Followers

Monday, October 13, 2014

Beat Of My Heart Chapter 2



Author’s Note

In a way, opo, connected nga po ito sa story ni Kuya Carlos, settings, character ay nagmula po sa kanya pero -- (lol.. may pero talaga) – ako po ang nagbigay ng pangalan sa miyembro ng THE ANTAGONIST.. wahahaha.. (baka mapektusan ako nito ni kuya Carlos)
Dahil sa kagustuhan ko na maging parte ng mga gawa ni Kuya Carlos ay ito ang naisip ko. SO, i-expect n’yo po ang appearance ni Chris dito dahil siya ang lider ng banda nila.

Kay Kuya Rye, thanks sa COVER at sa comment.

Salamat nang marami sa mga nag-iwan ng komento sa first chapter ng story na ito. Kay Angel, masyado kang ego booster! Komento mo pa lang ay humahaba na ang tainga ko.. haha.

Kay Mama Lalie, maraming salamat sa magandang comment din po. Kay Faustino na may pambawi.. last part lang.. Arghh! Salamat, anyways. Kay Mr. Alfred, Franz, Jay05, Yelsna at AZ..

Wala po pala akong exact day ng update. Basta mag-a-update po ako. :)

Heto na po ang 2nd Chapter.. Enjoy po. SANA


CHAPTER TWO

NAALIMPUNGATAN si Brax sa malakas na alarm ng cellphone niya. Naaasar na kinuha niya iyon mula sa ulunan ng kanyang higaan at marahas na pinatay. Arghh! Alam na niya kung sino ang may kagagawan niyon. Walang iba kundi si Vienne. Marahas siyang umupo sa kanyang kama at ginulo ang buhok.
            Nakakaasar! Nasa kasarapan siya ng pagtulog at naistorbo siya dahil sa pesteng alarm ng cellphone niya. Talagang itinodo pa ni Vienne ang volume niyon. Siniguradong magigising siya. Mukhang bumabawi ito sa ginawa niya kagabi.
            Well, partly talaga ay kasalanan naman niya talaga kung bakit nito iyon ginawa. Sa sobrang antok niya kaninang madaling araw ay hindi na niya napansin ang pakikialam na ginawa ng kaibigan, rather ng bestfriend niya. Wala sa huwisyo na tumayo siya mula sa kanyang kama. Napahikab siya saka kinusot ang mata.
            Lagot sa kanya ang Vienne na iyon! Hindi talaga pumayag na ito lang ang gigising ng maaga. Talagang dinamay pa siya. Kagabi kasi ay tumugtog ang banda niya na The Gravity sa Maysha Acoustic Bar. Isang bar na kadalasan ay acoustic session ang tinutugtog ng mga banda na nagpe-perform. Matagal-tagal na rin mula nang magsimula silang tumugtog doon.
            Wala naman kasi talaga siyang balak na pilitin at i-blackmail si Vienne na isama kagabi. Ang kaso ay kung hindi niya ito kasama ay hindi naman siya papayagan ng mama niya na pumunta doon. Kaya para payagan siya ay ginamitan niya ng blackmailing tactics niya si Vienne kahit na anong pilit na tanggi ang ginawa nito at pagrarason. Alam niya na maaga ang pasok nito ngayon at may quiz pero sadyang makulit lang siya. Malakas rin siya sa kanyang bestfriend kaya napapayag niya ito.
            Diretso siyang nagtungo sa banyo na nasa loob ng kwarto rin niya. Pagkarating doon ay agad siyang naghilamos at nagsepilyo. Mamaya na lang siya maliligo kapag pumasok na siya. Mamayang hapon pa ang klase niya. Half day lang. Nang matapos siya sa ginagawa ay agad siyang lumabas at nagpalit ng damit.
            Alam na niya kung ano ang gagawin niya. Pababa na siya sa hagdanan ng makita niya ang mama niya.
            "Ang aga mo nagising, ah," ang sabi nito.
            "Si Vienne kasi, `ma, pinakialamam ang cellphone ko at in-on ang alarm ng cellphone ko. Gumaganti sa `kin dahil sa kagabi."
            Natawa na lang ito. "Bakit ba kasi pinilit mo pa na sumama sa `yo? Alam mo naman na may pasok nang maaga si Vienne."
            Sinimangutan niya iyo. "Baka po nakakalimutan niyo na sinabi niyo sa `kin na hindi niyo ako papayagan na pumunta sa bar kung hindi ko kasama si Vienne. Kasalanan po n'yo `yon, eh."
            Muli, tumawa lang ito. "Pasalamat ka at malakas ka sa bestfriend mo, anak. Dahil kung hindi ay hindi ka talaga sasamahan niyon."
            Sumang-ayon siya sa sinabi nito. Malakas naman talaga siya sa bestfriend niya. Sanggang-dikit kaya sila nito kahit na magkaiba sila.
            "Anong pong almusal?"
            "`Yong paborito mo."
            Napangiti siya. "Sige po. Mamaya na ako kakain."
            "Bakit? Saan ka pupunta?"
            "Susunduin ko si Vienne. Ihahatid ko siya," aniya saka nagpaalam dito.
            "Mag-iingat ka," bilin nito.
            Kinuha ni Brax ang kanyang motor sa garahe nila. Nang makuha niya iyon ay agad niyang pinaandar at nagtungo siya sa bahay ni Vienne na nasa harap lang naman ng bahay nila. Masyado siyang tamad. Pwede naman siyang maglakad ngunit talagang sumakay pa siya sa motor. Eh, anong silbi ng motorsiklo niya kung hindi niya iyon gagamitin.
            Pagkarating doon ay bumaba siya at diretsong pumasok sa bakuran ng mga ito. Nang makita niya ang mama ni Vienne ay agad siyang nangilag. Maganda ang mama ni Vienne ngunit sadyang nakakatakot ang aura nito. Isa pang nakakadagdag ng pagkailang niya dito ay ang pagtrato nito sa anak. Sa pamilya ni Vienne ay tanging si Lola Cons ang kasundo niya. Naging teacher niya rin ito noong elementary siya, siyempre classmate niya si Vienne.
            "Goodmorning po," magalang na bati niya sa mama ni Vienne.
            Tango lang ang naging tugon nito saka siya tinalikuran. Binalewala na lang niya iyon. Nasa pintuan na siya nang makita niya si Lola Cons sa sala ng mga ito. Abala sa pagbabasa ng dyaryo.
            "Goodmorning, lola," bati niya dito.
            Mula sa binabasa ay nag-angat ito ng tingin. Ngumiti ito nang maluwang nang makita siya.
            "Magandang umaga din, Brax, hijo. Anong sadya mo?"
            "Si Vienne po. Ihahatid ko sana siya."
            Kumunot ang noo nito. "Kanina pa nakaalis si Vienne. Maaga ang pasok niya ngayon. May quiz daw sila."
            "Alam ko po `yon," nahihiyang sabi niya. "Sige po, `la. Susundan ko na lang siya, baka hindi pa naman po nagtatagal. Sa kalye pa lang `yon," aniya.
            "Sige. Mag-iingat ka."
            "Opo."
            Nang makalabas ay agad siyang sumakay sa motorsiklo niya at pinaandar iyon nang matulin. Habang sakay ng motor niya ay napahikab siya. Muli niyang nadama ang antok. Lagot talaga sa kanya si Vienne.
            Nasa hindi siya kalayuan nang makita niya ang pamilyar na pigura na naglalakad sa tabi ng daan. Tila wala sa sarili at malalim ang iniisip. Kahit na tumabi siya at umagapay sa paglalakad nito ay hindi iyon napansin ni Vienne.
            Nang magsalita siya ay nagulat ito. Bagay na hindi na bago sa kanya. Madalas naman kasi na nagugulat niya ito. Nag-usap pa sila saka niya ito pinasakay. Hindi niya tinatago ang iritasyon na nadarama sa ginawa nito sa kanya.
            Nang makarating sila sa URS, imbes na ihatid lang niya ito sa labas ng campus ay idiniretso niya ang motor hanggang sa tapat ng building ng Education. Hindi na bago kay Brax ang mga tingin na nakasunod sa kanya. At wala siyang pakialam doon.
            Agad na bumaba si Vienne at muli ay nag-usap pa sila nito saka siya nagpaalam at pinaandar ang motorsiklo.

NANG makauwi si Brax sa kanilang bahay ay agad na dumiretso siya sa kanilang kusina. Agad siyang naghain at kumain ng agahan. Hindi na niya inabala ang mama niya na abala sa ginagawa nito sa likod bahay nila. Kahit na masasabing may kaya ang pamilya nila ay hands on pa rin ang mama niya sa pag-aalaga sa kanya at sa papa niya. Nag-iisang anak lang siya kaya spoiled siya sa mga ito. Siguro, dahil na rin sa pagiging spolied niya kaya may kagaspangan ang ugali niya pagdating sa ibang tao. Si Vienne lang naman ang nakakatagal sa ugali niya na pabago-bago. Minsan nga ay tinatawag siya nitong bipolar dahil sa bilis ng mood changes niya.
            Nang matapos siyang kumain ay hinugasan na niya ang kinainan. Hindi na siya dumiretso sa kanyang kwarto. Alam naman kasi niya na hindi na siya makakatulog kahit na puyat na siya. Iyon ang isa sa bagay na pagkakatulad nila ni Vienne.
            Pumunta siya sa living room at binuksan ang telebisyon. Nasabi niya kanina sa kaibigan na susunduin niya ito. Marami pa siyang oras at sa ngayon, aabalahin na muna niya ang sarili sa panonood ng anime sa telebisyon.

NAPAMURA si Brax nang makita ang oras sa orasan nila na nakasabit sa dingding. Sa sobrang pagkawili niya sa panonood ng anime marathon ay hindi niya napansin ang oras. Alas dose na ng tanghali. Isang oras na lang at malapit nang mag-uwian si Vienne. Alam niya na hindi naman siya nito mate-text dahil bihira lang naman itong mag-load. At ang mga bihirang pagkakataon na iyon ay tuwing may exam at quiz lang.
            Dali-dali siyang tumayo mula sa sofa na kinauupuan niya at nagtungo sa kwarto niya para doon na sa sarili niyang banyo. Agad siyang naligo at pagkatapos ay nagbihis ng uniform niya.
            Nang masigurado na maayos na ang kanyang hitsura ay nagpaalam na siya sa mama niya. Binilinan siya nito na mag-ingat. Habang nasa daan patungo sa URS ay iniisip ni Brax kung saan nakatambay ang bestfriend niya. Dalawang lugar lang naman kasi ang lagi nitong pinaglalagian tuwing naghihintay sa kanya kapag susunduin niya ito. Iyon ang mga lugar sa field na mayroong mga bench. Madalas pumwesto si Vienne sa ilalim ng malaking puno ng acacia. Ang isa naman ay sa music room kung saan ito minsan naghihintay sa kanya tuwing may practice ang banda nila. Sa dalawa ay madalas na sa una si Vienne naglalagi.
            Nang makarating sa URS ay ipinarada niya ang motorsiklo niya sa parking lot. Maglalakad na lang siya patungo sa field. Agaw-pansin naman kasi kung sasakay pa siya sa kanyang motor habang hinahanap ang kaibigan niya.
            Agad na napangiti si Brax nang makita si Vienne sa lugar na inaasahan niya na iniistambayan nito. Lalapit na sana siya dito ngunit natigilan siya nang lapitan ito ng isang lalaki. Kumunot rin ang noo niya.
            May sa pusa na lumapit siya sa mga ito. Sapat para marinig niya ang pag-uusap ng mga ito.
             "Hello!" Masiglang bati ng lalaki kay Vienne.
            "Hello din," ganting bati nito. Friendly na tao si Vienne kaya alam niya na hindi nito pagsusupladuhan ang lalaki.  
            "Pwede bang maki-share ng upuan?" ani ng lalaki
            Sayang at nakatalikod sa kanya ang bestfriend niya. Hindi niya makita ang reaksyon nito. "Pwede naman. Hindi ka ba komportable sa pwesto mo kanina?"
            "Kinda," tipid na sagot ng lalaki. Umupo na ito sa bench na nasa tapat ng kinauupuan ni Vienne. "By the way, I'm Ambrose Ferrer. Sophomore student, taking up Secondary Education Major in History. At base sa nakikita ko, Education student ka rin. Ano pala ang pangalan mo?"
            "Vienne Santos. Freshman ako, katulad ng sinabi mo, Education student din ako. Major in Biology."
            "Ah, I see. You know what, the real reason kung bakit ako lumapit sa `yo ay para magtanong."
            Para magtanong? Of course, hindi naman lalapit ang Ambrose Ferrer na ito sa bestfriend niya kung wala itong kailangan.
            "Magtanong?" Gagad ni Vienne. "Tungkol saan naman?"
            "Alam ko na kaibigan ka ni Brax," simula nito.
            May ideya na siya kung saan hahantong ang susunod na sasabihin nito, rather ang sunod na itatanong. Madalas, kapag hindi siya malapitan ng mga humahanga sa kanya ay si Vienne ang nilalapitan at masugid naman nitong ini-entertain iyon. Naaasar nga siya dito minsan dahil sa sobrang accommodating nito, madalas na nababastos na.
            "Napansin ko lang kasi na masyado kang malapit sa kanya. Hatid-sundo ka pa. Ano ang relasyon mo sa kanya?"
            "Sa tingin mo, ano ang relasyon ko sa kanya?" balik-tanong ni Vienne dito.
            "A friend or maybe more than that."
            Sa sinabi nitong iyon ay natawa si Vienne. Malakas na pagtawa. Nakatingin lang dito si Ambrose. Kung si Vienne ay natatawa sa sinabi ng lalaki, siya naman ay kabaliktaran ang pakiramdam. Nabubwisit siya sa sinabi nito at parang gusto niyang sugurin ang lalaki at bigyan ng malakas na suntok.
            "May nakakatawa ba sa sinabi ko?" Ang tanong pa nito.
            Nakakatawa at the same time ay nakakabwisit.
            "Ano sa tingin mo? Mukha bang pumapatol sa kapwa lalaki si Brax? Naman. `Wag ka ngang gumawa ng issue, Ambrose. Nagmumukha kang pathetic sa ginagawa mo. Uunahan na kita, ah. Hindi bakla si Brax." Pinagdiinan pa nito ang salitang 'bakla'.
            Hindi naman nagpatinag ang lalaki. "Hindi nga bakla si Brax pero ikaw.." sadyang itinigil nito ang susunod na sasabihin. "Ikaw ang mukhang bakla."
            Nawalan ng imik sa sinabi nito si Vienne. Sinabi na nga ba niya. Noon pa man ay isyu na para sa iilan ang gender preference niya at ni Vienne. Sa sobrang close nilang dalawa ay napagkakamalan silang may relasyon nito. Wala naman siyang pakialam sa mga sinasabi ng iba dahil alam naman niya ang totoo sa pagkatao ng kaibigan. Nakakaasar lang na marinig iyon mula sa ibang tao na. Talagang kailangan pang pagdiinan. Pinigilan niya ang sarili na lumapit sa mga ito. Kinuyom niya nang mariin ang kamao sa sobrang pagkabwisit.
            Alam niya na kayang ipagtanggol ni Vienne ang sarili ngunit hindi nito iyon ginagawa. Naghintay siya sa isasagot nito sa lalaki.
            "Ano sa tingin mo?" Matapang nitong tanong. Kung kanina ay narinig niya ang  katuwaan sa boses nito, napalitan na iyon ng kaseryosohan.
            "Bakla ka." Walang paligoy-ligoy na sabi ni Ambrose. Diretsahan talaga.
            Pinigilan niya ang sarili na lumapit. Kahit barumbado siya ay may respeto naman siya at paggalang. Hindi siya basta sumisingit sa usapan ng may usapan. Kinalma niya ang kanyang sistema. Ang mga ganitong bagay ay hindi dapat na balewalain.
            Kilala niya si Vienne. Alam niyang gagawa ito ng paraan para makaiwas. Alam niyang hindi na ito sasagot. Ang ginawa nito, para makaiwas ay kinuha ang gamit na nagkalat sa pahabang sementado na mesa. Iiwanan nito ang Ambrose na iyon. Hindi pa man nito lahat nakukuha ang gamit ay inilayo ni Ambrose ang isa nitong notebook.
             "Akin na nga `yan."
            "Not before you tell me your true preference."
            "Wala akong dapat ipaliwanag sa `yo."
            Hindi na siya nakatiis. Lumapit na siya sa mga ito. Paglapit na sapat para makuha niya ang atensyon ni Ambrose. May pagbabanta sa kanyang tingin habang nakatutok iyon kay Ambrose.
            "Wala ka bang magawa sa buhay mo?" Asar na tanong ng kaibigan niya.
            "Wala. Kaya nga kita ginugulo."
            "I think, I don't have any enough reason to explain myself to you. Kaya kung pwede, ibigay mo na sa akin ang notebook ko."
            Nang makita siya ni Ambrose ay mabilis na ibinigay nito ang notebook kay Vienne. Nasindak niya ito sa tingin. Natigilan ito habang nakatingin sa kanya. Si Vienne naman ay natigilan at walang kaalam-alam na nasa likuran na siya nito. Tumingin ito sa likuran nito. Nakita niya ang relief sa mukha nito.
            "Hina-harass ka ba ng lalaking `yan, Vienne?" Tanong niya. Kahit na narinig niya ang lahat ay kailangan pa rin niyang tanungin ito.
            "Hindi." Ang pagsisinungaling nito.
            Sa uri ng tingin na ipinupukol niya dito. Alam niya na alam na nito na nakita at narinig niya ang lahat.
            "Sigurado ka ba Vienne?" Hindi kumbinsidong sabi niya. Sa tingin na ibinibigay niya dito alam na nito kung ano ang naglalaro sa isipan niya. "Baka pinagtatakpan mo lang ang lalaking `yan?"
            "Bakit ko naman gagawin `yon? Nagbibiruan lang kami. Hindi ba, Ambrose?" baling nito sa lalaki.
            "O-oo, pare, nagbibiruan lang kami ng kaibigan mo." Ang naguguluhan na sabi ni Ambrose.
            "Siguraduhin mo lang, Vienne, pare," aniya. Hindi niya nilulubayan ng tingin si Ambrose na nakatingin rin lang sa kanya.
            Nagkatitigan silang dalawa. Mata sa mata. Doon sila nag-uusap at nagbabantaan ng lalaki. Hindi pa siya tapos dito. Kung mauulit ang nangyayaring ito ngayon ay makakatikim sa kanya ang lalaking ito.
            Bago pa lumala ang sitwasyon ay mabilis na kinuha ni Vienne ang notebook nito at isinilid sa bag nito pagkatapos ay hinawakan siya sa siko. Hinila siya nito palayo kay Ambrose.


"NARINIG ko ang lahat. Bakit kailangan mo pang magsinungaling sa `kin, Vienne? Bakit kailangan mo pang pagtakpan ang sinabi sa `yo ng Ambrose na `yon?"
            Ang naiinis na sabi ni Brax sa bestfriend niya. Pagkatapos siya nitong hilahin palayo kay Ambrose ay humantong sila sa parking lot kung saan nakaparada ang motor niya. Kitang-kita pa rin sa mukha niya ang inis at sobrang pagkabwisit sa lalaking naiwan nila. Hindi pa siya tapos dito. Tatandaan niya ang pagmumukha ng Ambrose Ferrer na iyon. Wala itong karapatan na kutyain kung anuman ang totoo kay Vienne at sa kanya.
            Isang blangkong tingin ang ibinigay sa kanya ni Vienne na nagpailing sa kanya. Siya si Brax Garcia, kilala siya sa URS bilang drummer ng The Gravity at the same time ay kilala sa pagiging brusko at barumbado ngunit hindi niya naipagtanggol sa lalaking iyon si Vienne dahil na rin sa kagagawan nito. He was popular for being the cold, distant and hostile member of The Gravity. Iyon siya para sa mga tagahanga na lantaran na ipinapakita sa kanya ang totoong nararamdaman ng mga ito. Mga ugali na taliwas, sobrang taliwas sa bestfriend niya.
            Si Vienne ay tipo ng tao na masayahin. Ang mga problema nito, maliit o malaki na bagay ay dinadaan lang nito sa tawa. Friendly at hindi ito snob na katulad niya. Open rin ito sa mga posibilidad sa buhay at hindi nawawalan ng good vibes sa katawan.
            Paano ba niya naging kaibigan ang isang tulad nito?
            "Inilalayo lang kita sa gulo, Brax," sagot nito.
            "Kailangan ko bang magpasalamat sa ginawa mo Vienne?" sarkastikong sabi niya.
            Sinamaan siya nito ng tingin.
            Mula pagkabata, during elementary at high school days ay nakikita niya ang sarili bilang tagapagtanggol nito mula sa mambu-bully nito. Sa tuwing may nang-aaway dito ay siya ang laging napapasabak sa gulo. Minsan naman ay sila pang dalawa.
            Ewan ba niya kay Vienne. Kahit na iniinsulto na ito ng iba ay madalas na pinipili nito ang manahimik o kaya naman ay lumayo sa mga iyon. Kagaya ng ginawa nito kanina sa harap ni Ambrose.   
            "Ang mababait madaling mawala sa mundong ibabaw. Pwede ka namang lumaban kanina pero hindi mo ginawa. `Wag kang masyadong mabait, Vienne."
            "Hindi ako mabait, Brax. Ayoko lang talagang sayangin ang oras ko makipagtalo sa isang tao na hindi naman dapat bigyan ng oras ko. Hindi ko rin obligasyon na i-explain kung ano ba ako sa kanya."
            He knew his bestfriend well. Hindi niya ito magiging bestfriend kung hindi niya kilala ang totoong ito. Oo, miyembro ng third sex si Vienne. Bisexual ito at tanggap niya ito. Open ito sa kanya sa ganoon na bagay. Hindi niya ikinakahiya na kaibigan niya ito. Bestfriend pa. Walang malisya ang pagkakaibigan nila. Kung paano siya pahalagahan ni Vienne bilang kaibigan ay ganoon din siya dito. They respected each other so much.
            Ang kalamyaan ni Vienne ang isang bagay na nagpapahiwatig kung ano ito. Tama rin naman talaga ito na wala itong obligasyon na ipaliwanag ang sarili sa ibang tao.
            Si Vienne kasi ay hindi naman katulad ng tipikal na ka-uri nito. Iginagalang nito ang sarili. Hindi ito tumitingin sa mga lalaki na parang laging may gusto at malisya. Kung may mga ka-close man ito na lalaki bukod sa kanya ay nakakasigurado siya na pagkakaibigan lang iyon.
            "Kahit na," giit niya. "Dapat sinuntok mo o kaya'y sinabunutan. Sigurado ako na hindi ka titigilan ng Ambrose Ferrer na iyon. It was proven and tested."
           "Hayaan mo siya Brax. Pwede naman akong lumayo at umiwas tuwing lalapitan ako ni Ambrose. Just like the old time."
            "Yeah right. Just like the old time. Kaya ka hindi tinitigilan ng mga bully. Kaya ako ang napapa-away tuwing ginugulo ka nila."
            Ngumiti ito. "Isa pa `yan sa rason ko. Alam ko kasi na nandyan ka sa tabi ko para ipagtanggol ako. Pero hindi ko sinasabi na lagi ka na lang mapa-trouble dahil sa `kin. Mababawasan ang kapogian mo kung lagi kang mababangasan."
            "Nagawa mo pa talagang magbiro. You take things so smoothly, Vienne."
            "`Yan naman talaga ang dapat na gawin. Kung seseryosohin ko ang maraming bagay, tatanda ako ng maaga."
            "Lahat naman tayo doon ang kapupuntahan. Bakit ka nag-aalala sa ganoon na bagay?"
            "Lahat nga tayo tumatanda pero hindi naman tama na agad-agad. Lahat naman talaga pumupunta doon. What I mean is, ayokong magmukhang matanda. Masyado pang bata ang seventeen years old para seryosohin ko ang mga malilit na bagay. Ma-i-stress lang ako."
            "Ikaw na," sabi niya. Naiiling.
            "Ako na talaga," hindi papatalong sabi nito.
            Para hindi na humaba ang usapan ay iniba na niya iyon. "Saan mo gustong kumain?"
            "Kahit saan mo gusto. Sa karinderya na lang ni Aling Tere, para makatipid tayo. May student meal doon, hindi ba? Saka, kilala na rin tayo doon. Sikat ka kaya sa school pati sina Chris."
            "Advantage `yon."
            "Advantage nga pero suplado ka naman masyado."
            "Ganoon talaga. Wala akong oras para mag-entertain ng mga tagahanga. Hindi naman ako katulad ni Devin at Theo."
            "Ikaw na," pagbibiro nito.
            "Ako na talaga. Sakay ka na, ikaw na ang mag-drive ng motor."
            Napangisi si Vienne. Minsan lang kung ipa-drive niya dito ang motor niya. Kapag tinatamad siya ay ito ang pinapamaneho niya. Siya rin ang nagturo dito na mag-motor. Sabay rin silang kumuha nito ng driver's license kasama ang mama niya.
            "Privilige sa akin `yan," anito saka excited na sumakay. Sumakay na rin siya.

            Mga ilang minuto ay nakarating na sila sa tapat ng karinderya ni Aling Tere.


ITUTULOY..

10 comments:

  1. nice one.... sana habaan pa ng konti author... interesting ang story mo. thanks sa update.. more over power. hehehe

    ReplyDelete
  2. Isa lang ang masasabi ko isa siyang kaabang- abang na storya na siguradong maraming nakakarelate dito. Author wala pa talagang defined date ng updates niyo?

    ReplyDelete
  3. Thanks sa update. Mukhang maganda to. Take care.

    ReplyDelete
  4. Bitin nmn kuya vienne....... napaganda ng takbo ng story nito parang si brax at ung best friend niya my lihim n pg tingin sa isat isa pero ndi maamin nila

    ReplyDelete
  5. make it longer mr.A, ehe. nice chapter by the way,.. just keep it up. goodluck and God bless..

    Az

    ReplyDelete
  6. I like this sana next time mAs mahaba po hahaha sorry for being demAnding but i love it good job! - dave

    ReplyDelete
  7. Maganda to, may connect hehehe...

    ReplyDelete
  8. pa-ulit ulit lang ang mga scene, iniba lang ang pagdeliver nang kwento.. ang first part nang chapter na ito ay nabanggit na sa first chapter. bat kailangan pang balikan. hay
    anyways, continue writing..

    -carden

    ReplyDelete
  9. This should be included in chapter 1 because it tell the same story/events, albeit, from a different perspective. It makes the chapter "bitin" even though its relatively lengthy (based on the number of words).
    But, I do think this is one of the better stories in this site. Keep it up, author.

    ReplyDelete
  10. nice.. pero nakakabiten din XD hehe .
    hula ko . bestfriends magiging lovers . hakhak,,(wala lang eepal ) XD well, thanks po sa UPDATE ..
    -yelsnA

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails