisi siya. "Malamang. Ganoon ka rin naman sa akin, `di ba?"
            "Oo naman!"
            "Sinabihan ko pala si lola na dadalhan ko siya ng almusal. Padalhan mo ako, ah."
            "Oo," natatawang sabi nito.
            Tumawid na sila sa daan. Nang nasa tapat na sila ng bahay nito ay pinagbuksan siya nito ng gate. Pinauna siya nitong pumasok. Agad niyang nakita si Tita Raquel na abala sa pagdidilig ng halaman nito.
            "Magandang umaga, tita!" Ang masiglang bati niya dito.
            Mula sa ginagawa ay nag-angat ito ng tingin. "Magandang umaga rin sa `yo, Vienne. Ang aga mo naman mangapitbahay," pagbibiro nito.
            "Makiki-almusal po ako sa inyo. Niyaya po ako ni Brax," aniya sabay baling kay Brax na kakapasok pa lang ng gate.
            "Wala namang masama kung dito mag-aalmusal si Vienne, hindi po ba,`ma?"
            Natawa si Tita Raquel. "Wala naman masama. Masaya nga `yon dahil nauubos ni Vienne ang pagkain dito sa bahay. Kahit na araw-araw pa siya ditong kumain, okay lang sa `kin."
            "Grabe naman po kayo, tita. Hindi naman ako malakas kumain. Slight lang po," pagsakay niya sa sinabi nito.
            Tumawa ito. "Sige na, pumasok na kayong dalawa. Asikasuhin mo si Vienne, Brax." Ang bilin pa nito.
            "Opo, `ma," ani Brax.
            Bago sila pumasok sa bahay nina Brax ay nagpahabol pa si Tita Raquel. "Feel at home, Vienne. Ariin mo na bahay ang bahay namin. `Wag kang mahihiya."
            "Opo," aniya.
            Natatawa na lang siya nang makapasok sa loob ng bahay. Gaya nga ng sinabi ni Tita Raquel ay feel na feel din ni Vienne ang pananatili sa bahay nina Brax. Siya pa ang nauuna dito. Wala namang kaso iyon kay Brax.
            Pagkarating nila sa kusina ay siya pa ang kumuha ng mga gagamitin nila para sa pagkain. Si Brax naman sa kabilang banda ay umupo sa stool na upuan at pinagmasdan lang siya. Bawat kilos niya ay nakasunod lang ito.
            "Magpalit ka kaya muna ng damit kaysa ang tingnan at sundan mo ang ginagawa ko," wika niya.
            "Hindi na kailangan. Matutuyo rin naman ang damit ko."
            "Magpalit ka kaya. Baka magkasakit ka sa ginagawa mo. Hindi mo naman ako tinutulungan, eh. Hindi ko kailangan ng taga-tingin."
            "Hindi mo na kailangan ang tulong ko kaya mo na `yan. Ang sabi nga ni mama sa `yo, feel at home. Asikasuhin mo na lang ang sarili mo."
            "Dapat sinasabi mo `yan sa sarili mo. Asikasuhin mo ang sarili mo, Brax. Magpalit ka ng damit."
            "`Wag na," anito. Hinubad nito ang suot na t-shirt.
            Napailing na lang siya sabay iwas ng tingin dito. "Ang tamad mo lang talaga."
           Ngumisi ito. "Alam mo naman pala. Pero, sige, para matahimik ka lang. Magpapalit ako ng damit. Feel at home, Vienne," anito saka tumayo at lumabas ng dining area.
            Napasunod na lang ang tingin niya dito. Kahit kailan talaga ay pasaway ito. Susunod rin lang naman sa sinabi niya, nagpaligoy-ligoy pa. Talagang naghubad pa sa harapan niya.
           
NAKAHANDA na ang mesa nang makabalik si Brax. Agad napansin ni Vienne na basa na ang buhok nito. Pagkapasok pa lang nito sa dining area ay agad na pumuno ang amoy ng sabong panligo na ginamit nito. Mga indikasyon na hindi lang ito nagpalit ng damit kundi naligo pa.
            Ilang minuto rin siyang naghintay dito. Siyempre, hindi pa siya kumakain dahil ang gusto niya ay kasabay ito. Wala naman siyang manners kung hindi niya hihintayin si Brax, eh, ito ang may-ari ng bahay. Nakakahiya naman kay Brax na siya pa ang pinaayos ng mesa.
            "Pasensya na kung natagalan ako," nahihiyang sabi nito. "Naligo pa kasi ako. Nababahuan na ako sa sarili ko."
            "Obvious nga," aniya. "Sampung minuto rin akong naghintay sa `yo. O lampas pa doon, hindi ko naorasan. Nagugutom na `ko."
            "Sana nauna ka nang kumain. Hindi mo na dapat ako hinintay."
            Binigyan niya ito ng isang blankong tingin. "Alam mo naman na hindi ko gagawin `yon."
            "Alam ko nga," anito. "Kumain na tayo. Pasensya ka na talaga sa paghihintay." Muling hingi nito ng paumanhin.
            "Kumain na lang tayo, Brax. Wala nang kaso sa `kin `yon."
            Dumulog na ito sa hapag. Nag-umpisa silang kumain. Habang kumakain ay wala silang imikan. Ganoon naman talaga silang dalawa kapag nasa harap ng pagkain. Naka-focus lang ang atensyon nila sa kanilang kinakain. Kahit na may napupuna sila sa isa't-isa ay hindi nila iyon sinasabi sa isa't-isa. Bihira lang. Mamaya na lang pagkatapos kumain.
            Siya ang unang natapos sa kanila ni Brax.
            "Uuwi na `ko, Brax. Ikaw na ang maghugas ng pinagkainan natin."
            Tumango ito. Natapos na rin ito sa pagkain.
            "Ihahatid pa ba kita sa school?"
            "`Wag na. Maglalakad na lang ako papunta sa school."
            Kumunot ang noo nito. "Ihahatid na kita. Kung maglalakad ka, kakapusin ka sa oras. Baka ma-late ka pa. Ako pa ang sisihin mo."
            "Ikaw naman talaga ang dapat na sisihin. Pinaghintay mo kaya ako ng sampung minuto."
            "Sinabi ko na nga ba at ako ang masisi. Ihahatid na kita kung ganoon nga," sabi nito. May pinalidad doon.
            "Sige. Oo na lang. Wala namang makakabago kapag nagdesisyon ka na. Pupunta na lang ako dito kapag nakahanda ka na." Tinalikuran niya ito saka nagtungo sa pintuan.
            Palabas na siya nang magsalita si Brax.
            "`Yong pagkain ni Lola Cons, Vienne. Nakalimutan mo na."
            Napasimangot siya sa sinabi nito. "Nakalimutan ko na sa pagmamadali."
            Babalik na sana siya nang muling magsalita si Brax. "Ako na lang ang magdadala sa bahay n'yo, Vienne. Asikasuhin mo na ang sarili mo."
            "Sige. Salamat" aniya saka tuluyan nang lumabas sa pintuan at sa bahay nito.


ITUTULOY...

5 comments:

  1. Ang ganda ng samahan nilang dalawa. Whats with Vienne mom's attitude towars him? Salamat sa update...God Bless

    ReplyDelete
  2. Hmmm parang mabagal ata ang takbo ng storya author? Basta ang alam ko inaabangan ko to everyday.

    ReplyDelete
  3. Nice....next chartep agad pls author

    Jharz 05

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails