Followers

Thursday, October 4, 2012

Regrets Chapter 06: Si Ursula

cover by Jeffrey Paloma

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com

Pauna:

Thank you sa mga nag-email sa akin bukas na lang po ang kasunod. ^_^ V

Please read and comment sa PEBA entry niya this year na "Si Angelo, Ang Kanyang Itay At Ang Facebook"



Natulala ako nang umalis sa harap ng bintana si Kent. Parang nanigas na aking mga pisnging nakangiti.

"Magtigil ka Jarred! Magtigil ka! Hindi ka malandi at hindi ka magsisimulang lumandi ngayon." pangaral ko sa aking sarili.

Nang makapasok ng restaurant si Kent ay tinitigan ko siyang naglalakad papalapit sa amin mula ulo hanggang paa. Parang bumagal ang lahat.

Ang cute ng kanyang ipin. Ang pungay ng kanyang mga matang nangungusap na nakatingin kina Berto at Nina habang kinakawayan sila. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko sa mga sandaling iyon lalung-lalo na nang magtapat ang aming mga titian.

"Jarred, hindi mo ba pauupuin si Kent?" tanong ni Nina na gumising sa aking ulirat. Nataranta akong nag-ayos ng aking gamit na nakapatong sa kanan kong upuan upang ibigay kay Kent ang sa akin.

"Ang bango niya!" ang sabi ko sa aking sarili matapos mapalunok ng sariling laway.

Para hindi ako mahalata'y yumuko na lang akong bagya't tumitig sa ibabaw ng mesa habang nag-uusap silang tatlo. Isang saglit din ang lumipas ngunit wala akong pinakinggan ni isa sa kanilang mga sinasabi. Hindi ko na rin napansin na ako'y pinakikilala ni Nina kay Kent.

"Huy! Jarred!" sabay tapik ni Nina sa aking brasong nasa mesa.

"Ay butike!" ang aksidente kong nasabi sa pagkabigla na hinaluan na rin ng matinding hiya.

"Jarred, si Kent." ang sabi ulit ni Nina. Nakaabot na pala sa akin ang kamay ni Kent na nakikipagkamay. Mabilis kong inabot ang aking kamay na nanlalamig na pala. Doon ko napansin ang malaki at mainit-init na palad ni Kent.

"Di ba ikaw yung kanina sa lobby?" ang tanong ni Kent habang nakangiti pa ring nakatitig sa aking mga matang hindi makatingin ng tuwid.

"Ah.. Oo... Sorry kanina ha? Tanga ko kasi." ang nahihiya kong sagot sa kanya matapos kaming magkamay.

"Familiar ka." ang sabi ni Kent sabay isip kung saan niya ako huling nakita.

"Ah ganun ba? Schoolmates tayo siguro kasi." ang nahihiya kong sagot.

"Hindi sa ganon. Nag-aral ka ba sa Colegio De San Agustin?" tanong pa niya.

"Oo...? P-pero.."

"Sumama ka ba sa choir ng chapel?" ang tanong pa niya. Parang sa pagkakasunod-sunod ng mga tanong niya'y unti-untian ko na siyang natutulungang makaalala.

"P-paano mo...?" natural na ngiti na ang naipakita ko sa mga sandaling iyon.

"Ikaw yung tumutugtog ng church organ minsan tuwing di ka kumakanta sa misa."

"Doon ka rin nag-aral ba?" tanong ko at tumango lang siya.

"So sasama ka na ba, Jarred?" singit ni Nina.

Bigla akong tumayo sa aking upuan at maingat na binitbit ang aking gamit. Pinanood nila ako sa aking ginawa.

"Alis ka na talaga Jarred?" tanong ni Berto. Hiyang-hiya lang akong tumango.

"Sumama ka na Jarred! Please?" ang malakas at nanlalambing na sunod naman ni Nina. Napatingin ako kay Kent at ang nakakatunaw niyang ngiti pa rin ang aking nakita ngunit hindi pa rin ito nakapigil sa akin.

"Sorry talaga, guys. Pakisabi na lang kay Milton na nauna na ako. Baka gabihin na rin ako sa biyahe kaya di ko na siya mahihintay." at naglakad na palabas. Tumayo si Berto sa kanyang upuan at sumunod sa akin. Ang mga titig niya sa akin ay nagsasabing may gusto siyang sabihing napakahalaga, Nang pareho kaming makarating sa entrance ng KFC ay naglakas loob na si Berto na magsalita.

"Saglit! Kailangan mo talaga sumama! Patay tayo this mid-term kung di ka sasama!" napalingon ako kay Berto't tumigil sa paglalakad.

"Di ba tayo-tayo rin ang magkakasama sa grouping sa Production natin?" seryoso si Berto. Tumango lang ako ngunit hindi ko lubos na naiinitindihan ang ibig niyang sabihin sa akin. Siya ang leader namin sa project namin ngayong mid-term sa subject na tinutukoy niya.

"Ngayon tayo gagawa sa pupuntahan natin. Isang bagsak na 'to."

"Palusot ba yan? Alam mo pag sinabi kong ayaw ko ayaw ko. Naguguluhan na ako Berto. Kala ko next week pa natin gagawin yung shoot natin para diyan? Obviously hindi ko dala ngayon ang camcorder ko." nagsisimula na akong mairita at halata na ito sa tono ng pakikipag-usap ko sa kanya.

"Seryoso tol! Hindi na rin kakayanin sa deadline kung next week pa natin gagawin ang shooting. E-edit pa yung video. Wala pa nga akong nahahanap na gagawa noon eh." kita ko na kay Berto ang pag-aalala. Marahil pressured na siya dahil lahat ng pagpaplano ay sa kanya tulad ng pag-aako niya noong una.

"Berto umayos ka nga!" ang agad kong sagot sa kanya. Napalakas ng kaunti ang boses ko. Nakita kong nakatingin sa amin sila Nina nang sulyapan ko sila sa likuran nito.

"Paano naman naisip ng kokote mo ang lakad natin ngayon? Camcorder ko kailangan natin para makapag-shooting talagang pauuwiin mo pa ako ng bahay para lang kuhanin iyon?!" nanggagalaiti na ako sa gigil sa mga sandaling iyon.

"Ilang araw lang may pasok na ulit tayo. Pag dating natin doon sigurado tulog muna ang gagawin natin dahil ako iyon ang balak ko." naging malalim na ang paghinga ko habang kinakausap si Berto. Napansin ko na rin ang sarili ko kaya't tumigil na ako.

"Tol, sorry. Doon ko na lang sana sasabihin sa inyo pagdating natin sana alam mo naman ang magiging reaksyon ni Nina pag nalaman niya."

"Malalaman pa rin naman niya eh!"

"Sorry talaga. Hindi ko naman din ginusto na ako ang na-assign na mag-lead sa group natin eh." sa nahihiya niya pa ring pakiusap.

Hinila ko siya palabas ng University Mall upang doon makausap ng masinsinan nang hindi pinagtitinginan. Sa tapat ng entrance ng U.M. salubong ang kilay kong sinimulan ang aming pag-uusap.

"Berto, hindi ako makakasama kasi una sa lahat kulang ang dala kong pera. Pangalawa, uuwi pa ako ng bahay anong oras na para kunin lang ang camcorder ko...? Saan ba tayo pupunta?"

"...Sa ...Nasugbu, Batangas tol."

Agad nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.

"Batangas?!!!" ang sa gimbal ko. Tumango lang siya't napangiti.

"Nasugbu?!!!" tanong ko pa at muli ay tumango lang siya.

Unang pumasok sa isipan ko sa mga oras na iyon ay ang tagal ng biyahe ko papunta sa amin at ang kung may masasakyan pa ako palabas ng lugar naming pauwi lahat ng mga nakatira pagsapit ng alas nueve. Saglit akong nag-isip habang pinanonood lang ako ni Berto na medyo kabado sa aking magiging sagot.

"Paano na to? Papayag kaya si mama?" ang pagtatalo ko sa aking isipan.

"Sorry talaga hindi pwede. Biglaan ito hindi rin papayag nanay ko." sagot ko sa kanya sabay ng aking pag-iling.

"Tol naman! Gusto mo daan muna tayo sa inyo para ipaalam ka namin. May sasakyan naman naman si... "

"Nakakahiya!" agad kong sabat sa kanya.

"Alam mo ba na mababa pa sa dalawang oras ang biyahe ko lagi pauwi? Wala pang traffic yon! Anong oras na tayo makakarating sa pupuntahan natin? Nakapagpa-reserve ka ba?"

"Grabe pala biyahe mo. Mag-dorm ka na kasi!" pauna niya sabay tapik sa aking balikat. Alam kong pinangingiti niya lang ako pero hindi ko iyon magagawa sa tindi ng pagkainis ko sa kanya.

"Sabihin mo yan sa nanay ko. Gustong-gusto ko na pero ayaw talaga niya. Kuripot ang nanay ko sobra." ang agad kong sagot sa payo niya. Natawa si Berto at napakamot ng kanyang ulo.

"Oo, wala na tayong problema sa venue. Share holder sila mommy ng pupuntahan natin." napaisip naman ako kung saang gigilid na resort sa Nasugbu ang tinutukoy niya. Minsan na rin akong nakapunta roon kasama si Mickey noong bata pa kami kaya't sa mga oras din na iyon ay ipinanalangin ko na sana'y sa ibang resort kami pupunta. Masyadong maganda ang nakaraan ko sa lugar na iyon at ayaw kong magbalik ang lahat sa akin sa mga sandaling makita ko ang bawat sulok ng resort na iyon.

"Saan ba doon?"

"Sa Canyon Cove." sa sagot ni Berto na nagpalagay sa akin.

"Magkano ambag ko?" sagot ko agad sa kanya.

"Ikaw bahala 'tol. Basta dadalhin natin ang camcorder mo ha?" sagot niya.

"Five hundred!" nakangiti kong sinabi at dinugtungan pa agad ng "Ipapaalam niyo ko kay mama at kailangan kumbinsihin niyo siya."

"Deal!" sabay abot niya ng kamay sa akin na agad ko naman kinamayan.

Dumukot ako sa aking bulsa't kinuha ang kaha ng sigarilyo na nalukot at naipit na sa aking maong. Mga ilang stick na lang marahil ang laman nito. Nang ilagay ko sa aking mga labi ang aking nakuha sa kaha'y agad kumapkap si Berto ng lighter sa kanyang bulsa. Agad niyang sinindihan ang aking sigarilyo.

"Kababata mo pala si Mickey no?" ang tanong niya. Hindi ko alam kung interesado talaga siyas a topic na iyon o wala lang siyang maisip na mapag-uusapan naming iba sa mga sandaling iyon.

Habang kami'y nag-uusap ni Berto sa harapan ng U.M. tungkol kay Mickey ay saktong tumigil ang kotse nito sa aming harapan. Marahang bumaba ang salamin nitong tinted at bumungad sa amin ni Berto ang nakangiting si Mickey. Mukhang siya na lang ang sakay ng kotse sa mga sandaling iyon.

"Jarred! Uwi ka na?" pasigaw niyang tanong sa akin. Nagkatinginan kami ni Berto saglit bago ko siya binalikan at umiling.

"Tara na! Sakay ka na! Uuwi muna ako sa atin bago ako dumiretso sa shoot mamaya. Matagal na rin ako hindi dumadayo doon. Kakamustahin ko na rin si tita." sabi ni Mickey.

"Nasa bahay na siguro si mama pag dating mo. Mauna ka na. May lakad ako. Salamat na lang." ang plastik kong sagot sa kanya tulad ng aking ngiting ipinapakita.

"Anyway, as I was saying, kakilala ko lang si Mickey." ang pagpapatuloy ko sa usapan upang kunin ko ang pansin ni Berto upang umalis na si Mickey. Alam kong di ko naitago maigi kay Berto na ayaw kong kausapin si Mickey at kita ko ito sa kanyang mukha.

Trenta minutos din marahil ang nakalipas na kami'y nag-uusap ni Berto sa labas at umabot na sa kung anu-ano ang aming napag-uusapan. Mga walang katuturan na mga bagay na aming napupuna sa mga taong nagdaraanan na aming pinipintasan at tinatawanan.

Nalingat saglit si Berto sa dako nila Nina at nakitang nagkakamabutihan ang dalawang nag-uusap at nagtatawanan din. Seloso si Alberto "Berto" Balagtas. Isa sa mga natitira marahil na lalaking nakilala ko na iibig lang sa iisang tao't di na titingin sa iba. Sa La Salle pa naman, bukod sa may mga naggagandahang lalaking mukhang babae na sa kinis at puti ay nakakarami pa rin ang mga maririkit na dilag.

"T-tol, pasok na tayo sa loob doon na lang natin hintayin si Milton." sabi niya habang nakatitig sa dalawa. Agad ko naman siyang hinila papasok sabay ng pagtapon ko sa kalsada ng aking halos naubos nang ika-apat na stick ng yosi.

Nauna si Berto sa paglalakad. Nang makaupo siya sa tabi ni Nina'y agad niya itong nilambing balak ipakita kay Kent ang pagmamahalan nila. Nangiti lang akong di makatingin sa dalawa nang makaupo na ako sa tabi ni Kent.

Ilang saglit pa ang lumipas. Naiilang na kami ni Kent sa ipinapakita ng dalawa. Maya-maya'y nagkakatinginan kami ni Kent at nagkakangitian na lang. Napaka-awkward ng sandaling iyon at nakahinga na lang ako ng maluwag at marahil si Kent na rin nang dumating na si Hamilton kasama ang hindi namin inaasahang kadikit niya sa pagkakataong ito.

Nakabihis na siya ng shorts at shirt na panlakad. Havaianas na sinelas ang kanyang sapin sa paa. Tulad niya, ganoon din ang suot ng kuya niyang si Angelito na bihirang-bihira pa naming nakikita. Parehong may backpack sa likuran ngunit ang kay Angelito ay mas malaking di hamak at mukhang mas maraming laman dahil sa naghihimutok na ang itsura nito.

Napatitig si Nina, Berto, at ako sa kanilang dalawa. Gulat na magkasama ang magkuya. Si Kent naman ay nakatingin din ngunit nakangiti lang dahil sa hindi naman niya kilala ang dalawa.

"End of the world na ba?" ang drama ni Nina.

"Eh si kuya eh! Nasa bahay na pala nung nagpaalam ako kay mommy sinabi niya na sasamahan niya ako kaya eto kasama siya ngayon..." nahihiyang sagot ni Hamilton habang kumakamot sa kanyang ulo. "Utos ni mommy eh. Pasensiya na guys."

May evil smile lang si Angelito sa mga sandaling iyon.

"Nasaan na ang ate mo, Nina?" ang tanong ni Hamilton.

"Susunod na lang daw siya may tinatapos lang sila. Promise! Susunod iyon." sabi ni Nina habang nakangiti kay Hamilton na parang gustong magsalubong ang mga kilay.

"Jarred, nasa bag ni kuya yung ipapahiram ko sa iyo." ang sabi ni Angelito sa akin. Di ko alam kung ako lang ba pero parang fine-flex niya ang maskuladong braso niya na bitbit ang bag niyang nakasabit lang sa isa niyang balikat.

"Sorry, Hamilton pero hindi na rin kailangan. Ang talino kasi nung isa diyan." sabi ko kay Hamilton paiwas sa aking napansin kanina sabay tingin kay Berto.

"Berto sabihin mo na ang plano mo ngayon."

Napakamot ng ulo si Berto't nakangisi kay Nina.

"Umm... Guys, ngayon na rin ang... shooting natin for the project... D-dadaan... tayo kina Jarred sandali para ipaalam natin siya sa..." ang nauutal niyang pauna.

"Kent, pwede ba tayo dumaan muna sa amin. Nasugbu naman iyon madadaan tayo doon." sabat ko kausap si Kent. Pansin kong nahihirapan si Berto. Nangsasalubong na ang mga kilay ni Nina habang nakatitig kay Berto at kinukurot ito sa tagiliran.

"Nasugbu?! Saan iyon?!" ang gulat na reaksyon naman ni Hamilton.

"Batangas!" sagot sa kanya ni Angelito.

"Anyway, ayun nga, nakakahiya sa iyo Kent pero ako na lang nagsasabi. Kukunin din namin kasi sa bahay yung camcorder ko. SLEX ka na lang dumaan iwas traffic pa sa Coastal pati sa Aguinaldo highway. Bacoor, Imus, Dasma, traffic doon." sa medyo mas malakas kong boses. Sa mga sandaling iyon ay talagang nanginginig ako sa kaba at ang lakas ng kabog ng dibdib ko habang kinakausap ko si Kent. Ang hiya na nakikiusap ako sa ngayon ko lang nakilala at ang matinding kilig na dala ng pagkabighani sa napakaganda niyang mga mata't ngiti.

"Okay lang. Sige, ikaw na lang mag-guide sa akin sa daan pagpasok ng SLEX hindi ko kasi kabisado ang daan papunta sa Tagaytay kung doon dadaan." ang sagot niyang nakakakiliti sa aking mga tenga. Lalo akong binalot ng matinding kilig sa buong katawan nang marining kong muli ang boses niyang malalim. Natulala akong saglit at natauhan.

Nagtungo kami sa parking lot kung saan naroon ang Mazda 3 na asul ni Kent. Sa aming paglalakad, magkasabay kami ni Kent, ganun naman ang magkapatid na kasunod namin at ang nahuli ay sina Nina at Berto na nagtatalo. Kahit hinaan nila ang kanilang boses ay dinig pa rin namin ang mga gigil na salita ni Nina at ang malayang daing ni Berto sa bawat kurot nito.

Nang marating namin ang kotse'y isang pindot lamang sa itim na remote na dala ni Kent at bumukas na ang lock ng mga pinto nito. Nagmamadaling ipinasok ng magkapatid ang kanilang dala sa compartment ng kotse bago sila Nina at Berto. Unang pumasok ang dalawang makapatid sa bandang likuran. Napilitang kalungin ni Berto si Nina. Ako naman, mabagal at mahinhin na sa mga sandaling iyon na binuksan ang pinto sa katabing upuan ng driver. Kulang na lang talaga suklayin ko pa ang buhok ko sa taas ng aking tenga habang paupo ako sa upuan. Ewan ko ba kung ano ang pumasok sa akin sa mga sandaling iyon. Basta ang kumportable lang ako sa mga naging galaw ko ay ang di ko maibabang mga ngiti.

Lumingon muna si Kent sa likuran matapos ito pumasok ng sasakyan at tinignan ang aming mga kasama.

"Okay lang kayo diyan?" tanong niya at tumango lang sila ng sabay. "Matagal at malubak ang biyahe natin. Huwag kayo gagawa ng baby ha? Maawa kayo sa kotse ko at sa magiging anak niyo." biro niya kay Nina habang nakabalot sa kanyang puson ang mga bisig ni Berto bago humarap sa manibela at paandarin ang makina. Ako lang ang tumawa sa biro ni Kent. nang mapansin ko ito'y tinigil ko ang aking pagtawa ng isang buntong hininga.

Tahimik ang lahat habang nasa biyahe. Nakatulog na ang mga nasa likuran habang ako'y tahimik na pinagmamasdan lamang ang tanawing aming nadaraanan. Kumuha si Kent ng isang disc sa booklet ng mga CD niya na nakapatong sa tabi ng kambyo at pinatugtog. Hindi ko inaasahan na classical music ang papatugtugin ng isang tulad niya. Love song na piano solo pa.

Dahil sa ako'y mahilig din sa classical music bukod sa tumutugtog ng piano, nadadala ng tugtog ang aking damdamin at madali kong nababasa ang ibig ipahatid ng kumpositor o musikerong tumutugtog ng isang piyesa. Ang isang love song ay maaring magdala ng inspirasyon sa pag-ibig kung tutugtugin ng normal ayon tempo at ng iba pa sa isang music sheet ngunit bagalan mo lang ito ng kaunti at magiging iba na ang tingin ko dito. Maaaring masira ang dating nito sa akin o kaya nama'y makaramdam ako ng matinding pangungulila.

Sa pagkakataong ito, matinding pangungulila sa pagmamahal ang aking naramdaman. Hindi ko napigilang lumuha. Nang suminghot ako'y sumulyap si Kent sa akin.

"Okay ka lang?" tanong niya. Tumawa ako ng pilit at saglit bago suminghot muli habang pinupunasan ang aking pingi.

"Oo. Sinisipon na yata ako."

"Gusto mo hinaan natin ang aircon?" nakatutok nga naman kasi sa akin ang vent at todo buga ang lamig mula dito sa aking mukhang nilalamig na rin. Sa totoo lang, gusto ko nga ang nilalamig ako. Hindi ko alam pero mas gusto ko ang pakiramdam na ganoon.

"H-hindi.... okay lang ako. Mawawala rin ito mamaya. Runny nose lang." at suminghot pa akong mulit.

"Tissue?" sabay kuha niya sa isang rectangle na plastic na blue ng tissue na may nakausling isang sheet sa tuktok nito at inabot sa akin habang nakatitig pa rin sa aming dinaraanan.

"Thank you." at kinuha ko ang nakausling tissue upang ipamunas agad sa aking uhog na di ko na mapigilan.

"Gusto mo matulog din muna? Quirino avenue pa lang naman tayo." alok niya.

"Hay kuya... How thoughtful! How Goldilocks! Bigyan mo ko ng flowers papakitaan kita ng tears of joy. Dali!!" sigaw ko sa aking isipan.

"Di na. Okay lang. Di rin naman ako sanay matulog sa biyahe." sagot ko. Parang napalalim ko rin ang tinig ko ng di sinasadya. Di ko alam kung nahahawa lang ako sa boses niyang modulated siguro o nagpapakapamintang todo nanaman ako para pagtakpan ang kilig ko.

Nasa kasagsagan na ang moment na iyon para sa akin nang biglang tumunog ang aking telepono. Agad akong nainis habang nagmamadaling kinukuha ito sa aking bulsa dahil sa lakas ng tunog nito'y nagising ang iba naming mga kasama. Natataranta ako at naiinis sa kung sino man ang tumatawag sa aking telepono sa mga sandaling iyon.

"Bwisit naman sino ba 'to?!" sabi ko sa aking sarili. Agad kong sinagot ang tawag ng hindi tinitignan ang caller ID.

"Hello?... Ma!... Oo, pauwi na po. Pero ma... magpapaalam kasi ako sa iyo. Di ba sabi ko gagawa kami ng project? Sa Nasugbu pala kami... Sa Canyon Cove... Oo." ang mahina kong pakikikipag-usap kay mama sa kabilang linya. Pumikit muli ang aming mga kasama habang si Kent naman ay maya't-mayang tumitingin sa akin. May kalakasan kasi ang boses ni mama at naririnig na ng mga kasama ko marahil ng malinaw ang mga sinasabi niya. Pansin na rin nila siguro ang unti-unting pagbilis ng pagsasalita ni mama habang siya'y naiirita.

"Gastos nanaman?! Sigurado ba kayo sa mga ginagawa niyo?! Kung malaman ko lang na hindi tungkol sa school ang lakad niyo malilintikan ka sa akin!" ang malakas na sinabi ni mama na alam kong naintindihan ni Kent dahil natawa siya kay mama.

"... Kasama ko sila ngayon para ipaalam ako. Gagamitin namin yung camcorder at kukuha na rin ako ng damit ko. Mga dalawang araw kami doon... Sa bahay na lang natin pag-usapan... " at ibinaba ko na ang kanyang tawag. Nagkatinginan kami ni Kent at nahihiya akong nginitian siya.

"Terror ba mama mo?"

"Sa akin lang. Mabait yun."

"Parang mommy ko rin pala. Bakit kaya ang mga nanay ganun no?" at natawa ako sa kanya. Hindi na lang ako nagsalita. Binabalot nanaman ako ng kiliti. Mahirap na kung bigla akong bumigay.

Nakarating kami sa bahay matapos ang dalawang oras na biyahe. Nauna akong bumaba ng kotse upang mapagbuksan kami ng gate. Nakita kong naka-park sa harapan ng kotse ni Kent ang kotse ni Mickey. Nag-uunat ang lahat ng aking kasama matapos lumabas ng sasakyan at natatawa akong tignan sila. Hindi ko naman naalis sa aking isipan na marahil ay nasa silid ko na si Mickey sa mga sandaling iyon.

"Grabe ang layo pala ng uwian mo!" ang sabi ni Angelito.

"Sanayan lang yan." sagot ko sabay ng paglangitngit ng aming gate na kulay puti na binuksan ni ate Anne. Dumungaw siya sa awang ng pinto habang binubuksan ito.

"Si mama?"

"Ay kakarating lang baka nagbibihis na sa kwarto niya."

"Ate ipaghanda mo kami ng meryenda. Aalis din kami may kukunin lang ako."

Tumabi si ate Anne at nauna akong pumasok. Sumunod sila sa akin sa paglalakad habang isa-isa silang tinitignan ng aming kasambahay. Una si Hamilton na papasok ng pinto at kasunod niya si Angelito. Napansin kong inaalis niya ang kanyang suot na tsinelas sa door mat matapos magpagpag.

""Huwag mo na alisin yan! Ano ka ba, Milton?" ang sabi ko at napatingin siya.

"Nakakahiya eh. Ang kintab halos lahat ng nandito sa bahay niyo. Baka madumihan ko yung sahig." at muli niyang sinuot ang kanyang tsinelas at naglakad.

"Upo muna kayo diyan. Saglit lang ha?" Sabi ko sabay turo sa aming sala set na gawa sa narra na may magagandang ukit. Sa pagpasok nila sa sa sala ay pinagmasdan nila ang aming bahay. Puti ang kulay ng pintura ng aming sala. Sa magkabilang tabi ng aming sala set ay may maiit na mesang gawa rin sa narra at sa ibabaw nito ay may malaking vase na galing tsina na nilagyan ng mga pink na chrysanthemum.

"Ma!... Ma!" ang sigaw ko habang mabilis na umaakyat ng hagdan patungo sa mga kwarto. Nang marating ko ang pinto ng kanayng silid ay mabilis kong kinatok ito.

Ilang saglit lang ay pinagbuksan na niya ako ng pinto.

"Ma, nasa baba na sila naghihintay. Aayusin ko lang yung mga gamit ko aalis na rin kami agad." ang mabilis kong paalam sa kanya.

"O heto." sabay abot niya sa akin ng isang credit card na may nakalagay na pangalan ko. Nagulat ako't natuwa ngunit pinigilan ko ang sarili kong ipakita kay mama ang aking reaksyon.

"Card?"

"Supplementary card. Ikaw na bahala. Kailangan mo an gumamit niyan basta limitahan mo sarili mo sa paggamit dahil ibabawas ko sa allowance mo ang pambabayad ko diyan." ang tila kunsumido niyang sinabi.

"Magkano tira sa baon mo?" dagdag niya. Nilabas ko ang wallet ko at ibinigay sa kanya. Binilang niya ang laman nito at kumuha ng pera sa kanyang bulsa at nilagay ito sa wallet bago ibalik sa akin.

"One thousand lang lahat ng pera ko? Dalawang araw sa Canyon Cove?"

"May card ka na. Gamitin mo."

"Ma... " may sasabihin pa sana ako pero hindi ko na lang itinuloy at naglakad papunta sa aking silid.

"Pinaghanda ko na si Anne kanina pa ihahanda na lang sa hapag ang pagkain. Dito na kayo maghapunan." sabi niya nang marating ko ang tapat ng aking kwarto.

"Huwag na. Kailangan na namin umalis agad. Baka gabihin kami sa kalsada alas otso na oh." sabi ko sa kanya sabay turo pa sa aking relo.

"Nandiyan na nga pala si Makoh sa kwarto mo hinihintay ka." pahabol niya. Natigil akong nakahawak sa doorknob.

"Kabisado mo pa rin talaga takbo ng utak ko." sabi ko sa aking isipan patukoy kay Mickey.

Nang buksan ko ang pinto'y agad na lumabas ang lamig gawa ng airconditioner na may halong amoy ng pabango ni Mickey. Napalingon siya sa akin mula sa panonood niya ng telebisyon habang nakadapa sa katapat nitong kama. Hindi ko siya tinignan sa halip ay nagpatuloy lang ako sa paglalakad patungo sa aking damitang built-in sa pader ng aking silid.

"Saan ang lakad niyo?" habang hinahalungkat ko ang aking mga nakatuping mga damit. Hindi ko siya sinagot.

Sa kalagitnaan ng pamimili ko ng aking damit ay hinila ko ang malaking bag na walang laman na nakalagay sa ilalim na banda ng cabinet. Doon ko isinaksak ng mabilis ang ilan sa mga napili ko na. Para akong maglalayas sa ginagawa ko dahil walang ingat kong paglagay ng aking mga damit.

"Sino mga kasama mo?" tanong niya habang pinanonood ako. Hindi ko pa rin siya sinagot sa halip ay pumunta ako sa shower upang kumuha ng toiletries sandali at bumalik sa aking damitan.

"Galit ka pa rin ba sa akin, Jarred?" tanong niya habang kinukuha ko ang aking mga tsinelas sa ibaba kung saan nakalagay ang mga sapatos kong nakakarton. Natigil akong saglit sa tanong niya.

"Para kang tanga Mickey para tanungin mo ako ng ganyan." sagot ko sa aking isipan.

"Labas ka muna. Magbibihis lang ako." maayos kong paki-usap sa kanya.

"Ngayon ka pa nahiya sa akin." ang natatawa niyang sagot sa akin.

"LABAS!" ang sigaw ko sabay turo sa pinto nang hindi siya hinaharap. Ilang saglit niya akong pinagmasdan bago marahang umupo sa gilid ng kama at isinuot at kanyang sneakers sa gilid ng kama. Tahimik siyang lumabas ng aking kwarto. Ang bilis ng tibok ng aking dibdib sa mga sandaling iyon.

Nang makapagbihis ako'y binitbit ko ang aking malaking gym bag palabas. Sa gilid ng pintuan nakasandal si Mickey at naghihintay. Nagkatitigan kaming saglit nang makalabas ako ng pinto at biglang inisnab. Kita ko sa mga mata ni Mickey na may gusto siyang sabihin at alam ko na ang pag-iwas ko sa pagkakataong magkausap kami ay matinding parusa na sa kanya. Nagmamadali akong bumaba sa sala at naabutan kong pinaghahatian nila ang dalawang bote ng isang litrong softdrinks at brazo de mercedes na uwi marahil ni mama para sa akin.

"Tirahan niyo ko ha? Paborito ko yan. Papatay ako para sa isang slice ng brazo." ang biro kong sinabi sa kanya habang bumababa ng hagdan. Matapos marinig ni Hamilton ang aking sinabi ay kumuha pa siya ng dalawang slice mula sa puting tray ng brazo de mercedes.

"Oy! Milton! Dalawa na lang yan oh! Tatlo na yang nasa platito mo!"

"Sorry paborito ko rin 'to!" sabay dila niya bago sumubo ng kapiraso.

"Guys, gusto niyo muna magdinner dito bago tayo umalis o baunin na lang natin?" tanong ko kahit sa gilid ng isipan ko'y gusto kong makaalis na kami.

"Ano ulam?" tanong ni Angelito. Tumingin ako sa bandang patungong kusina at tinanong si ate Anne.

"Ate! Ano ulam?"

"Hotdog!" sagot niya tulad ng aking inaasahan. Eighty percent ng nasa freezer namin ay hotdogs lang na nagkakaiba sa brand at flavor.

"Hotdog daw. Ano? Pabaon na lang natin?" sabi ko naman sa aking mga kasama kahit alam kong narinig nila ang sagot ng aming kasambahay.

"Oo, matagal din ang biyahe doon na lang tayo kumain." sagot naman ni Berto. Muli akong lumingon sa dakong papuntang kusina at sumigaw muli kay ate Anne na ipagbaon na lang kami ng hapunan.

Samantala sa aking likuran na hagdan ay di ko napansin na pababa na si Mickey. Nakatingin lang silang lahat sa kanya at isa-isa kong napuna kung saan sila nakatingin kaya't napalingon din ako sa aking likuran.

"Saan ang lakad niyo?" tanong niya sa aking mga kasama. Mabilis na nagliwanag ang mukha ni Hamilton nang makita siya.

"Idol sa Canyon Cove kami pupunta gusto mo sumama?" mabilis niyang sagot. Hindi ko na alam kung saan tutungo ang usapang ito ngunit masama na ang kutob ko.

"Sama ka!" supporta pa ni Nina kay Hamilton. Hindi ko na naitago ang biglang seryoso ng aking mukha. Napatingin sa akin si Hamilton at nagkatinginan pa kami.

"Ah, doon din ako pupunta ngayon eh. May shooting kami doon para sa susunod na episode ng..." natigil si Mickey sa pagsasalita nang bigla akong lumakad papunta sa kusina matapos bitiwan ang aking bag sa sahig at bumagsak ng malakas. Sinundan nila ako ng tingin sa pagkabigla.

"Sinusumpa ko talaga ang araw na ito! Bwiset!" sigaw ko sa aking isipan sa matinding panggagalaiti sa nangyari sa buong araw at ang pwedeng mangyari sa mga susunod pa.

Iritado ngunit nagawa kong tulungan si ate Anne sa paglalagay ng pagkain sa mga malaking tupperware. Nagulat siya sa aking pagpunta roon at sa aking ginagawa na bihirang-bihira ko gawin.

"Bakit nakasambakol ang mukha mo, Jarred?" tanong niya matapos matigil sa paglalagay ng kanin nang ako'y dumating.

"Wala. Bakit pa kasi pumunta yang Mickey na yan dito." sagot ko habang padabog na inilalagay sa isang lalagyan ang mga naprito na niyang mga hotdog.

"Di ba best friends kayo dati? Bakit parang galit na galit ka sa kanya ngayon? Ang tagal na niya di pumupunta dito. Ang gwapo na niya ngayon lalo." sagot niya.

"Pakisamahan na lang ng plastic na tinidor at kutsara. Bibili na lang kami sa labas ng maiinom namin." sagot ko na lang upang umiwas sa topic. Tumigil na ako sa aking ginagawa at umupo na lang sa ibabaw ng counter at tahimik siyang pinanood sa kanyang ginagawa. Nang matapos, kasama ko siyang lumabas ng kusina papuntang sala dala ang aming pagkain. Inabutan namin silang kasamang nakaupo sa sala si Mickey at mukhang masarap ang kwentuhan tungkol sa showbiz. Napansin kong kalong ni Mickey ang aking bag.

Mabilis na tumayo si Kent sa kanyang upuan at kinuha mula sa akin ang aking bitbit. Salubong ang kilay ni Mickey nang makita ko siyang nakatingin sa likod ni Kent. Tumayo na ang iba naming kasama tanda na aalis na kami at lumabas ng pintuan .

"Aalis na rin ba kayo?" tanong ni Mickey kay Hamilton at nakangiting tumango ito sa kanya.

"Sa akin na sasabay si Jarred." ang sabi niya sa lahat.

"Hamilton ikaw na lang sumabay kay Mickey ako kasi magtuturo ng daan palabas dito puntang Tagaytay."

"Pare..." tapik ni Mickey sa likod ni Kent na palabas na sana. "Sunod na lang kayo sa amin ako na bahala sa daanan."

"Tama! Para maluwag na sa kotse ni Kent doon na lang din ako sa kotse ni idol!" ang masiglang sabat naman ni Hamilton.

"Sorry. Nasa rear seat yung mga damit ko hindi ka makakaupo doon." sagot naman ni Mickey sa kanya sabay akbay ni Mickey sa akin nang magkasabay na kami palabas ng pintuan. Wala akong nagawa.

Sa aming paglalakad palabas papunta sa kotse ni Mickey ay may tumawag sa aking pangalan. Isang binatang batak sa gym ang katawan na may morenong kutis ang nakita ng lahat na naglalakad papalapit sa akin.

itutuloy...

3 comments:

  1. Grabe talaga ang Chapter nito. Sobrang haba ng hair ng bida na si Jarred. Ang daming nagpaparamdam...hehe

    Ross Magno

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails