Followers

Friday, October 5, 2012

Regrets Chapter 07: Sina M1 at M2

cover by Jeffrey Paloma


by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com



"Jarred!" ang sigaw ng kaibigan ko dito sa amin na si Gardo "Ursula" Salvador. Abot sa balikat ang maalon niyang itim na buhok. Makapal ang kanyang labing terno ang kulay sa kanyang kutis. Isang gym instructor sa kabilang village at tanging ako lang ang nakakaalam ng matagal at pinakaiingatang lihim sa barangay namin tulad ko ngunit mas malala lang ang sa kanya.

"Ay.. Ursu.. Ah... Gardo! Yung ano.. Ahm... Text na lang kita ha? Huwag muna ngayon may lakad kami." ang sabi ko sa kanya ng malakas bago pa siya makalapit sa amin. Pilit kong ipinarating sa kanya ang aking nais sa aking mga mata sa pagtitig sa kanya at bahagyang pagkunot ng aking kilay at noo. Naginhawaan naman ako nang nanlaki ang mata niya at lumakad palayo.

"Sino yun?" tanong ni Mickey matapos buksan ang lock ng kanyang kotse tulad ng kay Kent gamit ang maliit na remote na keychain.

Di ko siya sinagot. Agad akong pumasok sa kotse at isinara ang pinto. Kinuha ko sa aking bulsa ang aking music player at agad na nagpatugtog ng malakas pagkasaksak ko ng mga earphones sa aking mga tenga bago pa makapasok si Mickey. Inilagay niya sa likurang upuan ang aking bag kasama ng kanyang mga gamit bago umupo sa loob.

Nakatingin lang ako sa labas ng bintana sa mga halaman sa harap ng aming bakuran. Gusto kong ipakita kay Mickey na ayaw na ayaw kong makipag-usap sa kanya.

"Daan muna tayo sa libingan ni daddy sandali ha? Ang tagal na rin kasi nung bumisita ako nung huli… Naaalala mo pa ba yon? May naaalala kasi ako na nangyari doon eh." ang sabi niyang tinapos ng isang biro kahit umaasang hindi ako sasagot. Naalala kong anniversary pala ngayon ng kamatayan ng daddy niya. Ang araw na nakilala ko si Makoh.

Nanumbalik sa akin ang araw na iyon. Gusto kong ngumiti ngunit pilit kong itinago ito sa mga sandaling iyon. Hinding hindi na niya ako mapapangiti at ipagkakait ko sa kanya ang pagkakataong mapangisi man lang niya ako. Tandang-tanda ko pa rin ang lahat.


Ang Nakaraan - Ang Libing


Narating na namin ang bukana ng libingan na nasa gilid lang ng highway. Ang entrance ng libingan ay may dalawang kongkretong poste lamang na bitak-bitak na. Wala itong bakuran kaya alam na alam ng mga daraan dito na isa itong libingan. Halos umabot na sa kalye ang mga nagkapatong-patong na mga nitso rito na tinubuan na ng maraming talahib sa bawat bilad na pisngi ng lupang kinatitirikan ng mga ito.

Lumapit kami sa likod ng karo bago pa ito buksan ng mga maglilibing sa tatay ni Makoh. Mahigpit ang kapit niya sa aking kamay sa mga sandaling iyon habang ang isang kamay niya'y nakayakap sa baywang ng kanyang ina. Muling umiyak si Makoh sa paglabas ng kabaong sa kotse. Sa pagkakataong ito; mas malakas, mas nakakaawa. Walang tinig na lumalabas sa nakabuka niyang bibig kahit na namumula na ang kanyang leeg na pinangitaan na ugat. Nagsimula na rin mamuo ang aking mga luha habang pinanonood siyang nakatingin sa binubuhat na labi ng kanyang ama. Sa isang iglap, kumalas sa aking kamay at sa kanyang ina si Makoh at nagmamadaling tumakbo papunta sa mga magbubuhat ng kabaong. Isa-isa niya itong pinaghahampas ng kanyang mga nakasarang maliliit na kamao. Natigil ang paglakad na sana ng mga maglilibing at napatingin sa kanya.

Nabitiwan ni Nalani ang kanyang payong. Napasugod siya sa kanyang anak at niyakap ito mula sa likuran ng mahigpit upang mailayo.

"Tama na anak. Magpapahinga na si daddy mo." sabay tulo ng kanyang mga luha. Unti-unting kumalma si Makoh at nagsimula na ang parada pababa ng burol na libingan.

Madulas ang daan papasok sa libingang itinayo sa matarik na gilid ng bundok at walang maayos na daanan dahil sa puno na ito ng libingan. May iisa lang at mayroon din namang umabot na sa limang patong ng nitso sa kaliwa't kanan. Ang ila'y bukas na marahil sa ninakawan na ito o talagang marupok lang ang pagkakagawa sa nitso tulad ng karamihan dito. Walang nagawa ang ibang mga nakikilibing kundi ang magpaiwan sa gilid ng kalsada. Si mama at ako kasama nila Makoh at ng ibang nakilibing ay hindi nakaiwas na tumawid mismo sa ibabaw ng mga nitso.

Para akong ninja sa mga sandaling iyon matapos kong bumitiw sa aking ina. Natuwa ako sa paghakbang at pagtalon sa mga nitso. Hindi ako magawang habulin ng aking ina sa bilis ng aking galaw. Nag-alala ang mga nakakita dahil baka ako'y madulas at mabagok pero wala rin silang nagawa. Gusto ko kasing sabayan ang naununang mga nagdadala ng kabaong.

Nang maabot ko ang hukay kung saan ilalapag ang kabaong ng tatay ni Makoh ay nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita sa gitna at tumawa ng malakas.

"Mga manong! Huwag! May tumae dito oh!" sabi ko sa mga maglilibing sabay turo ko sa malaking umpok ng kulay berdeng dumi. Sa lakas ng boses ko'y narinig ng papalapit pa lang na maybahay ng namayapa at ng aking ina. Sabay silang nagulat at napatakip pa ng bibig. Nagmamadaling lumapit si Nalani at tinignan ang paglalapagan ng kanyang mister at di nakapagsalitang nakipagtitigan sa mga bumubuhat sa kabaong.

"Kuya, baka pwede naman po nating… Ah…" ang di niya tiyak na sinabi sa mga ito. Lumapit sa akin si Makoh sa mga sandaling iyon at nakisilip sa aking nakita habang ako nama'y tumitingin sa mga nakapaligid na nitso. May nakita akong malaking butas sa katabing nitso.

Dahan-dahan akong yumuko ito at sinilip. Unti-unti kong naaninag ang puti at bilugang bagay sa loob nito na may mga nakdikit na dumi at itim na hibla. Para itong gilid ng palayok sa sa tabi nito ay may telang brownish na. Habang kinikilala ko kung ano ang aking nakikita'y tinatapik na ako ni Makoh ng mabilis sa aking likuran. Nang matanto ko na isang bungo ang aking nasisilayan, sa pagkabigla'y napahakbang ako ng patalikod at napaigtad.

Huli na nang ako'y mahulog sa butas na lalagyan ng labi ng ama ni Makoh. Sa bilis ng mga pangyayari ang nakita ko na lamang ay ang pader ng putik sa aking harapan nang ako'y lumagapak patagilid sa ilalim ng hukay. Pinilit kong bumangon agad. Pagkaupo ko'y naamo'y ko agad baho ng kanina'y umpok ng dumi na aking tinatawanan kanina na ngayo'y nagkalat na sa aking dibdib.

Sa mga sandaling iyon ay unti-unti kong naramdaman ang matinding sakit na dala ng aking pagkabagok hanggang sa nawalan na lang ako ng malay.



Nagising ako sa halimuyak ng malakas na amoy ng ospital. Alam ko agad kung nasaan ako dahil kakaiba man pero paborito ko ang amoy sa loob ng ospital. Nanatili lang akong nakapikit habang nakahiga sa napakalambot na kama at sinundan ang aking naririnig na usapan sa aking tabi.

"Doc, ano po ang result ng X-ray ng anak ko? Magkakamalay na po ba siya?" ang tinig ni mama sa aking bandang kaliwa.

"Wala naman pong problema. Normal ang lahat at wala naman pong fracture ang anak niyo kahit sa CT scan ng ulo niya. Normal din po ang brain activity niya ayon sa isa pang test. Nawalan lang po siya ng malay dala ng shock sa pagkabagok." ang wika naman ng isang lalaking napagtanto kong matanda sa boses pa lamang.

Matapos noo'y narinig ko na lang ang langitngit ng marahang pagbukas at pagsara ng pintuan. Ilang saglit pa'y naramdaman ko ang paghawak ni mama sa aking kaliwang kamay na nagdala ng kaunting kirot. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata dahil dito at napatingin sa bahaging hawak ni mama at napadaing.

"Ma! Masakit!" at agad niyang inalis ang kanyang kamay sa aking braso. Nadali pala niya ng kaunti ang kurdon ng swero malapit sa kung saan ito nakasuksok.

"Ay! Sorry anak!… Ayan ha? Matuto ka na huwag maglikot. Pag sinaway ka tumigil ka na. Pinag-alala mo ako! Ang laki tuloy ng nagastos natin dito sa ospital dahil sa kalikutan mo." pangaral niyang walang kahit kaunting lambing. Hindi ako sumagot at pumikit na lang ulit.

Narinig kong muli ang paglangitngit ng pagbukas ng pintuan at ang tunong ng mga naglalakad na papalapit sa amin.

"Kamusta na siya?" ang tanong ng pamilyar na tinig ng isang babae. Sabay nito'y naramdaman ko na may pumatong na kamay sa aking kanang kamay na kasing laki ng akin. Dumilat ako't bumangon sa aking pagkakahiga.

"Mickey!" ang masigla kong bati sa kanya. Napangiti siya at kunwaring pumipindot ng controller ng Family Computer.

"Sige laro tayo!" sabi ko sa kanya sabay tingin kila mama. Nakita kong nakatingin sa akin si Nalani at ang lambing ng kanyang ngiti. Hinaplos niya ang aking ulo at marahan itong tinapik-tapik.

"Napakalikot mo palang bata. Be a good boy na ha?" ang sabi niya at agad naman akong tumango bago pa niya maalis ang kanyang kamay.

"Ma, uwi na tayo! Okay na ko! Maglalaro pa kami ni Mickey!" ang pakiusap ko. Umupo si Makoh sa aking sabi sa mga sandaling iyon at hinawakan ang aking kanang braso upang tignan ang aking swero. Ilang saglit lang at tinitigan niya ako ng kanyang mga matang nagtatanong.

"Pag nagalaw yung injection masakit." sabi ko sa kanya. Sabay nito'y sininghot-singhot niya ako ng malakas at pagkatapos nito'y kinuskos niya ng kanyang hintuturo ang kanyang ilong. Agad kong inamoy ang aking sarili sa loob ng aking suot na gown.

"Hindi naman ah!" pikon kong sagot sa kanya ngunit mayroon pa rin akong kaunting naamoy na mabaho.

"Hindi na, pinunasan ka nakanina pag dating mo dito nilagyan ka pa ng alcohol." sabi ni mama. Hinawakan ni Makoh ang ilang hibla ng buhok sa aking noo at inamoy ang kanyang daliri pagkatapos. Umasiwa ang kanyang mukha pagkatapos at nuling nagkuskos ng kanyang ilong. Agad kong hinawakan ang aking buhok at bahagya itong kinuskos ng palad at inamoy. Ang baho nga.

"Ma! Amoy tae yung buhok ko!" ang inis na inis kong sinabi sa kanya. Natawa sila ni Nalani.

"Maligo ka na lang sa bahay. Matuto ka na ha?" ang kasungitan ni mama sa akin.

Madaling araw na nang nakalabas ako ng ospital. May dalang sasakyan si Nalani kaya kami hindi na inabot ng kinabukasan para maghintay ng pagkakataong makasakay na pauwi.

Pagdating namin sa tapat ng aming bahay ay pareho kami ni Mickey na nagpumilit sa aming mga ina na doon muna siya matulog sa amin. Madali naman namin silang nakumbinsi kaya sa gabi rin na iyon ay naglaro kami ng computer buong magdamag hanggang sa inabutan na kami ng bukang liwayway.

Pupungas-pungas na kami pareho ng aming mga mata ngunit patuloy pa rin ang paglalaro namin ng Double Dragon sa mga sandaling iyon. Napasandal na ako sa gilid ni Makoh at halos makatulog na nang biglang bumukas ng malakas ang pintuan ng aking silid at humampas ito sa pader.

"Putang inang bata ka naospital ka pala nagpupuyat ka pa?!" ang sigaw ng malupit kong amang halatang kagigising lang ngunit nanlilisik na ang mga matang nakatitig sa akin at hawak ang kanyang malapad na leather na sinturon. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga sandaling iyon at napatayong nakaharap sa kanya. Tumayo ng dahan-dahan si Makoh sa aking likuran. Natakot din siya sa itsura ng aking tatay at sa mga maaaring mangyari.

"Papa! Matutulog na po! Hindi na po ako uulit!" sigaw ko sa matinding takot.

"Tarantado!" sabay hampas niya pa sa akin muli ng sinturon.

"Hindi ko naman po sinasadya! Ngayon lang pa!"

Mabilis na nakalapit sa akin si papa sa ilang hakbang lang niya. Tatakbo na sana ako palabas ng silid ngunit bago pa ako makatakas ay nahawakan na niya agad ang aking braso at hinagis ako sa ibabaw ng aking kama at pinagpapalo ng walang awa sa harap ng aking kaibigan.

Umulan ng mura habang ako'y nakadapa sa aking kama at nilalatay ng aking ama. Nang mapansin ni papa na nakatayo pa rin si Makoh na pinanonood kami ay sinigawan nito siya.

"Umuwi ka na sa inyo!" sigaw niya sabay hugot ni papa pababa ng aking maikling shorts na pambahay paibaba bago ipinagpatuloy ang paulit-ulit at walang sinasanto niyang pagpalo sa akin.

Sabawat tama ng sinturon ay nabibigla si Makoh na para bang dama din niya ang hagupit. Tumabi lang siya sa gilid sa bantang likuran ni papa. Nanlalaki ang ang kanyang mga singkit na mata. Iyak lang ako ng iyak kahit alam kong walang makakatulong sa akin.

"Putang ina ka..." gigil na gigil na mura niya. "Naospital ka pang loko ka! Sana natuluyan ka nang tarantado kang bata ka!" ang dugtong niya na natitigil sa bawat buwelo niya sa kanyang pagpalo.

Ilang sandali ang lumipas. Nagsugat na ang ilang bahagi sa akin mula baywang pababa sa tindi ng latay ng sinturon sa aking murang balat. Hirap na hirap akong kumulot sa paghiga sa ibabaw ng kama. Nang paparating na ang isa pang malakas na hampas ni papa ay mabilis na dumapa sa akin si Makoh at sinalo ito. Natauhan ang aking ama't tumigil ang hindi na niya anak ang kanyang nasaktan.

"S-sorry. ang nasabi niya't lumabas ng silid habang hinahaplos ang likuran ni Makoh an tinamaan ng sinturon. Nakita kong nakapikit si Makoh at tinitiis pa rin ang sakit. Hindi siya kumibo at nanatili lang na nakadagan sa akin.

Nang mawala na si papa sa silid, umayos si Makoh ng upo sa tabi ko at marahang hinaplos ang mahapding pisngi ng aking likuran. Hinalikan niya ito bago pumunta sa isang sulok ng aking kwarto kung saan nakalagay ang aking mga gamit sa school at kumuha ng pad paper at lapis. Muli siyang bumalik sa aking tabi at pinunasan muna ang aking mukhang basang-basa ng pinaghalong luha at malamig na pawis bago sumulat sa papel at pinabasa sa akin.

"Kiss ko na yung masakit tulad ng ginawa ni mommy sa sugat ko. Galing na ba?"

Lalo lang akong umiyak ng malakas. Tila bumukas ang pintong nakasara sa aking dibdib kung saan ko kinimkim ang lahat ng sakit at pighating ipinadarama sa akin ng aking ama tuwing nariyan siya. Masaya ako dahil may nakiramay sa aking nararamdamang lungkot sa mga oras na iyon.

Niyakap ako ni Makoh ng mahigpit habang nananatili akong nakakulot ng patagilid sa kama. Kahit musmos pa ang aking isipan, dahil sa ipinakita ni Makoh ay nangako ako sa sarili ko na ituturing ko siyang kapatid dahil nakaraman din ako na lagi ko siyang maaasahan at ganun din ako sa kanya balang araw.

Iyon ang simula ng aming magandang pagkakaibiganan. Doon na ang simula ang masasayang araw naming dalawa. Wala kaming ibang kaibigan kahit sa eskwela kundi kaming dalawa lang. Nagkaroon man kami ng mga kakilala'y di naman namin naging ganoon ka-close hindi tulad ng samahan naming dalawa. Magkatabi pa kami ng upuan dahil din sa parehong Marquez ang aming apelyido. Napagkamalan pa nga kaming magpinsan dahil sa nang lumipat ako ng school ni Makoh ay siya lang ang lagi kong kadikit. Sabay kung pumasok at umuwi, magkasamang gumagawa ng assignment, lahat pati pagligo madalas magkasama kami. Kung may gusto kaming bilhin ay pinagsasama namin ang aming naiipong pera.

Dahil sa aming malapit na pagsasama naihalintulad kami sa nausong palabas na Bananas in Pajamas, binansagan kaming M1 at M2 sa school at sa lugar namin.



Tumigil ang kotse ni Mickey sa madilim na kalsada sa tapat ng isang karinderya. Doon ko lang napansin na isang saglit na pala ang lumipas. Nasa kabilang kalsada na kami ng libingan sa aming lugar kung saan nakatirik ang nitso ng ama niyang si Marco.

Pinunasan ko ang tutulong luha mula sa aking mga mata na palagay ko'y nakita ni Mickey nang tumapat sa aking mukha ang ilaw na nagmumula sa karinderya.

"Samahan mo naman ako sa baba. Kahit para kay daddy man lang. Taon-taon kitang kasama na pumupunta dito dati." sabay kuha niya ng flashlight sa maliit na cabinet sa aking harapan. Mayroon din siyang kinuhang maliit na puting kandila na hindi pa nasisindihan.

Hindi ako sumagot at binuksan ko na lang ang aking pinto at lumabas. Gagawin ko ito para sa isang ama na hindi ako nagkaroon. Sa isang ama na hindi nagparamdam sa akin ng pagmamahal na natutunan ko lang kay Mickey.

Tumigil sa aming likuran ang kotse ni Kent at isa-isang lumabas ang mga nasa loob nito.

"Anong problema?" tanong ni Kent pagkalabas niya ng kanyang kotse at naglakad papalapit kay Mickey.

"Pare, bibisitahin lang namin muna puntod ng tatay ko. Anniversary kasi ng kamatayan niya ngayon. Dito na lang kayo muna sandali. Delikado kasi pababa diyan." ang sagot niya sabay turo sa entrance ng libingan. Lubos na madilim ang dakong paroon dahil sa wala doong ilaw kahit isa maliban lang sa pinaka bukana ng libingan.

"Sandali lang ha?"

"Sandali lang ito, tol. May hinahabol din akong call time sa set. Iwan ko lang ang kotse sandali sa inyo ha?" sagot ni Mickey.

Nauna akong lumakad patawid ng kalsada at hinintay si Mickey nang makarating.

"Bababa ba?"

"Oo..."

"Ikaw na lang. Ingat." sabay hakbang ko na sana patawid muli ng kalsada ngunit hinawakan niya ako sa kamay.

"Sige na hindi na lang. Lakad na lang tayo ng kaunti sa entrance para marinig naman ako ni papa."

"Kabalbalan mo. Sige, hanggang diyan lang. Hindi na tayo lalayo pa." sabay turo ko sa entrance at naunang lumakad. Mga limang metro mula sa gilid ng kalsada ang entrang ng libingan. Sampung metro naman ang layo ng unang baitang ng putol na hagdan mula rito na nakarugtong na sa isang nakatayong nitso sa bandang ibaba. Lumakad lang ako hanggang sa halos marating ko na ang hagdan habang iniilawan niya ng flashlight ang aking dinaraanan. Nang maabot niya ako'y pinatay niya ang ilaw at unti-unting pinalitan ng liwanag ng bilog na buwan ang buong kapaligiran sa aming paningin.

"Pwede ba tayo bumama?"

"Gusto mo may maospital sa ating dalawa?"

Hindi na siya nakasagot at inilabas ang kandila sa kanyang bulsa at kumapkap sa iabng bulsa na parang may hinahanap. Kinuha ko ang lighter ko sa aking bulsa at sinindihan. Agad na itinapat niya ang kandila rito ang nang masindihan. Hindi niya ito ibinaba sa sahig. Pumikit siyang tahimik na nananalangin. Tumingin na lang ako sa kabihasnang madilim habang nasa ganoon siyang lagay.

"Dad, okay naman po ako. Naging maganda naman po ang buhay ko. Dadating ang araw Dad na maipaghihiganti kita sa ginawa niya sa iyo. Tandang-tanda ko pa rin ang mukha niya." ang tahimik na binigkas ni Mickey at muling bumalik sa taimtim na panalangin.

Ilang saglit lang ang lumipas at inakbayan ako ni Mickey at diniin sa kanyang tabi. Nagpumiglas ako ngunit agad din natigil sa kanyang sunod na mga sinabi.

"Ang laki na namin ni Jarred ngayon. Mas matangkad nga lang ako sa kanya. Sayang hindi mo siya nakilala, dad. Kasi sayang na hindi niya nakilala ang ama na tulad mo." may kurot sa puso ang kanyang dala.

Sa mga sandaling iyon, isang banda ng aking pagkatao ay humihiling na sana'y maibalik namin ang tulad ng dati subalit pilit pa rin itong natatabunan ng aking matinding galit sa kanya. They say time heals all woulds pero ang sugat na ito'y laging sariwa tuwing naririnig ko lang ang pangalan niya.

"Kaya lang, dad, ang laking kasalanan ng nagawa ko sa kaibigan ko. Sana mapatawad niya ko." at pagkatapos noo'y mabilis akong kumalas sa kanyang tabi.

"Tarantado! Ayaw ko na magpadala pa sa mga sinasabi mo. Sirang-sira na tiwala ko sa iyo." ang gigil kong nasagot sa kanya habang naglalakad na pabalik sa labas. Aninag naman ang kalsada kaya't di ako nahirapan bumalik.

Naabutan kong nagsisigarilyo sa tabi ng kanyang kotse si Kent habang ang iba naman ay nasa loob ng kotse na nakaupong naghihintay. Tinungo ko muna ang kotse ni Mickey at kinuha ang aking gamit. Nagtatakang sinundan ako ni Kent ng tingin habang ako'y papunta sa kanyang kotse.

"Lilipat ka?" ang tanong niya sabay sa pagbuga ng usok.

"Oo, para mapagbigyan ko na si Milton. Idol na idol niya si Mickey. Ang init kasi sa loob ng kotse niya. Ayoko rin yung amoy ng Ambi Pur." sagot ko. Sa mga sandaling iyon ay nakalabas na si Mickey ng sementeryo at nagmamadaling tumawid. Kinatok ko si Milton sa harapan at lumabas ito ng kotse.

"Switch tayo! Pagkakataon mo na mainterview idol mo."

"Okay lang ba?"

"Ayaw mo?"

"S-sige..." at bumaba na siya at agad naman akong sumakay. Nagmamadali siyang nagtungo sa kotse ni Mickey at umupo sa pwesto ko.

Kinalong ko ang aking bag nang ako'y makaupo sa loob ng kotse ni Kent. Sinilip niya ako't inabot ang kanyang kamay sa aking dala.

"Kakalungin ko na lang hindi na kakasya yan sa compartment." sagot kong nahihiya habang nakangisi. Humithit siyang muli sa kanyang sigarilyo bago ito itapon sa gilid ng kotse. Mabilis niya ring ibinuga ang usok bago pumasok sa loob ng sasakyan.

"Ikaw na bahala ha?" tanong niya at tumango lang ako.

Nakita ko sa aming harapan na hindi pa rin sumasakay ng kotse si Mickey at kumakamot ng kanyang ulo tanda ng pagkayamot. Tuwang-tuwa ako sa nakikita ko.

"Una na tayo sa kanila." sabi ko kay Kent at tumango lang siya't sinimulang paandarin ang sasakyan.

"Ang scary naman ng cemetery na yan, Jarred." tanong ni Nina na nakatingin pa rin sa pinanggalingan namin ni Mickey. Nilingon ko lang siya't nginitian. Napansin kong nakatulog na si Berto sa kanyang kanan at nakanganga pa. Hinawakan ni Nina ang baba nito at marahang itinaas ngunit agad itong bumalik sa dati matapos niyang bitiwan. Sa kaliwa naman ni Nina, si Angelito, nakasandal ang ulo sa salamin ng bintana at natutulog na rin.

Umayos ako ng upo at pinagmasdan ang kalsadang aming tinatahak. Lubhang ginugulo pa rin ako ng aking isipan sa mga sandaling iyon ng aking nakaraan. Ang dahilan ng hidwaan naming dalawa ni Mickey.

itutuloy...

3 comments:

  1. anu kaya ung naging hidwaan nilang dalawa?

    ReplyDelete
  2. gandang araw...saan ko po makikita ang continuation nito...hheheheh salamat :)

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails