Followers

Tuesday, October 7, 2014

Beat Of My Heart Chapter 1


Author's Note

Unang-una, humihingi po ako ng pasensya sa matagal na delay ng update ng story na ito.. Tsk..tsk.. Pasensya na sa mga naghintay. (kung meron nga.. lol)..Ganoon yata talaga kapag may pagdadalawang-isip ka palagi at mahina ang tiwala mo sa sarili. 

Pangalawa, nagpapasalamat ako kay Sir Mike at Kuya Ponse. Pati kay Kuya Carlos dahil sa pagpayag niya na maging parte ako ng mga gawa niya.. hahaha.. (at kung bakit, malalaman po ninyo iyon kapag binasa n'yo ito.) Kay Kuya Rye sa cover na ginawa niya.

Pangatlo, sa mga taong nakaka-chat ko sa fb,, hehe.. kay Faustino na ginawan ko ng FS na flop.. Kay Mama Lalie, at kay Cookie Cutter na makulit.. wahahaha..Pati na rin po pala sa mga nagbigay ng comment sa teaser nito..

Readers, kayo na po ang bahala humusga sa aking gawa.. Just be gentle.. hehe.



CHAPTER ONE


 NAPAHIKAB nang malakas ang seventeen years old na si Alvienne Santos o mas kilala sa tawag na Vienne habang naglalakad sa kahabaan ng kalye na patungo sa school niya-- ang URS. Ang URS ay isang state university sa lugar nila. Isa siyang freshman at kumukuha ng kursong Secondary Education at major niya ang Biology. Mula elementary ay pangarap na talaga niya ang maging guro. Ang dahilan niya ay katulad rin ng mga pangkaraniwan na dahilan ng ibang estudyante. Ngunit sa loob-loob niya, gusto niya talaga ang kursong kinukuha niya dahil sa lola niya. Isang retired teacher ang lola niya. Ang Lola Concepcion niya o mas kilala ng karamihan na Ma'am Cons ang idolo niya pagdating doon. Bakit naman hindi? Kahit na retired teacher na ito ay marami pa rin na mga naging estudyante nito ang dumadalaw dito sa kanilang bahay. At lahat ng mga iyon ay nagsasabi na magaling na guro ang lola niya. Maliban doon ay spoiled siya dito sa sarili nitong paraan. Ito naman kasi ang laging naka-alalay sa kanya simula pagkabata kahit na may nanay naman siya.
            Muli siyang napahikab. Kinusot-kusot rin niya ang mata dahil sa namuong luha doon. Inaantok pa talaga siya. Sobra. Sino ba naman kasi ang hindi aantukin sa ginawa niya? Madaling araw na siyang nakatulog, eksaktong alas-dos na dahil sa pagsama niya sa kaibigan niyang si Brax-- mali, hindi niya pala basta kaibigan ang lalaking iyon dahil bestfriend niya ito. Simula elementary hanggang high school ay ito na ang kasama niya pati si Coby na bestfriend rin niya sa nag-aaral sa Saint Ambrose University-- ang school na ka-kompetensiya ng state university na pinapasukan niya pagdating sa school competition. Maliban sa SAU ay matinding kalaban din ng URS ang SA o mas kilala bilang Schoneberg Academy.
            Back to the main topic. Sumama siya kasi kay Brax, rather na pinilit siyang isama ng bestfriend niya sa bar kung saan tumutugtog ang banda nito na may pangalan na 'The Gravity'. Ayaw sana niyang sumama kay Brax ngunit masyadong mapilit ang loko. Para lang sumama siya ay ginamitan pa siya nito ng pamba-blackmail. Na kesyo ganoon, na kesyo ganyan. Wala naman siyang nagawa kundi ang mapilit at eventually ay pumayag. Wala naman kasi siyang takas kay Brax kapag ginamitan na siya nito ng blackmailing tactics nito.
            Hindi naman kasi mahilig si Vienne sa night out at party-party kung saan kinahihiligan ngayon ng mga kabataan na kagaya niya. Ang sabi nga ng iba niyang kaibigan ay killjoy siya. Eh, sa anong magagawa niya kung hindi naman talaga siya mahilig sa ganoon. Mas gusto pa niya ang manatili sa loob ng kanilang bahay at manood ng programa sa telebisyon o hindi naman kaya ay magbasa ng paperback novels na koleksyon ng lola niya. Weird man sa paningin ng iba ay boring sa kanya ang pumunta sa party at mga bar.
            Kung hindi lang talaga mahalaga sa kanya ang lalaking iyon. Nunca siyang papayag sa pamimilit nito.
            Muli na naman siyang napahikab.
            Kasalanan talaga ito ni Brax. Sinabihan na niya kasi itong maaga ang pasok niya ngayon.. Napabuntung-hininga na lamang siya. Kahit paulit-ulit niyang sisihin si Brax sa isipan niya ay wala ring mangyayari. Nangyari na kasi ang nangyari. Kung tutuusin ay may kasalanan rin siya. Nagpapilit kasi siya at hindi niya na-hindian ang bestfriend niya.
            Mabuti pa ito. Sa pagkakaalam niya ay mamayang hapon pa ang klase nito. Malaya itong matulog at magising ng tanghali dahil doon. Kung maaari nga ay ayaw na sana niyang pumasok ngayon. Pero hindi naman pwede dahil may quiz at importanteng 'announcement' daw ang professor nila. Kung hindi lang talaga sa quiz ay hindi talaga siya papasok.
            Napahikab na naman siya.
            Takte `yan!
            Ilang ulit na ba siyang napahikab? Isa, tatlo, apat? Hindi niya alam. Habang naglalakad ay parang gusto niyang pumikit at mahiga ulit sa higaan niya. Naman kasi! Bakit ba nagkaroon pa siya ng ganito kaagang klase? Alas sais pa talaga. Leaving him time to sleep for only three hours. Para siyang lumulutang sa alapaap. Pakiramdam niya ay high na high siya dahil sa gaan ng ulo niya. May maisagot kaya siya nito mamaya sa quiz nila? Siguro naman. Nag-aral rin naman siya kahit papaano. Kahit papaano ay na-cool down naman ang utak niya kagabi sa bar dahil acoustic session ang tugtugan doon. Idagdag pa na walang masyadong maingay at mellow lang ang lahat.
            Pero iyon pa rin ang dahilan kung bakit kulang siya sa tulog!
            Hays! Sa sobrang antok niya ay madami na siyang sinisisi. Una, si Brax. Pangalawa ang kanyang sarili. At pangatlo ang maaga niyang klase. Sa ginagawa niyang ito ay wala siyang mapupuntahan. Kung iisipin naman kasi at isusuma total iyon ay siya ang pangunahing masisisi. Katawan niya ito at siya ang nagdedesisyon para sa sarili at hindi ang ibang tao. Dapat rin niyang i-apply sa sarili ang kasabihan na 'Kung ayaw, marami ang dahilan. Kung gusto marami ang paraan.' Ginusto naman kasi niya ang nangyari kagabi kaya heto siya ngayon. Groggy at parang ewan.
            Muli na naman siyang napahikab. Ilang ulit na ba? Hindi niya alam. Basta gusto niyang mahikab.
            "Sumakay ka na nga!" Nagulat siya sa nagsalita. Parang gustong lumabas ng puso niya sa gulat.
            Napabaling siya dito. Nakita niya ang nakakunot na si Brax. Nakasakay ito sa motor nito at mahina ang pagpapatakbo niyon para umagapay sa paglalakad niya. Ganoon ba siya kalalim nag-isip at hindi niya napansin ang presensiya nito?
            Sinimangutan niya ito. "Nakakagulat ka na naman!" Reklamo niya. Ilang ulit na ba nitong ginagawa ang panggugulat sa kanya? Marami nang beses at kadalasan ay napapamura pa siya. Mabuti na lang ngayon at hindi. "Bakit nakakunot ang noo mo? Ang aga-aga."
            "Sino ang hindi kukunot ang noo, Vienne? Ang sarap ng tulog ko pero naistorbo iyon dahil sa pesteng pag-a-alarm ng cellphone ko."
            Kimi siyang napangiti sa sinabi nito. Inihinto naman ni Brax ang motor nito kaya napahinto na rin siya sa paglalakad. Alam na niya kung saan hahantong ang usapan na ito. Bumaba ito sa motor at lumapit sa kanya. Dahil hindi hamak na mas matangkad ito sa kanya ng ilang pulgada ay nakaangat ang tingin niya.
            "Ikaw ang nag-set ng alarm ng cellphone ko," sabi nito. Hindi iyon isang tanong kundi kumpirmasyon.
            "Ako nga," sagot niya saka nag-peace sign. Wala naman itong ibang sisisihin kundi siya dahil siya lang naman ang malayang nakakahawak ng cellphone nito. Iniiwan nga nito iyon sa kanya. Parang ewan lang ito. Sino ba naman ang ibang gagawa niyon kundi siya?
            Mas lalong kumunot ang noo nito. "Bakit mo ginawa iyon?"
            "Alam mo na ang sagot, Brax."
            "Yeah right. Gumaganti ka sa akin dahil pinilit kitang isama kagabi."
            "Tumpak! May tama ka doon. Ang siste, ako lang ang aantukin habang ikaw mahimbing na natutulog. Unfair iyon."
            Walang kaalam-alam si Brax na habang kausap nito kagabi ang bandmates na sina Chris, Devin at Theo ay pinakialaman niya ang cellphone nito. At napag-trip-an ngang mag-set ng alarm doon. Ang saya lang dahil nasa timing siya kagabi at abala ito. Hindi na rin nito iyon napansin dahil sa antok nito. Mabuti at naging successful ang munti niyang kalokohan at nasa harapan na niya ngayon ang bestfriend niya.
            "Iba ka rin talaga, ano? Kapag tinamaan ka ng kalokohan, wala kang pakialam kahit makaistorbo ka."
            "Sus. Nagsalita ang may pakialam. Ikaw nga wala kang pakialam sa `kin. Kahit na sinabi ko na sa `yo na may pasok ako nang maaga, pinilit mo pa rin akong sumama sa `yo."
            "Okay. Kasalanan ko na ang lahat," anito. Iritang-irita na.
            Ginagamitan pa siya nito ng pamatay nitong titig na tinatawag ng ilan na 'devil's look'. Pasensya ang Brax na ito dahil hindi siya naaapektuhan niyon. Walang talab sa kanya ang titig na ipinupukol nito sa kanya.
            Lumapit siya dito at tinampal ito ng mahina sa pisngi. "Walang epekto sa akin ang ganyan na tingin, Brax. Umayos ka."
            "Arghh! Takte naman `yan, Vienne!" Aburidong sabi nito sabay gulo sa buhok. Nagulo ang dati ng magulo na buhok.
            "Kahit na mag-aburido ka pa, wala `yang magagawa."
            "Takte talaga!" Ang sabi nito sabay bigay sa kanya ng helmet na kulay pula. Padabog pa nitong ginawa iyon.
            Ang nakakatuwa sa kanilang dalawa kahit na pikon na pikon na sila sa isa't-isa pag minsan ay hindi sila umabot sa punto ng pagsasakitan. O kaya naman sa pagtatapos ng kanilang pagkakaibigan. Sanayan lang naman kasi ang susi sa away-bati nilang pagkakaibigan. Ang masaya pa, kahit na marami ang natatakot kay Brax dahil sa pag-uugali nito ay hindi siya kailanman nakadama ng takot dito. Ang sabi niya nga, sanay na siya sa changes ng mood nito. Kaya niyang sakyan ang ugali nitong ganoon katulad na lamang ngayon.
            "Bilisan mo, Vienne!"
            "Sandali lang," sagot niya habang isinusuot ang helmet. "Alam mo naman na nahihirapan akong suotin ang helmet mo."
            "Sus! Ang sabihin mo, hindi ka lang talaga sanay na magsuot niyan. Ako na nga ang magsasara," sabi nito saka tinapos ang ginagawa niya.
            See. Bipolar lang ang matalik niyang kaibigan. Kanina ang init-init ng ulo nito sa kanya ngunit ngayon ito pa ang gumagawa ng bagay na dapat ay siya na ang gagawa dahil kaya naman niya. Matagal nga lang.
            "Salamat."
            "`Wag kang magpasalamat, Vienne. May kasalanan ka sa akin," sabi nito sabay talikod sa kanya. Sumakay na ito ng motor at in-on iyon. "Bilisan mo na," anito nang mapansin na hindi pa siya nakasunod dito.
            Agad naman siyang tumalima at sumakay sa motor. Nang masigurado nito na ayos na siya ay pinaandar na nito ang motorsiklo patungo sa hindi naman kalayuan na URS.
            Nang makarating sila doon. Imbes na ibaba siya nito sa labas ng campus ay diretso pa siya nitong hinatid sa loob niyon. Palibhasa medyo popular ito ay marami ang mata na nakasunod dito. Mga mata ng ibang estudyante na kakikitaan niya ng paghanga para sa bestfriend niya. Kung siya ay napapansin iyon. Sigurado siyang si Brax ay hindi. Wala naman kasi itong pakialam sa mga iyon. Sanay na rin ito sa paghangang natatanggap  mula sa ibang estudyante kaya madalas nitong binabalewala iyon.
            Nang makarating sila sa tapat ng building ng Education ay inihinto ni Brax ang motor nito. Agad naman siyang bumaba at tinanggal ang suot na helmet. Ibinigay niya iyon dito.
            "Salamat sa paghahatid sa akin."
            "`Wag kang magpasalamat. May kasalanan ka pa rin sa akin."
            Hindi na lang niya pinansin ang sinabi nito. Kahit paulit-ulit nitong sabihin iyon, alam niya na makakalimutan din nito iyon. Kilala na niya ito nang lubusan para mag-alala pa siya sa ugali nito.
            "Susunduin kita mamayang uwian."
            See. Kagaya nga ng sinabi niya.
            Tumango na lang siya sa sinabi nito. Nakaugalian na nitong sunduin at minsan ay ihatid siya. Walang palya siya nito kung sunduin. Magkalapit lang naman ang bahay nila. Ang paghatid naman nito ay minsan lang mangyari dahil sa magkaiba ang schedule nila. Tuwing trip nitong maging maaga sa pagpasok ay hinahatid siya nito.
            Kahit na may kalayuan ang building ng Engineering sa building ng Education ay naglalaan ito ng oras para masundo siya. Minsan nga ay siya pa ang naghihintay dito kapag abala ito sa school activities nito at sa band practice.
            Hindi naman siya nabo-boring tuwing hinihintay niya ito dahil may pagkain at inaabala niya ang sarili sa pagbabasa ng kung anu-ano. Kung minsan naman ay nawiwili siya na pakinggan ang boses ng bandmate nito na si Chris pati ang iba.
            Paalis na sana siya sa kinatatayuan nang pigilan siya ni Brax.
            "Bakit? May kailangan ka pa ba?"
            "Wala naman. Sasabihin ko lang naman sana sa `yo na kapag natapos na ang klase mo, pwede kang pumunta sa music room para doon magpahinga at matulog."
            "Hindi na kailangan `yon," aniya. "Alam mo naman na may kailapan sa akin ang pagtulog kahit na puyat at antok ako. May pagkakataon lang naman."
            "Yeah right. Ikaw ang bahala. Suggestion ko lang iyon."
            "Salamat na lang sa suggestion mo kung ganoon. Sige, mauna ka na. Alam kong gusto mo nang matulog."
            "Gusto ko na talaga. Ang kaso mailap din sa akin iyon. Sige, mas mabuti pa ngang mauna na ako. Baka ako pa ang sisihin mo kapag na-late ka sa klase mo."
            Nginitian niya ito. "Mabuti naman at naisip mo iyon." Tinapik niya ito sa balikat. "Ingat ka. `Wag kang kaskasero. `Wag masyadong mabilis ang pagpapatakbo."
            "Opo, manong," pang-aasar nito habang isinusuot ang helmet nito.
            Nang matapos ay tinapunan siya nito ng tingin saka pinaandar ang motorsiklo. Sinundan niya ito ng tingin saka siya pumasok.


MAAGANG natapos ang klase ni Vienne. Wala kasi ang professor niya sa last subject kaya ang ending niya ay nasa ilalim siya ng malaking puno ng acacia habang nakaupo sa bench doon. Inaabala niya ang sarili sa pagkopya ng notes na isinulat niya sa scratch paper. Dito na rin niya hihintayin ang pagdating ni Brax. Alam naman kasi nito kung saan siya naglalagi tuwing wala na siyang klase. Hindi naman niya ito ma-te-text. Kahit na may cellphone siya ay bihira naman siyang mag-load. Tuwing may importanteng bagay lang naman niya iyon ginagawa tulad na lang kapag may exam sila sa ibang subject at may group activity sila. Kilala siya ni Brax kaya alam niya na nauunawaan nito ang sitwasyon niya.
            Mula sa kanyang ginagawa ay nag-angat siya ng tingin. Naramdaman niya na parang may pares ng mata ang nakatingin sa kanya. Inilibot niya ang paningin at nauwi iyon sa taong nasa kabilang bench. Nang makita nitong tumingin siya ay nginitian siya nito. Ginantihan naman niya iyon kahit hindi niya ito kilala. Hindi naman siya suplado gaya ng bestfriend niya kaya okay lang. Tumayo ang lalaki at lumapit sa pwesto niya.
            "Hello!" Masiglang bati nito.
            "Hello din," ganting bati niya.
            Kung tutuusin ay walang kwentang simula iyon ng pag-uusap pero wala naman siyang dapat na ireklamo doon dahil hindi naman sila nito magkakilala. Siyempre, nag-hello ito at dapat sagutin lang niya iyon ng 'hello' o kaya ay 'hi'. Masyado lang siyang ewan.
            Mukhang mabait naman kasi ang lalaki. Friendly rin ang aura nito. Idagdag pa na good-looking ito at mukhang mapagkakatiwalaan.
            "Pwede bang maki-share ng upuan?"
            Kimi siyang ngumiti. "Pwede naman. Hindi ka ba komportable sa pwesto mo kanina?"
            "Kinda," tipid nitong sagot. Umupo na ito sa bench na nasa tapat ng kinauupuan niya. "By the way, I'm Ambrose Ferrer. Sophomore student and taking up Secondary Education Major in History. At base sa nakikita ko, Education student ka rin. Ano pala ang pangalan mo?"
            "Vienne Santos. Freshman ako, katulad ng sinabi mo, Education student din ako. Major in Biology."
            "Ah, I see. You know what, the real reason kung bakit ako lumapit sa `yo ay para magtanong."
            "Magtanong?" Gagad niya. "Tungkol saan naman?"
            "Alam ko na kaibigan ka ni Brax," simula nito.
            Mukhang may ideya na siya kung saan hahantong ang susunod na sasabihin nito, rather ang sunod na itatanong. And one, two, three, here it goes.
            "Napansin ko lang kasi na masyado kang malapit sa kanya. Hatid-sundo ka pa. Ano ang relasyon mo sa kanya?"
            Just as he expected. Ang mga sinabi nito ang eksaktong naiisip niya.
            "Sa tingin mo, ano ang relasyon ko sa kanya?" balik-tanong niya.
            He knew that this guy infront of him was fishing for some information regarding the 'gender issue'.
            "A friend or maybe more than that."
            Sa sinabi nitong iyon ay natawa siya. Malakas na pagtawa na nagdulot pa ng pamumuo ng luha sa sulok ng kanyang mata sa sobrang kaaliwan. Nakatingin lang sa kanya si Ambrose.
            "May nakakatawa ba sa sinabi ko?"
            "Ano sa tingin mo? Mukha bang pumapatol sa kapwa lalaki si Brax? Naman. `Wag ka ngang gumawa ng issue, Ambrose. Nagmumukha kang pathetic sa ginagawa mo. Uunahan na kita, ah. Hindi bakla si Brax." Pinagdiinan pa niya ang salitang 'bakla'.
            Hindi naman ito nagpatinag. "Hindi nga bakla si Brax pero ikaw.." sadyang itinigil nito ang susunod na sasabihin. Mukhang ini-excite pa siya samantalang wala naman dapat siyang ika-excite. Ikabwisit? Pwede pa. "Ikaw ang mukhang bakla."
            Nawalan siya ng imik sa sinabi nito. Sinabi na nga ba niya. Noon pa man ay isyu na para sa iilan ang gender preference niya. Ngunit sa bawat tanong na ibinibigay ng mga iilan na taong iyon ay wala siyang inamin o kinumpirma sa mga iyon. Wala siyang bagay na sinabi para magpatotoo o kaya naman ay itanggi ang tungkol sa bagay na iyon. He kept his mouth sealed about the issue. Walang rason para magpaliwanag o ipaliwanag niya ang sarili sa mga taong katulad ng Ambrose na ito. Walang rason para ipaliwanag niya ang sarili sa mga taong wala namang kinalaman sa buhay niya.
            "Ano sa tingin mo?" Matapang niyang tanong. Kung kanina ay may maglalarong katuwaan sa mukha niya, ngayon ay napalitan na iyon ng kaseryosohan.
            "Bakla ka." Walang paligoy-ligoy na sabi nito. Diretsahan talaga.
            Pinigilan niya ang sarili na sagutin pa ito. Kinalma niya ang kanyang sistema. Ang mga ganitong bagay ay dapat na balewalain na lang niya. Bagay na lagi naman niyang ginagawa. Walang saysay para sayangin niya ang sarili sa pakikipagtalo dito sa bagay na alam naman niya ang totoo.
            Sa halip, ang ginawa niya, para makaiwas ay kinuha niya ang gamit na nagkalat sa pahabang sementado na mesa. Iiwanan niya ito. Hindi pa man niya lahat nakukuha ang kanyang gamit ay inilayo sa kanya ni Ambrose ang isa niyang notebook.
            "Akin na nga `yan."
            "Not before you tell me your true preference."
            "Wala akong dapat ipaliwanag sa `yo."
            Takte `yan! Bakit ba lapitin siya ng mga estudyanteng mahilig mang-asar? Ano ba ang ginawa niya para lapitan siya ng katulad ni Ambrose? Mula noong elementary at high school pati ba naman ngayon na college na siya.
            "Wala ka bang magawa sa buhay mo?" Asar niyang tanong.
            "Wala. Kaya nga kita ginugulo."
            Hay naku! Ang panlabas talaga na kaanyuan ng isang tao ay sadyang mapanlinlang.  Bakit kung sino pa ang mukhang mabait ay iyon pa ang ugaling pang-ibaba ng lupa. Pangalawa na ang Ambrose Ferrer na ito sa kilala niyang tao na biniyayaan ng magandang mukha ngunit masama ang ugali. Ang una ay si Jake Hyllel Jacinto. Kung tutuusin ay katulad rin ng dalawa si Brax ngunit kahit na may kasamaan ang ugali ng bestfriend niya ay never itong naging masama sa paningin niya. Saviour niya kaya ang lalaking iyon.
            "I think, I don't have any enough reason to explain myself to you. Kaya kung pwede, ibigay mo na sa akin ang notebook ko."
            Nagulat siya ng ibigay nga nito iyon sa kanya. Nasindak ba ito sa pag-i-english niya? Natigilan ito habang nakatingin sa kanya. Kumunot ang noo niya. Sa kanya nga ba? Para masagot ang kanyang tanong ay tumingin siya sa kanyang likuran. Doon nakita niya ang nakatayong si Brax. Seryoso ang ekpresyon ng mukha nito. Sa mga oras na iyon, naiisip niya na dumating ang saviour niya sa katauhan ng bestfriend niya. By the looks of it. Mukhang nakita nito ang dapat nitong makita. Marinig ang dapat na marinig.
            Seryoso ang ekpresyon ng mukha nito at ang titig nito ay nakatutok kay Ambrose. Tila naninindak sa paraan ng pagtitig.
            "Hina-harass ka ba ng lalaking `yan, Vienne?" Tanong nito.
            "Hindi." pagsisinungaling niya.
            Alam niya na nakita at narinig nito ang dapat nitong makita at marinig. Nang ibaling niya ang paningin kay Ambrose ay maang na nakatingin ito sa kanya. Hindi makapaniwala sa sinabi niya. Hindi niya ito pinoprotektahan. Ayaw lang kasi niya na mapa-trouble si Brax. Alam niya kung saan sila hahantong kung sasabihin niya dito ang totoo kahit na narinig nito ang lahat. Takaw-gulo pa naman ito at ang kadalasan na dahilan ng pakikipag-basagan nito ng mukha ay siya. Dahil pinagtatanggol siya nito. Noon at ngayon.
            "Sigurado ka ba Vienne?" Hindi kumbinsidong sabi nito. Sa uri ng tingin na ibinibigay nito sa kanya ay alam niya kung ano ang naglalaro sa isipan nito. "Baka pinagtatakpan mo lang ang lalaking `yan?"
            "Bakit ko naman gagawin `yon? Nagbibiruan lang kami. Hindi ba, Ambrose?"
            "O-oo, pare, nagbibiruan lang kami ng kaibigan mo." Ang naguguluhan na sabi ni Ambrose.
            Nginitian niya ito. Pasalamat ito at ayaw niyang madawit sa gulo si Brax. Dahil kung hindi, nunca niya itong pagtatakpan.
            "Siguraduhin mo lang, Vienne, pare," anito. Hindi nilulubayan ng tingin si Ambrose na nakatingin rin lang dito.
            Nagkatitigan ang dalawa. Mata sa mata. Tila doon nag-uusap at nagbabantaan. Bago pa lumala ang sitwasyon ay mabilis niyang kinuha ang notebook niya. Isinilid niya iyon sa kanyang bag pagkatapos ay hinawakan niya sa siko si Brax at hinila palayo kay Ambrose.
            Nang balingan niya si Ambrose ay nagtatanong na tingin na ang ibinibigay nito sa kanya. Hindi niya iyon pinansin at tuluyang iniwanan ito. Hila-hila si Brax.
                

ITUTULOY..



10 comments:

  1. Hahaah ang sweet ni Brax


    Boholano blogger

    ReplyDelete
  2. Argh! Nice chapter, Vienne. Gaya nga ng naisip ko. Nasa third person's POV na naman ang story mo. Anyways, that's where you've started. Ang gondo! :D

    ReplyDelete
  3. Hay sa wakas! Author namiss ko talaga kayo! At mukhang naintegrate yung story ni kuya Bluerose. Ang swerte naman ni Vienne may knight in shining armor siya. Update na agad. Very promising ang story niyo author. Kelan po ang next update at ilang araw?

    ReplyDelete
  4. Ang ganda ng simula. Thanks for sharing your story. Take care. God Bless.

    ReplyDelete
  5. Ganda ng simula :)



    Franz

    ReplyDelete
  6. Nice start of story.... mykonektado ba to sa story ni kuya blue.....?
    Next chapter pls....

    Jay 05

    ReplyDelete
  7. another great story :) may bago na naman akong aabangan hehe :))) yelsnA

    ReplyDelete
  8. connected sa mga story ni bluerose, nice start, keep it up, im gonna watch out for this. goodluck Mr.A.


    Az

    ReplyDelete
  9. URS? University of Rizal System?

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails