Followers

Sunday, September 16, 2012

Regrets Chapter 03 - Ang Unang Pagtatagpo

cover by Justyn Shawn

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com




"Jarred... Bakit ka kinakatok ni idol sa bintana?" ang nagugulumihanang sinabi ni Hamilton sa akin.

"Shit! Bakit dito pa at ngayon pa?! Gutom na gutom na ako! Ano ginagawa niya dito?!" sigaw ng aking kaluluwa sa matinding inis at kahihiyan.

"A-e... Ha?... Ano ulit yung sinabi mo?" ang pagkukunwari ko sa kanya sabay tawa ng pilit. Tumuro lang siya sa bintana habang natutulala.

"Jarred!" ang mahinang panawagan ni Mickey sa likod ng salamin. Napilitan akong lingunin si Mickey at inilabas lahat ng aking kaplastikan sa aking katawan.

Pilit akong ngumiti at kumaway saglit sa lalaki sa labas at tumalikod muli.

"Jarred... Magkakilala kayo ni idol?" at napilitan na rin akong tumango sa tanong niya bago itakip sa aking mukha ang aking mga palad at yumuko.

Sa mga sandaling iyon ay naglakad na papasok ng University Mall si Mickey papunta sa loob ng restaruant kung saan kami narron ni Hamilton. Sinundan siya ni Hamilton ng tingin habang natatarantang kinukuha ang kanyang notebook at papel sa loob ng bag.

"Loko ka Jarred! Magkakilala kayo ni idol hindi mo sinasabi sa akin?" ang tampo niya.

"Milton naman... Please?" ang nasabi ko na lang at muling nagtakip ng mga palad sa mukha.

"Tignan mo nga lamang ng iPod ko..." sabay kuha niya nito mula sa kanyang bag para ipakita sa akin na halos lahat ng laman nito'y mga awitin ni Mickey matapos ay agad ding ibinalik ito.

"... Lahat ng concerts niya pinanood ko! Picture sa wallet ko picture nila ng love team niya!" ang pahabol niyang tampo at bago ko pa napansin ay bigla na lang siyang natahimik.

"Jarred. Dito ka pala nag-aaral?" ang tinig na pamilyar na sinundan ni Hamilton agad. Nakatayo na si Mickey sa aking harapan.

"Idol! Tropa ko yang si Jarred! Autograph naman diyan!" ang natatarantang banat ni Hamilton sabay abot nito ng kanyang notebook at ballpen dito. Malugod namang pinansin ni Mickey ang hiling niya't saglit na nagsulat sa inabot ni Hamilton. Di ko pa rin gustong alisin ang takip sa aking mukha sa mga sandaling iyon.

"Nagugutom na ako. Sasabay na ako sa inyo ha?" ang paalam ni Mickey kay Hamilton sabay tingin sa akin. Nanlaki ang mga mata ni Hamilton sa tuwa't abot tenga ang kanyang mga ngiti sa narinig. May tatlong estudyante na rin ang lumapit kay Mickey upang humingi ng autograph at nagpakuha ng litrato sa kanilang mga cellphone. Pakunwaring tinignan ko ang aking relo't nagmamadaling kinuha ang aking gamit habang abala ang lahat.

"Tol san ka punta?" ang tanong ni Hamilton sa akin nang ako'y mapansin niya. Napatingin sa akin si Mickey.

"Mauuna na ako sa inyo ha? May gagawin pa ako. Malapit na yung next subject ko eh." ang paalam kong tatanga-tanga habang pilit na nginitian ang dalawa. Nagmamadali akong naglakad palabas at narinig ko na lang si Hamilton na sinasabi na "Tol dalawang oras pa bago ang next class! Huwag ka muna umalis!"

Sa aking pagdaan sa labas ng bintana kung saan kami naroon kanina'y nilingon kong muli si Mickey habang si Hamilton ay abala tulad ng ibang tuwang-tuwa sa celebrity na kasama nila. Nadismaya si Mickey. Hindi ko alam kung bakit pero lubos ko itong ipinagtaka.

Habang naglalakad papunta muli sa gate ng unibersidad, bumagal ang mga hakbang ko nang mapuna ko ang bilis ng tibok ng aking dibdib sa mga sandaling iyon. Naiinis ako't nahihiya. Akala ko'y nalampasan ko na ang lahat matapos ang ilang taon.

Binunot ko ang aking music player mula sa bulsa habang ang isang kamay ko'y nagkakabit ng earphones sa aking magkabilang tenga. Habang maliliit ang aking mga hakbang ay hinagilap ko ang isang tugtuging inilagay ko rito na kay tagal ko na ring hindi napapakinggan. Isang paboritong kanta noong ako'y bata pa na punong-puno ng dahilan. Tinitigan ko ng saglit ang title ng kanta. Nagdadalawang isip kung pakikinggan ko ba hanggang sa pinatugtog ko na lang ito di handa sa maaaring dalin nito sa akin.

Natigil ako sa paglalakad habang unti-unting namuo ang luha sa aking mga mata habang pinakikinggan ang intro pa lang ng musika. Natuko na lang ako't nagpatuloy sa paglalakad. Unti-unting nagbalik sa akin ang nakaraan.


Ang Nakaraan - Ang Unang Pagtatagpo


Katatapos lang ng isang matinding ulan sa amin. Sabado noon kaya't wala akong pasok sa school. Maaga nang magising ako't wala ang mga tao sa bahay.

Nakaupo ako sahig sa ng aming sala at abalang naglalaro ng Super Mario Brothers sa Family Computer. Kahit nakukuba na ako't namumula na rin ang aking mga matang bilad na sa apat na oras na paglalaro'y di ko pinapansin ang pangangati ng mga ito. Kahit ngawi't na'y iniiba ko lang ang aking pusisyon upang makapaglaro pa rin.

Nang marinig ko ang malakas na langitngit ng aming kinalawang na gate sa labas mula sa bintana ay para akong binuhusan ng malamig na tubig. Mabilis na tumibok ang aking dibdib sa matinding takot at nanlamig ang aking mga palad.

Nagmamadali kong pinatay ang computer at telebisyon. Nakasaksak pa ang bala nito at barubal kong iniligpit ang mga ito sa karton at pilit na isinaksak sa ilalim ng patungan ng telebisyon kung saan ito laging nakatabi. Pilit kong inayos ito para magmukhang hindi ko ito ginalaw ngunit huli na ang lahat at ang tanging gusto kong gawin ngayon ay ang magtago sa aking silid.

Para akong lulundag sa pagtayo ko't pangangaripas ng takbo paakyat ngunit naabutan ako ng aking ama nang buksan niya ang pintuan ng bahay. Bago ko pa maabot ang hagdanan ay mabilis na inabot ako ng isang kilong karne na nasa supot na kanyang pinamili. Tumama ito sa likuran ng aking balikat at sa lakas ay nadapa ng patagilid sa sahig ng malakas. Buti na lamang ay nasalo ng aking braso ang aking ulong untik na umuntog sa sahig.

"Akala mo mauutakan mo akong bata ka ha! Ang aga-aga computer na agad!" ang malakas na sinabi ng aking ama. Inayos ko ang aking sarili upang makaupo paharap sa kanya. Takot na takot kong pinagmasdan siya. Matangkad, katamtaman ang kayumangging katawan. Nakasuot siya ng maong na shorts at sandong puti. Ang kanyang mukha'y aking minana, masungit ang itsura ngunit sa mga sandaling iyon ay nakakatakot talaga siya dahil sa talim ng titig niya't alam kong gagawin niya sa akin.

Mabilis niyang inalis ang kanyang brown na sinturong gawa sa balat at agad niya itong pinadapo ng paulit-ulit sa akin. Walang ingat itong nilatay ang halos lahat ng aking musmos na katawan. Hagulgol na malalakas lamang ang aking pinakawalan sabay ng nanginginig na hinaing at pagmamakaawang tigilan na niya ang pananakit sa akin.

"Papa! Tama na po! Ayoko na! Hindi na po ako uulit!" ang pagsusumamo ko habang pilit na ipinansasalag ang aking mga palad at braso sa paparating na paglapat ng kanyang sinturon sa aking kanina'y maputi na ngayo'y namumula nang balat sa latay.

Kumulot akong humiga habang paulit-ulit pa rin niya akong nilalatay ng kanyang sinturong puno ng puot na hindi ko maintindihan ang tunay na pinag-uugatan.

Araw-araw na libangan iyan ni itay, kaunting pagkakamali'y may latay na katapat tuwing nasa bahay siya. Kadalasan, walang dahilan bigla niya na lang akong patatamaan. Walang ginagawa ang nanay ko kapag nariyan siya't nilalatay ako. Parang di na rin bago sa kanya na makita niya akong may mga pasa tuwing uuwi mula sa opisina.

Isang oras ang lumipas at napagod din ang aking ama. Hingal man siyang tumayo ng tuwid ngunit sa buntong hininga niya'y tila nakaramdam siya ng ginhawa. Nagmamadali akong bumangon at tumakbo paakyat sa aking silid habang pinupulot niya ang ibinato niya sa aking supot ng karne na pinamili niya. Hagulgol pa rin ako ng hagulgol sa tindi ng sakit ng aking katawan habang tinatahak ng dahan-dahan ang hagdan at tinitignan ng masama ang aking tatay.

"Ano?! Gusto mo pa?! Putang ina kang bata ka!" ang malakas na mura niya habang nakataas ang siturong hawak pa rin niya. Gigil na gigil siyang napakagat sa kanyang labi na tinatakpan ng kanyang makapal na bigote habang ang mga mata niya'y nanlilisik pa rin. Gusto kong gumanti ngunit hindi ko gagawin iyon at di ko magagawa iyon dahil sa mahal ko pa rin siya. Hindi ko lang maintindihan ang dahilan ng matinding galit niya sa akin.

Nang makarating ako sa aking silid ay nagtago ako sa ilalim ng aking kama na tulad ng lagi kong ginagawa tuwing ako'y pinagmamalupitan niya. Punung-puno ng alikabok ito tulad ng mga karton ng sapatos ng aking mga magulang na doon itinabi ng aking ina. Nagsidikitan na ang alikabok sa aking katawang basa ng malamig na pawis habang isinisiksik ko pa ang aking katawan sa pinakadulo nito na nakadikit sa pader mismo ng kuwarto.

"Hindi ako mahal ng tatay ko. Walang nagmamahal sa akin." ang paulit-ulit na sinasabi ko sa aking sarili habang patuloy ang aking pag-iyak. Hindi ko nauunawaan ang lahat ngunit dahil sa pangmamaltrato sa akin ng ama'y alam kong hindi ako tulad ng ibang mga bata. Dahil diyan, hindi ako nagkaroon ng kaibigan at hindi ako palalabas ng aming bahay. Nahihiya akong insultuhin ng ibang mga bata sa aking mga pasa. Nagkaroon ako ng inferiority complex.

Sabay ng aking pagtangis ang biglang pagbuhos ng malakas na ulan sa labas ng bahay. Unti-unting lumamig ang hangin sa loob ng silid sa pagpasok ng hangin sa bintana. Nakatulog ako sa lagay na iyon sa matinding pagod ng kaiiyak.



Tanghaling tapat nang araw ding iyon. Makulimlim pa rin ang kalangitan. Kay gandang pagmasdan ang mga puno at halamang malalago sa gilid ng kasladang aming tinatahak. May binili lang kami ng aming kasambahay sa isang maliit na grocery sa loob ng baranggay namin at pauwi na kami.

Pinadadausdos ko ang aking mga paa sa naipong tubig habang binabaybay ang gilid ng kalsada papunta sa amin. Tuwang-tuwa akong pinanonood ang aking tsinelas na puti na may strap na kulay asul habang ginagawa ko ito. Tila bangkang umuusad ito sa bawat hakbang na ginagawa ko. Kahit tumalansik man ito sa maikling kulay asul kong shorts na gamit ko noong nakaraang school year ay balewala lamang sa akin. Lubos ko pa iyong ikinatuwa.

"Jarred madumi yan tigilan mo nga! Ikaw bata ka talaga!"ang suway sa akin ng aming katulong na si ate Anne habang mahigpit ang kanyang hawak sa aking kaliwang braso at ako'y hinihila palayo sa aking nilalakaran. Halos mabitiwan na niya ang ilang bote na nasa supot na aming pinamili sa kanyang kaliwang kamay kahihila sa akin palayo sa gutter.

"Ayoko nga! Naglalaro ako eh!" ang mariin kong pagsuway habang patuloy pa rin sa aking ginagawa habang pilit na nilalabanan ang aking yaya. Medyo masakit lang ang braso ko sa mga sandaling iyon dahil isa iyon sa mga bahagi ng katawan kong may pasang halos kulay purple na sa mga namuong dugo.

Walang nagawa si ate Anne sa akin. Patuloy lang ako sa aking ginagawa hanggang sa pareho naming napansin ang isang malungkot na tunog na nagmumula sa paparating na itim at makintab na karo ng patay sa di kalayuan. Sa likod nito ay tanaw mo na ang mga kasunod nitong nakapayong na kamag-anak ng namayapa na na naglalakad. May mga floral habang ang iba nama'y may matingkad na kulay lang tulad ng dilaw at purple.

Natigil kaming dalawa't pinanonood ang buong haba ng parada. Patuloy pa rin naman ako sa pagkawkaw ng tubig sa aking kinatatayuan gamit ang aking mga paa. Maya't-maya'y pinagmamasdan ko ang ginagawa ko't napapangiti bago ko ibalik ang aking pagmamasid sa mga dumaraan.

Nakabihis ang ilan sa mga naglalakad na sumusunod sa karo samantalang ang iba naman ay nakapambahay lamang.

Maya-maya pa'y biglang hinila ako ni ate Anne nang nilapitan niya ang isang dalagang sing edad marahil ng aking ina. Napatigil saglit ang nilapitan niya't lumakad ng kaunti palayo sa pila upang hindi makaabala sa ibang naglalakad.

Isang magandang babae na namamaga ang mga singkit na mata sa pagtangis ang pilit na nginitian si ate Anne. Balingkinitan lamang ang katawan niya't mestisa rin tulad ng aking ina. Naka-puting blouse siya at itim na paldang pencil cut. Tanging pares lang ng tsinelas lamang ang kanyang sapin sa paa.

Maliit lang ang baranggay namin na nahati sa limang village lamang na parang sardinas na magkakadikit. Dahil diyan, halos lahat magkakakilala.

"Ma'am Nalani, condolence po!" ang sabi ni ate Anne sa kanya at sinalubong siya nito ng isang mahigpit na yakap na sinabayan ng hagulgol.

"Mary Anne wala na siya! Wala na siya! Hindi ko alam ngayon kung paano na kami ni Makoh!" ang nanginginig at may kalakasang pagkasabi ni Nalani ng kanyang matinding hinagpis.

Para akong tangang pinagmamasdan ang dalawa nang mapansin ko ang isang batang lalaki sa gilid ni Nalani na nakabalot ang kanang braso sa bandang baywang niya. Iyak siya ng iyak habang paulit-ulit na pinupunasan ng kanyang braso ang kanyang mga mata. Singkit, mestiso, at balingkinitan ang katawan. Nakasuot siya ng isang maluwang na itim na shirt at maong na tinernuhan niya ng isang pares ng itim na rubber shoes.

Nagsimula na akong makaramdam ng matinding lungkot habang pinapanood lang siya. Bigla kong naisip ang aking mama. Nagsimula na mangilid ang aking mga luha sa mga sandaling iyon na agad kong pinunasan ng aking puting sandong may maliliit na butas.

"Diyan lang ang libing niya. Sasabay na ba kayo?" ang tanong ni Nalani kay Anne pilit tinatahan ang sarili.

"Uwi mo na lang yang mga pinamili mo Anne sasama na kami ni Jarred sa libing." ang pautos na tono ng aking ina patukoy kay ate Anne at sa akin. Nasa pila na pala si mama at simpleng t-shirt at palda lang ang suot niya. Hinaplos lang ni mama ang likuran ni Nalani nang maabot niya ito't pagkatapos ay pinisil-pisil ang balikat upang ipadama ang kanyang pakikiramay.

"Pasensiya na, nagluto pa ako ng tanghalian namin para makakain na rin ang mister ko." ang paumanhin niya sabay kuha ng kamay kong inabot ni ate Anne sa kanya.

"Salamat. Tara na." ang sagot ni Nalani kay mama at nagpatuloy na kami sa paglalakad kasabay ng ibang nakikipaglibing. Si ate Anne nama'y humayo na pauwi sa amin.

Magkasabay na naglakad ang mga ina namin. Nasa kaliwa ako ni mama at ang anak naman ni Nalani'y nasa kanan niya. Parehong hawak ang mga kamay namin habang ang isa naman nilang kamay ay taas ang kanilang mga payong.

"Nakakalungkot naman ang sinapit ng asawa mo." ang pambasag ni mama sa katahimikang namagitan sa kanila sa pag-iisip ni Nalani ng malalim ukol sa pagkamatay ng kanyang asawa.

"Hindi ko rin alam. Napakabait na tao Marco..." ang nasagot niyang nanginginig na napigil tila nasamid sabay ng muling pagtulo ng kanyang mga luha. Saglit na binitiwan niya ang kanyang anak upang punasan ang mga ito at matapos ay hinawakang muli ang kamay ng anak.

"Wala akong alam na may galit sa kanya para paslangin siya ng ganoon." ang biglang hina niyang sinabi na puno ng poot. Napatingin si mama sa anak niya't napailing.

"Panganay mo?" ang pangingibang usapan ni mama. Tumango lang si Nalani sa kanya at saglit na nanahimik habang tinititigan ang kanyang anak.

"Hi! Anong pangalan mo?" ang malambing na bati ni mama sa kanya. Tinitigan lang siya ng bata ng kanyang malungkot at magang singkit na mga mata. Nakakaawa. Hindi ko nanaman naiwasang maluha sa itsura niya. Madali akong malungkot kapag nakakakita ako ng umiiyak o ganoon ang itsura ng mukha dahil sa isang mabigat na dahilan.

"Ilang taon ka na?" ang dagdag pa ni mama sa kanya ngunit malungkot na titig pa rin ang nakuha ni mama.

"Seven years old na si Makoh. Hindi na siya nakapagsasalita nung makita siya ng mga pulis sa ilalim ng kama sa kwarto namin ni Marco kung saan siya pinatay. Sabi nila, dala daw ng shock." ang sagot ni Nalani kay mama habang pinagmamasdan ang kawawang anak.

Hindi ko man lubos na nauunawaan ang lahat. Ang alam ko lang, gusto kong kunin ang hirap na dinadala ngayon ni Makoh. Bumitiw ako kay mama't nilapitan ang batang kasing edad ko lamang at hinawakan ang isa niyang kamay.

"Mickey, laro tayo mamaya ha? Dun tayo sa amin may family computer ako!" ang yaya ko sa kanyang masigla. Mabilis siyang tumango nang pareho kaming tumigil saglit sa paglalakad. Niyakap ko siya ng mahigpit at nakita nila mama na siya'y napangiti.

"Tignan mo nga naman ang mga bata. Ang bait naman ng anak mo, Sabina. Mickey pa ang tawag kay Makoh." ang nasabi ng natatawang si Nalani. Nangiti din si mama sa kanyang narinig. Ako naman, mahilig talaga ako magbigay ng pangalan. Hindi ko rin maunawaan kung bakit ginagawa ko iyon pero Mickey ang tawag ko sa kanya gawa ng korte ng pagkahati ng kanyang buhok sa gitna na tulad ng kay Mickey Mouse na patulis sa gitna ng noo.

Nagpatuloy kami sa paglalakad nang bumitiw na ako kay Makoh at bumalik sa tabi ng aking ina.

"Wala kasing kapatid yang si Jarred. Wala ring kaibigan kasi hindi pala labas ng bahay tapos sa school parang wala namang ikinukuwento sa akin. Puro Family Computer ang alam gawin ng batang iyan!" ang sagot ni mama na unti-unting lumalabas ang tono ng pagkaperwisyo. Saglit na muling natawa si Nalani sa naibahagi ni mama sa kanya.

Wala akong magagawa, classmates ko nakakausap ko lang tuwing recess namin. Tuwing dumadating naman ako sa school flag ceremony na halos. Kung uwian naman, para akong kabayong nakawala sa kuwadra kung kumaripas ng takbo palabas ng school upang mauna sa tricycle na naghahatid-sundo sa akin para lang makauwi na't makapaglaro ng computer.

"Parehas pala silang walang kapatid..." ang wika ni Nalani. Napatingin siya sa aking balikat na may pasang malaki at napatingin kay mama.

"...Napaano ang balikat niya?" sabay turo niya dito.

"Malikot kasi yang batang yan minsan tapos madalas pa pumapak ng asukal kaya tinubuan ng maraming pasa." ang sagot niyang tila may ikinakaila mula kay Nalani.

Sa mga sandaling iyon. Napatingin si Makoh sa tinutukoy ng kanyang ina. Bumitiw siya sa hawak nito't tumabi sa akin. Nagulat ako sa ginawa niya nang bigla niyang hawakan ng mahigpit ang aking kamay. Napangiti ako nang unti-unti kung maramdaman ang tuwa na mayroon na rin akong isang kaibigan.

itutuloy...

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails