Followers

Thursday, September 20, 2012

Regrets Chapter 04 - Take Me, I'll Follow

cover by Justyn Shawn

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com




Natauhan na lang ako nang mabangga ako ng dalawang babaeng estudyanteng nagmamadaling lumabas ng unibersidad. Kilig na kilig ang dalawang nag-uusap habang nagmamadali sila sa kanilang paglalakad. Marahil ay may nagtext sa isa sa kanilang naroon sa University Mall ang kinababaliwan ng karamihan na aking iniiwasan. Nasa lobby na ako malapit sa labas ng classroom ng aming susunod na subject. Sarado pa ito't walang tao marahil sa loob.

Sumalampak na lang ako sa gilid habang nakasandal sa pader ng silid aralan. Tulalang nakikinig ng paulit-ulit sa musikang iyon. Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras habang paulit-ulit ang kirot ng aking damdamin sa mga sandaling iyon habang pikit na sinasariwa pa ang iba sa aking nakaraan.

"Jarred!" sabay ng isang malakas na tapik sa aking tagiliran. Nasa tabi ko na pala nakaupo si Hamilton. Nakatulog na pala ako. Gulat na gulat kong tinitigan si Hamilton. Abot tenga ang ngiti habang nakataas ang isa niyang kamay upang ipakita sa akin ang bitbit niyang supot ng tinake-out na pagkain kong di natapos kanina.

"Natutulog ka lang pala dito. Kung saan-saan pa kita hinanap kanina." ang may kalakasan na sinabi niya. Bakas sa kanya na excited pa rin siya na nakita niya ang kanyang iniidulo. Hindi ako sumagot at kinuha na lang ang iniaabot niya't ipinatong ito sa aking tabi. Sa mga sandaling iyon ay nagdaratingan na rin ang iba naming kamag-aral at naghihintay sa labas ng classroom tulad namin. Napatingin ako sa relo ko't napansin na limang minuto na lang pala at magsisimula na ang aming klase.

"Tol, bakit ka biglang umalis kanina?" ang tanong ni Hamilton.

"Wala lang. Inaantok ako." ang palusot ko.

"Hindi yun ang ibig kong sabihin eh. Bakit parang iniiwasan mo si idol?"

"Bahala ka kung ayaw mo maniwala." ang iritado kong sagot sa kanya sabay bangon upang ayusin ang aking sarili sa pagpasok sa silid. Sa mga sandaling iyon ay parating na ang aming professor na si Mrs. Miranda.

Maliit ang malusog katawan ng matandang guro namin laging nakasuot ng pencil cut na slacks at puting blouse. Pinapalamutian niya palagi ang kanyang maikling leeg ng mga kwintas na gawa sa malalaking swarovski stones na iisa ang kulay. Sa araw na iyon, kulay emerald green ang nakalambitin hanggang sa kanyang dibdib.Ang msa malalaki't bilugang hikaw niya'y tila karugtong ng kanyang suot na makapal na salamin. Kulot ang buhok niyang kulay abo na at ito'y laging gupit lalaki sa ikli.

"Ayan na si ma'am!" ang marka ng iba naming kaklase. Nagsipila ang iba malapit sa pintuan nang maabot ito ng aming guro.

Hirap na hirap si Mrs. Miranda sa paghahanap ng tamang susi para sa pinto nang maabot niya ang tarangkahan.

"Ang dami naman kasi." ang puna ko sa hawak niyang bugkos ng mga susi habang inip na inip na ring mabuksan niya ang pinto.

"Tol..." ang sabi ni Hamilton nang makatayo na rin siya't makalapit sa aking tabi matapos kumapit sa aking balikat. Nakatingin siya sa lalaki sa likod ni Mrs. Miranda tulad ng iba kong mga kamag-aral.

"Pwede ba, Milton?" ang sagot kong mariin habang awang-awa sa aming matandang guro sa kanyang ginagawa.

"Ayos! Classmates pala tayo! Tabi tayo ulit ha?" ang masiglang bati sa akin na kumuha sa aking pansin. Nanlumo ako nang makita kong katabi lang pala ni Mrs. Miranda si Mickey. Selective kasi masyado ang aking puna kaya't di ko nakitang kasama pala niyang dumating ang aming professor.

"Alphabetical ang arrangement..." singit ni Hamilton na abot tenga ang ngiti. Walang kaalam-alam si Hamilton umaasang makakatabi niya si Mickey sa upuan.

"Narazaki ka... Navarro ako... Marquez si Jarred... Una ka sa akin sa row idol!" dagdag niya nag-iisip tila nagbibilang pa sa mga daliri iniisa-isa ang mga apelyido ng aming mga classmates. Nangiti lang si Mickey sa kanya habang ako nama'y pikon na't sa malayo nakatingin.

"Marquez tunay na apelyido ko." sabay akbay ni Mickey sa akin na agad kong itinaboy. Nagulat lang siya sa aking ginawa't napatingin habang ako nama'y nagmamadaling pumasok na sa loob ng silid dahil sa mga sandaling iyon ay nabuksan na rin ng aming guro ang pintuan.

Nang marating ko ang akin upuan ay nagmamadali akong naglabas ng kwaderno't panulat. Pinilit kong nagpakaabala sa aking ginagawa habang paparating si Hamilton at Mickey.

"Ms. Melchor and the rest. Move one seat for Mr. Marquez." ang may autoridad na pagkakasabi ng aming guro habang nakatayo sa harapan at inilalapag ang kanyang tatlong aklat sa ibabaw ng kanyang mga gamit. Paupo pa lang sa mga sandaling iyon ang tinutukoy ni Mrs. Miranda na si Nina tulad ng iba.

Si Nina Melchor, isa sa ilan sa aking mga kaklase na kasama naming gumigimik. Mestisa, abot balikat ang kanyang buhok na may tinang kulay brown. Lagi siyang may manipis na make-up lagi sa kanyang mukha tulad ng karamihan dito sa unibersidad. Simple lang siya manamit kahit anak mayaman. Sa araw na ito, nakasuot lang siya ng puting shirt at hapit na maong.

"Pssst! Jarred! Mamaya ha? After class." ang bulong niya matapos akong kalabitin sa aking balikat. Tumango lang ako sa kanya at nagbalik sa aking ginagawa. Iritadong-iritado naman siyang lumipat ng upuan sa bandang likod na halang dahil ang upuan nami'y ang nasa pinaka dulo ng halang namin.

"Mr..." ang pahabol ng aming guro matapos ilabas ang listahan ng kanyang mga estudyante sa subject na ito. "... Marquez, please come over here."

"Ma'am?" malakas at sabay na tugon namin ni Mickey sa aming guro. Ganoon din na sabay kaming napatingin sa kanya. Napatawa ng mahinhin ang aming propesora sa kanyang nagawa.

"Oh dear, my bad. I meant Mickey. Not you Jarred. Dalawa na pala kayong Marquez sa klase ko ngayon." paumanhin niya sabay kaway kay Mickey upang pumunta ito sa harapan. Malugod naman siyang sumunod. Sa mga sandaling iyon.

"Whoo!!! Idol!!!"Naupo na si Hamilton sa aking tabi. Halata sa kanya na kumpletong kumpleto na ang araw niya. Napapapalakpak pa na parang tumatawag lang ng kalapati. Nakikihiyaw tulad ng iba naming mga kamag-aral. Pakaway-kaway naman si Mickey sa lahat na parang nahihiya.

"Ano ba 'to classroom o studio?" ang iritado kong bulong sa aking sarili habang nakasubsob ang aking mukha sa aking kwaderno't gumuguhit ng kahit anong magawa ng aking mga kamay. Iba ang laman ng aking isip sa mga sandaling iyon sa aking ginagawa.

"Mr. Marquez, please introduce yourself to them before we start our religious education subject." ang hiling ng aming guro. May nagsitiliang mga babae sa loob ng aming klase nang mapangiti si Mickey.

"Siya?? Papakilala?? Sikat na artista papakilala pa??" gigil na sigaw ko sa aking isipan habang napapadiin na ang hawak ko sa panulat ko't halos mabutas na ng dulo nito ang layer ng papel na aking sinusulatan. Walang nakakapansin sa akin dahil abala ang lahat kay Mickey.

"Hi! ang pauna ni Mickey. Napalingon siya sa aming guro nag-aalangan kung papaano niya ipapakilala ang kanyang sarili.

"Ma'am, real name po ba?" ang paalam niya.

"Ikaw ang bahala jiho."

Umubo ng mahina si Mickey upang linisin ang kanyang lalamunan.

"Ako nga pala si... umm.. Makoh Mendoza. Kilala niyo ako bilang si Mickey Narazaki. Late enrollee lang gawa ng schedule ko. Nga pala, si Jarred..." ang simula niya sabay turo saglit sa akin nang banggitin niya ang aking pangalan. Nagsilingunan ang buong klase sa akin saglit.

"... ang nakaisip ng screen name ko. Mickey kasi ang tawag niya sa akin noong bata pa kami..." at natawa siyang saglit.

"... Nakasanayan na rin siguro kaya ayun. Narazaki naman middle name ko. Tipikal daw kasi kung gagamitin ko ang Mendoza sabi nung talent scout na nakakuha sa akin." ang dagdag pa niya.

At dahil sa kanya naubos ang halos trenta minutos ng aming tatlong oras na klase sa pagpapakilala pa lang niya sa kanyang sarili. Ang dami ng mga tanong sa kanya tungkol sa love team niya ngayon at kung anu-ano pa.

Matapos ang may katagalang "press conference" na nagaganap sa loob ng aming klase'y isa-isang humiling ang aming mga kamag-aral ng isang awitin mula sa kanya ngunit...

"Ma'am okay lang po ba?" ang paalam ni Mickey. Tumango lang ito sa kanya habang nakangiti at tumingin sa relo.

"Fallin'!... Marry Your Daughter! Ay Fallin' na lang!!!" ang hiyaw ng isa naming classmate na babae. Ganun din ang ilan sa kanila na nagsabi ng gusto nilang kantahin ni Mickey.

"Sige, kakanta ako pero tahimik muna kayo. Kasi yung kakantahin ko ngayon ay isang significant na kanta sa buhay ko." ang pauna niya na parang nasa entablado lang siya na kinakausap ang kanyang mga fans.

"OO nga pala, fans nga pala niya ang mga nandito lalung-lalo na ang katabi ko." sabi ko sa aking sarili. Tungkol naman sa sinabi ni Mickey na kakantahin niya'y tila kinutuban ko na kung ano.

Tired of feeling all by myself... 
Being so different from everyone else... 
Somehow you knew i needed your help. 
Be my friend forever...

Ang kanta ni Mickey. napakalamig ng kanyang tinig. Kay tagal ko ring di narinig ang kanyang pag-awit. Dahil sa iPod lagi ang nakasaksak at malakas ang tugtog sa tenga ko tuwing bumibiyahe ako'y hindi ko naririnig ang kahit anong tugtog na nasa radyo na aking nasasakyan. Tuwing nasa bahay naman ako'y puro cable chanels lang ang pinapanood ko kaya't kahit minsa'y di ko siya nasilayan man lang maliban sa mga posters at billboards na nagkalat.

Unti-unting nagbalik sa akin ang lahat. Ang sakit at matinding lungkot ng nakaraan habang pinakikinggan si Mickey sa awiting iyon. Hindi ko na natiis. Unti-unti nanamang namuo ang mga luha sa aking mga mata.

Agad kong pinilas ang aking sinusulatan kanina uapng sumulat ng panibago...

Mrs. Miranda,

Sorry I have to leave the soonest as my stomach isn't feeling well. I may be suffering from LBM. Will give you the clinic slip on our next class. Hope you understand I wasn't able to tell you personally as I really have to go.

Jarred Marquez


Ayos na palusot na pumasok sa aking isipan sa mga sandaling iyon makaalis lang agad. Hindi ko alam kung ano ang magiging resulta nitong aking gagawin pero bahala na.

Pinilas ko ang papel na aking sinulatan mula sa kwaderno ng mabilis. Tumunog ito ng malakas upang saglit na mapatigil si Mickey at mapatingin sa akin. Pagkatupi ko'y kinalabit ko si Hamilton at inabot sa kanya ang papel.

"Milton, samahan mo ko. Pakibigay mo muna kay ma'am yan." ang pakiusap ko habang kunwari'y iniinda ang pananakit ng sikmura habang nakahawak pa sa aking tiyan. Binasa muna ni Milton ang laman nito ngunit bago pa niya ito matapos ay sinipa ko ang kanyang hita.

"Bilisan mo na! Hindi ko na mapigilan!" at tinignan lang niya ako. Kita sa kanyang mukha ang hindi pagkapaniwala.

"Kung ayaw mo ako samahan ibigay mo na lang kay ma'am yan. Aalis na ako." at hinayaan kong tumulo ang luha mula sa aking mga pisngi habang nakatitig sa kanya. Biglang naawa si mokong kaya't agad siyang tumayo at naglakad patungo kay Mrs. Miranda at inabot ang aking sulat. Yumuko ako sa aking desk at ipinatong ang aking noo sa aking mga braso. Nang matapos basahin ni Mrs. Miranda ang aking sulat ay saglit niya akong tinignan. Sa kabilang banda, si Mickey ay patuloy lang na umaawit ng nakapikit.

I never found my star in the night...
Building my dream was far from my sight...
You came along and i saw the light...
We'll be friends forever...


"I won't be having class na rin naman today. Please assist him sa clinic but you must come back here. I'll give you guys an assignment." ang mahinang sinabi ni Mrs. Miranda kay Hamilton. Maingat na bumalik si Hamilton sa kanyang upuan. Kinalabit niya ako habang sinusuot ang kanyang bag. Agad ko siyang tiningala habang umaarte pa rin na kunwari'y namimilipit sa sakit.

"Tara na. Hindi kita matiis eh." ang dismayadong sinabi ni Hamilton. Ibinalik ko ang aking gamit sa bag at agad na tumayo. Nanatili akong nakahawak sa aking tiyan at pilit na pinatili ang aking pag-arte habang palabas kami ng classroom ni Hamilton. Siya na rin ang nagbitbit ng aking bag at supot ng take-out na pagkain. Napatingin sa aming dalawa si Mickey at nagpatuloy lang sa pag-awit habang kami'y pinanonood sa paglabas ng pintuan.

Hindi pa rin ako handang harapin si Mickey. Hindi ko na rin napigilan ang pagtulo pa ng aking mga luha. Nang makalabas ako ng pintua'y natigil akong saglit sa paglalakad at napabuntong hininga.

"Tol... yung bag mo oh." ang sabi ni Hamilton matapos niyang isara ang pintuan sa kanyang likuran. Hindi ako kumibo sa halip ay agad akong tumakbo sa pinakamalapit na palikuran habang nakayuko at pinupunasan ang aking mga luha.

"Hintay!" ang nasabi na lang ni Hamilton at sumunod sa akin sa pagtakbo.

Malakas ang pagkakabukas ko sa pintuan ng palikuran kaya't humampas ito ng malakas sa pader na kalikod nito. Nagulantang ang ilang estudyanteng naroon ngunit hindi ako humingi ng paumanhin. Dali-dali akong naghanap ng bakanteng cubicle at doon nagkulong.

Sa loob, agad kong isinara ang takip ng kubeta't doon naupo, nakapakip ang aking mga kamay sa aking basa sa luhang mukha at nagpatuloy ng pag-iyak. Pilit kong iniyak ang aking nararamdamang matinding kaulungkutan na hinaluan ng galit at pagsisisi habang nilalabanan na makagawa ng ingay. Umaalingawngaw sa akin ang inawit ni Mickey.


Ang Nakaraan: Take Me I'll Follow


Dose anyos na kami pareho ni Mickey. Naiiwan na niya ako sa paglaki. Di hamak siyang mas matangkad sa akin ngayon at nagkaroon na ng magandang hubog ang kanyang katawan ngunit pareho pa rin kaming totoy tignan sa aming mga kilos at pananamit. Lagi kaming di mapaghiwalay, nakasunod lagi ang isa kung saan man pupunta ang isa sa amin. Ako na rin kasi ang parang naging translator ng parang napipi na si Mickey mula nang mamatay ang ama niya. Kung ano ang ibig sabihin niya'y nakukuha ko at ako na ang nagsasalita para sa kanya kung hindi niya ito isusulat sa papel tuwing kakausap siya ng iba.

Iyon ang isa sa naging dahilan ng pagiging malapit namin ni Mickey. Pareho naming nauunawaan ang nais ng bawat isa. Pareho rin naming napupunan ang kawalan o kahinaan ng isa. Athletic si Mickey samantalang ako'y sa academics naman.

Para kaming magkapatid ni Mickey mula noong magkakilala kami. Minsan sa amin siya natutulog kung hindi man kami natutulog sa kanila. Laging nasa bahay namin si Mickey kasi laging nasa opisina ang kanyang ina tulad ko pero may katulong kasi kami kaya may nagbabantay sa amin sa bahay.

Nalalapit na ang bakasyon at rehersals na lang ng graduation ang kinaaabalahan namin. Nasa bahay kami ni Mickey sa araw na iyon, sa sala nanonood ng telebisyon habang nakaupo sa carnation pink na sofa namin katabi si mama. Nakashorts na maikli ang aking malusog na ina habang nakataas ang kanyang mga binti sa upuan. Ako nama'y nakasandal habang akbay ni Mickey sa isang banda ng sofa at si Mickey nama'y nakapatong ang paa sa arm rest ng upuan.

"Mama pahingi ng pera rerenta lang kami ng bala ng Betamax. Manonood kami ni Mickey." ang paalam ko sa kanya habang nakaabot ang aking palad at abot tenga ang ngiti.

"Ano papanoorin niyo?" ang tanong ni mama bago niya isinuksok ang kanyang kamay sa isang bulsa ng kanyang maong na shorts. Napatingin ako kay Mickey upang tanungin ang gusto niya. Taas lang ang dalawang kilay niya sa akin na nagsasabing ako na ang bahala.

"Wala namang bago ngayon. May dalang mga tapes ang papa mo ah. Napanood niyo na ba lahat iyon?" ang tanong niya sa akin matapos niyang hugutin ang kanyang mga daliring nakasuksok na sa kanyang bulsa. Umiling ako kay mama at muling tinignan si Mickey.

Tumayo siya't nagtungo sa telebisyon. Naupo siya roon at sa itim na patungan ng telebisyon ay inisa-isa niya ang mga nakatabi na bala ng Betamax na naroon. Sinundan ko siya't naupo rin sa kanyang tabi upang tignan kung alin ang kanyang pipiliin.

"Mac and Me?" ang tanong ko nang hugutin niya ito sa mga magkakatabing bala. Nakangiti si Mickey at mabilis na tumango sa akin. Sa mga sandaling iyon, tumayo na si mama at umalis sa upuan upang hanapin ang aming katulong upang magpatulong sa pagluto ng hapunan.

"Doon na lang kayo sa kwarto mo manood, Jarred. Malapit na ang balita." ang sabi ni mama habang papunta siya ng kusina.

Ngumisi si Mickey at biglang tumakbo paakyat sa silid. Agad akong sumunod sa kanya at nagdagundungan ang mga baitang ng aming hagdan sa aming kakulitan.

Malakas ang pagkakabukas niya ng pintuan ng aking maliit na silid. Sa lakas ng hampas nito sa pader ay nakalikha ito ng malakas na lagabog.

"Anak! Huwag kayo masyado malikot at baka makabasag kayo!" ang malakas na sigaw ni mama mula sa ibaba. Natawa kami ni Mickey sa sinabi niya bago namin isinara ang pinto.

Agad kong kinuha ang remote ng telebisyon at binuksan ang player upang masimulan na ang aming panonood. Para kaming naghabulan ni Mickey paakyat sa kama nang lamunin ng player ang balang papanoorin namin. Nagtawanan kami ng malakas nang magkauntugan pa kami nang makabalik sa upuan.

Maya-maya pa, nang magsimula na ang palabas, sa hindi ko rin maintindihang dahilan ay pareho kaming pawa ng tawa ni Mickey matapos ang isang nakakatawang eksena. Para kaming timang pero wala lang iyon dahil sa parehong bata pa rin naman kami.

Sa kasarapan ng aming panonood, hindi ko namalayan ang aking laging ginagawa. Isinubo ko nanaman ang aking daliri at kinagat-kagat ang aking kuko. Napansin iyon ni Mickey at saglit niya akong pinagmasdan. Tinapik niya ang kamay ko upang itigil ko ang aking ginagawa. Umiling siya nang mapatingin ako sa kanya.

Maya-maya habang nanonood nang sumilip ang alien sa likod ng sasakyan sa aming pinanonood ay humahagikgik si Mickey at tinuro ang alien. Napatingin ako sa kanya at tinuro naman ako ng isa pa niyang kamay.

"Kamukha ko?" tanong ko at agad naman siyang tumango at napahalakhak. Agad akong sumimangot sa kanya at umusog sa kabilang dulo ng kama.

Malaki kasi ang mata ng mga alien at hindi ako singkitin tulad niya. Hindi ko na siya kinausap pa at nanonood na lang ng palabas. Makalipas pa ang ilang saglit at nginunguya kong muli ang aking daliri at hanggang tingin na lang si Mickey sa akin maya't-maya.

Ganun ako magtampo sa kanya. Madalas din kaming nag-aasaran ngunit ako naman ang laging pikon bandang huli.

Nang makarating sa eksena kung saan umakyat sa puno yung alien matapos siyang habulin ng mga aso'y tumugtog ang theme song ng pelikula. Lumapit sa aking tabi si Mickey at binunggu-bunggo ako ng kanyang baywang ng paulit-ulit.

"Iiihh!!" sa inis ko't tumayo sa gilid ng kama na padabog. Agad niyang hinawakan ang aking kamay at tinapik ito ng dalawang beses. Iyon ang paraan niya ng paghingi ng tawad sa akin. Nagmumukmok akong bumalik sa kanyang tabi at ipinagpatuloy ang aming panonood habang nakaakbay sa akin.

Sa paglipas ng palabas, pareho na kaming nakahilata sa kama habang nakasandal ang aming mga likod sa pader na kadikit ng kama. Sa kasarapan ng aking pwesto'y mahimbing akong nakatulog sa tabi niya.

Tired of feeling all by myself...
Being so different from everyone else...
Somehow you knew i needed your help...
Be my friend forever...


Isang awitin ng isang napakaganda't malamig na boses ng isang binata ang aking naririnig at gumising sa akin habang nanatiling nakapikit ang aking mga mata. Akala ko noong una'y galing lang ito sa pinanunood namin ngunit napagtanto kong nasa tabi ko lamang ang kumakanta.

Madilim na sa silid ko sa mga sandaling iyon dahil hindi namin nabuksan ang ilaw nang pumasok kami kanina. Patay na rin ang telebisyon marahil gawa ni Mickey.

"Mickey?" ang garalgal kong tanong sa kanya gawa nang ako'y bagong gising. Hindi siya sumagot.

Nakayakap sa akin si Mickey na parang ako'y unan lang. Dama ko ang init ng kanyang katawan tulad ng init ng kanyang hiningang bumubuga sa aking bunbunan.

itutuloy...

7 comments:

  1. ang ganda nang story the best... thumps up ako sana lang hindi matagal ang update

    ReplyDelete
    Replies
    1. pasensiya na hindi na kasi tulad ng dati na nakakagawa ako araw-araw but I'll do my best to finish a chapter in a day while doing other stuff. like all the writers here, we are pushed by your comments to do more and do better. ^_^

      Delete
  2. haixt. I w0nder parin kung bakit iritado si jarred kay mickey..bat kaya.
    Anyways ang ganda ng flow ng st0ry xcitd s next chap.

    ReplyDelete
  3. Sana araw araw may update!! Galing mo kuya jeff!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yun nga eh dati kaya ko ang daily heheheh busy lang pero i'll try talaga makatapos ng chapter everyday

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails