Followers

Thursday, October 16, 2014

Beat Of My Heart Chapter 3



Author’s Note

Matagal ko nang napansin na pocketbookish ang gawi ng pagkakasulat ko ng mga sinusulat ko.. Nakasanayan lang po. Pasensya na.
At isa pang pasensya sa medyo-medyo nadisappoint at madi-disappoint na naman. The note is taken na po. Pero hindi ko alam kung masusunod at susundin ko. Wahaha

At muli, ako'y nagpapasalamat sa aking mga Co-RA'S, lalong-lalo na sa dalawang ito. Kuya Carlos at kuya Rye.
Pati po kay Sir Mike at Kuya Ponse. :)

Sa mga nag-comment! Salamat. Good, salamat! Bad, salamat pa rin. :)

Heto na ang 3rd Chapter Ng Beat of my Heart.. Enjoy po!


CHAPTER THREE

MGA ilang minuto ay nakarating na sila ni Vienne sa tapat ng karinderya ni Aling Tere. Katulad ng sabi ni Vienne kanina ay mura ang mga pagkain doon. Dahil sa close sila kay Aling Tere, minsan nga ay nalilibre pa sila ng pagkain. Mula nang mag-aral sila sa URS ay sa karinderya na sila kumakain.
            Bumaba na si Brax ng motor. Si Vienne naman ay ipinark ang motor sa hanay ng ibang motor doon. Nakita ni Brax ang kaibigan at kabanda niya na sina Theo at Devin. Marami ang kumakain na estudyante kaya wala nang upuan kahit na sa malayo pa lang sila. Hinihintay niya kasi si Vienne para sabay na silang magtungo doon.
            "Tara Brax," yaya nito sa kanya nang makalapit.
            "Marami ang kumakain. Wala na tayong upuan niyan."
            "Kina Theo at Devin na lang tayo maki-share," anito.
            "`Wag na kaya. Aasarin ka na naman ni Theo."
            Natawa ito. "Don't worry, Brax. Kaya ko si Theo. Sanay na ako. Sisiw lang sa akin ang pang-aasar ng Theo na `yan."
            Pagkasabi niyon ay iniwan na siya nito. Sinundan na lamang niya ito. Pagkalapit nila sa pwesto ng dalawa ay agad napansin ni Brax ang nakakalokong tingin ni Theo. Na sadya naman talagang maloko at mahilig mang-asar.
            "Hello, lovebirds," anito.
            Sinimangutan niya ito. Si Vienne naman sa kabilang banda ay tinapik ito sa mukha.
"Hello, shrek."
            Natawa siya sa sinabi nito pati si Devin. Napasimangot naman si Theo.
            "Sa gwapo kong ito?"ani Theo, sabay turo sa mukha. "Tatawagin mo akong Shrek. Hindi ka talaga marunong mag-appreciate ng ibang kagwapuhan, Vienne. Palibhasa, palaging si Brax ang kasama mo kaya hindi mo na alam ang ibig sabihin ng totoong gwapo."
            Binatukan niya ito. "Umayos ka nga, Theo. Ibig mong sabihin, hindi ako gwapo? May ipagmamalaki naman talaga akong mukha, ah."         
            "Aray naman!" Reklamo nito habang nakahawak sa nasaktang batok.
            Nawala ang pansin niya dito nang magsalita si Vienne. "Ako na ang oorder ng pagkain natin, Brax. Maiwan na muna kita dito."
            "Samahan na kita, Vienne. Wala pa naman akong pagkain," ani Devin.
            Tinanguan niya si Vienne. "Sige. Ikaw na ang bahala."
            Sabay na umalis si Devin at Vienne. Nagtungo ang mga ito sa orderan ng pagkain. Nakasunod na lang ang tingin niya sa mga ito. Ang kanyang tingin ay natutok kay Vienne. Tuwing kausap nito si Devin ay may kakaiba siyang napapansin dito. Parang lagi itong masaya. Alam na niya kung ano ang ibig sabihin niyon. May paghanga ang bestfriend niya kay Devin.
            "Selos ka, ano?"
            Napatingin siya kay Theo. Binatukan niya ulit ito.
            "Gago! Bakit ako magseselos?"
            "Malay ko sa `yo," anito. "Shit ka Brax! Ang sakit-sakit ng pambabatok mo. Kapag naalog ang utak ko. Who you ka sa `kin. Ang brutal mo talaga!"
            "Bagay lang naman sa`yo ang saktan. Ang hilig mo kasing mang-asar," sabi niya saka umupo sa upuan na binakante ni Devin.
            "Ogag ka rin! Hindi ka naman maaasar kung hindi ka tinatamaan sa pang-aasar ko," ganting sabi nito.
            Hindi na lang niya pinansin iyon. Kinuha niya ang bag at may kinuha doon.
            "Umiiwas siya," nakakalokong sabi ni Theo. Ibinato niya dito ang hawak na ballpen. Naiwasan naman nito iyon saka tumawa nang malakas
            Napailing naman siya. Madalas siyang biruin ni Theo tungkol sa kanilang dalawa ni Vienne. Lovebirds o kaya ay lovers ang laging pambungad nito sa kanila kapag nakikita silang magkasama ni Vienne. Hindi naman doon naaapektuhan si Vienne dahil sanay na ito pero pagdating sa kanya ay nakakadama siya ng iritasyon. Kaya naman madalas niya itong mabatukan na iniinda naman nito ngunit saglit lang dahil kapag naka-recover na ito ay magpapatuloy pa rin ito sa pang-aasar sa kanya. At dahil nga sa madalas siyang naaaasar ay iyon na ang naging habit nito.
            "Nasaan pala si Chris?" Usisa niya.
            "Uy, iniiba niya ang usapan. Talang sume-segway ka, ha. Akala mo makakaligtas sa akin `yan. Hindi kaya."
            Binigyan niya ito ng seryosong tingin. "Nag-uusap ba tayo?"
            "Hindi. Hindi. Nag-aasaran tayo."
            Babatukan niya sana ito ngunit agad na nakaiwas.
            Nginisihan siya nito. "Akala mo makakaulit ka pa. Wais yata `to." Pang-aasar nito. "Tingnan mo si Vienne, ang lawak ng pagkakangiti habang kasama si Devin."
            Hindi niya kinagat ang sinabi nito. Alam na niya iyon.
            "Ano naman sa `kin?"
            "Selos ka na naman."
            Napailing na lang siya. "`Wag ka ngang intrigero. `Wag mong bigyan ng kulay ang closeness namin ni Vienne. Tigilan at tantanan mo kami sa pang-aasar mo. Si Vienne at ako, magkaibigan lang kami. Ang relasyon namin ay purong pagkakaibigan lang. Nirerespeto namin ang isa't-isa."
            "Talaga lang, ah. Bakit iba ang nakikita ko?"
            "Malisyoso ka lang talaga. Hindi ka naman painter pero ang hilig mong magbigay ng kulay sa mga bagay-bagay."
            "Pagiging pintor naman talaga ang course ko. Remember, kumukuha ako ng Fine Arts."
            "Whatever, Theo. Tigilan mo na ako sa pang-iintriga mo. Masanay ka na lang sa nakikita mo sa amin ni Vienne. Katulad ng sabi ko, totoong pagkakaibigan lang ang namamagitan sa `min."
            "Talaga lang, ah." Hindi papatalong sabi nito. "Alam mo ba na kadalasan ang friendship ang isa sa matibay na foundation ng love. At sa kaso n'yong dalawa ay hindi imposible na mangyari iyon. Imposible things can be possible in this time."
            "Ikaw na ang maraming alam." Hindi rin siya magpapatalo sa pakikipag-argumento dito.
            Nginisihan siya nito. "Ako naman talaga ang maraming alam sa `tin. Trust me, Brax. Soon, things will change between you and Vienne."
            Magsasalita pa sana siya para pabulaanan ang sinabi nito ngunit dumating naman si Vienne kasunod si Devin.
            "In-order ko `yong paborito mo," anito.
            Inilapag nito sa tapat niya ang plato na may laman na kanin at pork steak.
            "Salamat. Ikaw ano ang in-order mo?"
            "Katulad ng pagkain mo," sagot nito saka umupo sa bakanteng upuan na nasa tabi niya.
            Sa kanyang peripheral vision ay nakita niya ang makahulugan na ngiti sa labi ni Theo. Pasimple niya itong siniko.
            "Aray!" Malakas na sabi nito.
            Nagkunwari siyang walang alam. Napabaling naman dito si Vienne at Devin.
            "Anong nangyari sa `yo?" Tanong ni Vienne.
            "Siniko ako ng bestfriend mo," sumbong nito.
            Napatingin sa kanya si Vienne. "Bakit?"
            "Hindi ko naman iyon sinasadya," palusot niya.
            "Talaga?" Hindi naniniwalang tanong nito.
            May pagbabanta sa kanyang tingin habang nakatingin kay Theo. Lagot ito sa kanya. Kapag wala na si Vienne ay talagang mababatukan niya ito. Nakakaasar ang pesteng ngiti na naglalaro sa labi nito. Wala talaga itong patawad.
            "Kumain na nga lang tayo. Gutom lang `yan Brax. Kaya siguro, nasiko mo si Theo dahil wala ka pa sa sarili. Hindi ka ba kumain sa inyo bago ka umalis?"
            Bago siya bumaling kay Vienne ay isang nakakalokong ngiti ang ibinigay niya kay Theo. Anong akala nito? Kakagatin ni Vienne ang sumbong nito.
            "Kumain pero kanina pa `yon."
            "Gutom ka lang talaga. Pagpasensyahan mo na `yan si Brax, Theo. Talagang ganoon naman `yan." Paghingi nito ng paumanhin.
            "Hindi mo kailangang humingi ng sorry kay Theo," naiinis na sabi niya.
            "Okay lang, Vienne. Kilala ko naman si Brax. Talagang barbaro naman ang bestfriend mo. Mahilig manakit. Mabuti na lang at natatagalan mo `yan."
            "Siyempre naman. Kailangan, eh. Saka bestfriend at saviour ko kaya `to," ani Vienne. May pagmamalaki sa himig nito habang sinasabi iyon.
            Lihim siyang napangiti. Talagang sobra ang pagpapahalaga nito sa kanya kaya ganoon din siya dito.
            "Kayo na ang mag-bestfriend," ani Theo.
            "Kumain na nga lang tayo," wika ni Devin.
            "Mabuti pa nga," sang-ayon niya.
            "Ehem.. ehem.. Hindi ba kami nakakaistorbo sa inyong dalawa ni Vienne, Brax?" Pang-aasar na naman ni Theo na pareho nilang ikinabaling na tatlo dito. "Aalis kaming dalawa ni Devin kung nakakaistorbo kami sa 'date' n'yo."
            Tumawa lang si Vienne. Sinimangutan niya si Theo saka binantaan sa pamamagitan ng tingin niya. Nagkibit naman ito ng balikat.
            "Para ka talagang sira, Theo," ani Vienne. "Date-in mo ang mukha mo. Hindi kami talo ni Brax kahit na attracted ako sa same-sex. Ang relasyon namin ay purong pagkakaibigan lang. `Wag kang intrigero."
            Nang-aasar na nginitian niya si Theo. Ngayon, alam na nito kung ano ang punto de vista ni Vienne sa pagkakaibigan nilang dalawa. Baka dahil doon ay huminto na ito sa pang-aasar at pagbibigay ng kulay sa kanilang dalawa.
            Ngunit, dahil sadyang makulit ito ay hindi naman ito nagpatinag. Talagang nagpatuloy pa ito. Hindi na siya nasanay. Mula pa noon ay makulit at mapilit na ito sa mga bagay-bagay.
            "Narinig ko na `yan kay Brax kanina. Saan ba napupunta ang friendship, Vienne?"
            "Akala ko ba aalis ka na dito sa mesa, Theo?" Pagsingit niya.
            Ayaw na niyang humaba pa ang usapan dahil mauuwi rin lang naman iyon sa pinunto at sinabi ni Theo sa kanya kanina. Hindi nga ito nagpapatalo.
            "Umiiwas lang kayong dalawa, eh," anito.
            Natawa si Devin. "Tigilan mo na ang dalawang `yan, Theo, Masyado kang magbigay ng puna sa nakikita mo. Hindi ka pa nagpapatalo samantalang ilang ulit naman na nilang sinasabi kung ano ba talaga sila para sa isa't-isa. Masyado kang mapilit." Tumayo ito at lumapit kay Theo. "Hayaan na natin silang dalawa dito. Hindi makakakain ang mga iyan kung iistorbohin mo sa pang-iintriga mo."
            Naiinis na tumayo si Theo. Malaki ang pagkakasimangot nito. "Kaasar ka naman. Nagsisimula pa lang ako, sinibak mo na kaagad."
            "Umalis na lang kayo. Tama ang ginagawa mo, Devin. Paalisin mo sa tabi namin si Theo, hindi talaga kami makakakain ng mabuti kung nandito `yan," sulsol dito ni Brax.
            Nang makaalis ang dalawa ay saka pa lang nakahinga nang maluwang si Brax. Sa wakas ay malaya na sila ni Vienne na makakain ng walang mang-iintriga sa kanila.
            "Ang pasaway talaga ng kabanda mo."
            "Hindi ka pa nasanay d'un."
            "Sanay na kaya ako, Brax. Sanay na sanay na sanay na. Kaya nga hindi ko na lang minsan pinapatulan. Hinahayaan ko na lang. Wala naman kasing mangyayari kung makikinig at maaasar ako. Alam natin kung ano ang tayo, Brax. Kagaya ng sabi ko sa`yo, hindi natin kailangan na magpaliwanag sa kanila. Sa mga tao na mahilig magbigay ng kulay sa nakikita nila."
            "Right," sang-ayon niya. "Kumain na lang tayo, Vienne."
            "Mabuti pa nga. Gutom na ako."
           
PAGKATAPOS kumain ni Vienne at Brax ay nagyaya na ang huli na magpahinga muna sila. Malugod naman na sinang-ayunan iyon ni Vienne dahil ayaw pa niyang umuwi. Gusto niyang magliwaliw muna bago siya umuwi. Wala naman kasi siyang gagawin sa bahay nila. Isa pa ay alam niya na pagdating niya doon ay mapupuna na naman siya ng mama niya. Gusto niya na pag-uwi niya ay sa loob na ng kwarto ang mama niya o hindi naman kaya ay wala ito para huwag silang magkita.
            Ang mama niya ang sobra niyang pinangingilagaan pagdating doon dahil sa hindi patas na pagtrato nito sa kanya.
            "Papasok na ako pagkatapos natin dito. Ikaw ba, Vienne? May pupuntahan ka pa ba?"
            "Wala. Dito muna ako at mamaya na lang ako uuwi."
            "Iniiwasan mo na naman ang mama mo, ano?" Anito.
            "Oo. Kailangan ko `yong gawin. Alam mo naman kung ano ang tingin sa akin ni mama."
            "Alam na alam ko. Kung gusto mo, sa bahay ka muna o kaya naman sa music room ka tumambay. Nandoon si Devin at Theo maglalagi, wala naman na kasing pasok ang dalawang iyon."
            "`Wag na. Dito na lang." Agad niyang tanggi.
            "Sigurado ka ba? Baka pumunta dito si Ambrose at magtanong na naman sa `yo ng kung anu-ano."
            "I can manage, Brax. `Wag kang mag-alala sa `kin. Makakaya ko na `yon."
            Bumuntung-hininga ito. "Hindi na lang kaya ako papasok."
            Pinandilatan niya ito. "Anong hindi ka papasok? Baka gusto mong isumbong kita kay tita."
            "Nagbibiro lang naman ako," agad na bawi nito. "Pero pwedeng maging totoo na biro `yon kapag hindi ka pumayag na doon muna sa music room."
            "Namba-blackmail ka na naman," aniya. "Umayos ka nga, Brax."
            "Ano? Hindi ako papasok o sa music room ka muna tatambay?"
            Hindi niya ito pinansin. Kunwari ay may kinuha siya sa bag. Inilabas niya ang cellphone at pumindot-pindot doon kahit na wala naman siyang natanggap na text. Dadaanin niya ito sa hindi pagsagot dito.
            Sa gulat niya, inagaw nito sa kanya ang cellphone niya.
            "Wala ka namang message, ah," sabi nito habang pinapakialaman ang gamit niya. "Umiiwas ka na naman sa sinabi ko. Sagutin mo nga `yon, Vienne. Ano?"
            "Wala akong pipiliin sa dalawa. Dito na lang ako tatambay. Ayoko sa music room at lalong ayoko pang umuwi sa `min. Don't worry so much about me, my friend."
            "Bahala ka nga," padabog na sabi nito saka ibinigay sa kanya ang cellphone niya. "Aalis na `ko. May klase na ako," paalam nito saka tumayo.
            Sinundan niya ito ng tingin. Sanay na siya sa pagba-back out nito tuwing hindi nasusunod ang gusto. Wala nang kaso iyon sa kanya. Sanay na siya. Palibhasa spoiled ito sa mga magulang nito kaya naman bratinello.
            "Mag-iingat ka na lang, Brax." Sigaw niya.
            Itinaas lang nito ang kamay saka kumaway. Hindi siya tinapunan ng tingin.
            Dahil sa hindi naman niya ito matiis ay tumayo siya at sinundan ito. Napapailing na lang siya. Alam talaga nito kung paano siya mapapapayag sa kagustuhan nito. Tinapik niya sa balikat si Brax nang makalapit siya. Ginawa niya iyon para makuha ang atensyon nito.
            "Ihatid mo ako sa music room," aniya.
            Hindi naman siya nito pinansin. Parang walang narinig.
            "Uy, Brax. Ang sabi ko ihatid mo `ko sa music room. Doon na ako tatambay."
            Bumaling ito sa kanya. Nakakunot ang noo. "Akala ko ba ayaw mong tumambay doon? Bakit nag-iba ang isip mo?"
            "Dahil sa `yo," asar na sagot niya. "Dinadaan mo `ko sa pagiging bratinello mo. Pasalamat ka at malakas ka sa `kin at ayaw kong magtampuhan tayo dahil sa maliliit na bagay lang."
            Napangiti ito. "I got you. Papayag ka rin pala, pinapatagal mo pa. Gusto mo pa talagang magtampo ako sa `yo at daanin kita sa brat way ko."
            Umingos siya. "Natutuwa ka pa sa ginagawa mo. Iba ka talaga, Brax Garcia."
            "Iba naman talaga ako," anito. "Sumakay ka na sa motor. Ikaw na rin ang mag-drive ulit."
            Agad naman siyang tumalima. Siya nga ang nagmaneho ng motor. Nang makarating sila sa building kung saan ang music room ay bumaba pa ito at hinatid pa siya doon. Hindi na lang siya nagsalita.
            "Ignorahin mo na lang si Theo kapag aasarin ka na naman n'un," bilin nito.
            "Alam ko na `yon. Ang sabi ko naman sa `yo, sanay na ako kay Theo."
            "Naninigurado lang ako. Pero kapag hindi ka na nakatiis at naasar ka na talaga, patulan mo na. Kapag gumanti, sabihin mo sa `kin. Ako na ang bahala na rumesbak."
            Natawa siya. "Ang brutal mo talaga kahit kailan. `Wag mo akong igaya sa `yo. Kapag naasar ako, dadaanin ko `yon sa pakikipag-usap, sa malumanay na paraan."
            "`Di kapag walang naging epekto ang paraan mo, gawin mo ang paraan ko."
            "`Wag na, uy."
            Nang makarating sila sa music room ay nandodoon nga sina Theo at Devin. Agad niyang napansin ang nanunudyong ngiti sa labi nito. As usual, binati sila nito.
            "Hello lovers!"
            "Hello!" Masiglang bati niya saka ito tinampal sa pisngi.
            "Umayos ka, Theo. `Wag mong guguluhin si Vienne. Kapag nagsumbong `yan sa `kin, magugulpi kita," banta dito ni Brax.
            "Wow naman, Vienne! Ang over protective ng boyfriend mo," pang-aasar nito.
            Sinakyan na lang niya ito. "Oo. Over talaga `yan kaya umayos ka."
            Natigilan ito sa sinabi niya. Maang na napatingin sa kanya. Alam na niya kung bakit ganoon ang reaksyon nito. Sa haba kasi ng pang-aasar nito sa kanila ni Brax ay ngayon lang niya sinakyan iyon. Lagi niya kasing binabalewala ang tawag nito sa kanila.
            "O, ngayon natahimik ka," pang-aasar dito ni Brax.
            Kahit hindi na niya sabihin ay mukhang nakuha naman agad iyon ng bestfriend niya. Para mapatunayan iyon ay inakbayan pa siya nito na labis na ikinalaki ng mata ni Theo. Natawa naman si Devin saka umiling-iling. Mukhang nakuha rin nito ang plano nila ni Brax.
            "Kami na ni Vienne. We found out na mahal namin ang isa't-isa." Ang sabi pa nito.
            Kunwari ay tumingin siya dito ng may pagsuyo at pagmamahal. Hindi naman iyon sa kanya bago dahil mahal naman talaga niya si Brax. Mahal bilang bestfriend. Humilig rin siya sa dibdib nito.   
            "Seriously? Kayo." ani Theo. Dumbfounded.
            Tumawa siya ng malakas pati ang dalawa. Inalis ni Brax ang pagkaka-akbay sa kanya. Lumayo naman siya dito.
            "Gago ka talaga, Theo. Sinakyan mo naman," ani Brax. "Maiwan ko na kayo. May pasok pa ako. Lagot ka sa `kin kapag may sumbong sa `kin si Vienne," anito sa kaibigan saka bumaling sa kanya. "Aalis na ako, Vienne."
            Tumango siya. "Sige. ingat ka. `Wag mabilis ang pagpapatakbo," ang bilin niya.
            Katulad ng dati ay sinagot siya nito. "Oo, manong!"
            Nang makaalis si Brax, bumaling si Vienne kay Theo na natitigilan pa rin.
            Tumingin ito sa kanya. "Nadale n'yo `ko d'un. Akala ko talaga kayong dalawa. Grabe ang chemistry n'yo."
            "Ang dami mo talagang napapansin. umayos ka nga," aniya. Umupo siya sa sofa na nandodoon.
            "Seriously Vienne. Hindi ako bulag para hindi makita iyon. May spark talaga sa pagitan n'yo. Parang hindi lang kayo magkaibigan. Parang mas higit pa doon at unti-unti ay mare-reveal iyon."
            "Hay naku, Theo! Sa pagkakaalam ko si Vienne ang mahilig magbasa ng mga pocketbooks sa `ting tatlo dito. Pero sa mga naririnig ko sa `yo, parang ikaw ang adik d'un," pagsingit ni Devin na abala sa pagtimpla ng tono ng gitara nito.
            Tinapunan ito ng tingin ni Theo. "Seryoso ako, Devin. Hindi ako nagbibiro. Nakita ko talaga `yon."
            "Pasensya ka. Hindi ko `yon napansin. `Wag ka kasing malisyoso sa mga nakikita mo."
            "Tama si Devin," aniya. "`Wag mong ipilit ang hindi naman dapat ipilit, Theo. Pinapagulo mo lang ang sitwasyon. Sinabi ko naman sa `yo na matalik na magkaibigan lang kami ni Brax. Kung marami man ang nagtataka dahil sa magkaiba ang ugali namin. Wala na akong pakialam d'un. Dapat nga hindi ako nagpapaliwanag sa `yo pero kapag ikaw dapat paulit-ulit kasi hindi mo agad ma-gets."
            Umiling-iling ito. "Basta. I stand on what I've seen. Hindi `yon mababago. Kapag nangyari na nagkagustuhan kayo ni Brax. Ako ang unang tatawa sa inyo."
            Napailing na lang siya.
            Posible nga bang mangyari iyon? Posible nga bang mahulog siya sa bestfriend niya? Sa isipin na iyon ay lihim na lang siyang napangiti. Alam niya kung ano siya. HIndi naman siya manhid para hindi magkaroon ng crushes at makaramdam ng kabog sa dibdib tuwing nakikita ang isa. Si Devin ay isa sa marami niyang crush pero never siyang nag-take ng way para sabihin iyon dito. Ang mga tipo ni Devin ang gusto niya. Matalino, gwapo at mabait. Ang mga katangian nito ay taliwas sa ugali ng bestfriend niya. So, ibig lamang na sabihin niyon ay malabo siyang magkagusto sa bestfriend niya dahil hindi ito ang tipo niya.
            Hindi niya sinasabi na hindi matalino si Brax dahil may angkin naman itong katalinuhan. May katamaran nga lang. Gwapo rin naman ito at walang duda doon. Lahat naman ng miyembro ng The Gravity ay may angkin na kagwapuhan. Iba-iba nga lang. At higit sa lahat, mabait si Brax. Mabait ito sa naiiba nitong paraan.
           At katulad nga ng sabi niya kay Theo kanina. Ang sa kanila ni Brax ay purong pagkakaibigan lang. Walang halong malisya iyon dahil ginagalang niya ito at alam niya na ginagalang siya ni Brax.
            Hindi naman sila magiging mag-bestfriend kung hindi.
            Kaya imposible iyon. Imposibleng-imposible.




ITUTULOY..


3 comments:

  1. Hmmm mukhang Hindi pa nila alam na matagal na nilang gusto ang Isa't Isa but things will fall in the right time. Sana lang di gaanong matagal. Salamat sa update author.

    ReplyDelete
  2. Keep it up. Paganda na ang story.

    ReplyDelete
  3. Brax and vianne my posibilities n mgkatuluyan kung my ppasok sa bang tao sa closeness ng dalawa

    Pwde si devin ung way para malaman ng dalawa
    Jay 05

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails