Followers

Saturday, September 15, 2012

Regrets Chapter 02 - Si Hamilton

cover by Justyn Shawn

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com




"Sorry, hindi talaga kita kilala" sabay alis ko ng aking braso mula sa kanyang pagkakahawak habang nakatitig sa mga tao bago tumalikod upang ipagpatuloy ang mabilis kong paglalakad.

"T-teka!" ang huli kong narinig sa kanya nang biglang may pumarating na itim na Corola patungo sa kinaroroonan niya kaya't napatigil siya sa pagsunod sa akin. Natigil ako upang panoorin ang saglit na kaganapan.

May bumabang dalawang babae mula rito't may dalang gamit yata niya ang isa. Parehong naka-shirt at maong lang ang dalawa at halata sa kanila na alalay sila ni Mickey.

"Sir, iniwanan niyo po kami sa gas station naghihintay. Nag-aalala ang mommy mo." ang wika ng isa na may dalang knapsack na itim ma mukhang para kay Mickey dahil sa mga patches ng logo ng mga gas station na nakatahi dito.

Hindi siya pinansin ni Mickey sa halip ay sinundan niya ako ng tingin. Bakas sa kanyang mukha na may gusto sana siyang sabihin ngunit wala siyang magawa dahil sa medyo malayo ako sa kanila. Kung anu man iyon, wala na akong pakialam tungkol doon. Agad lang akong lumayo ng tingin sa kanya ng makita ko siyang nakatitig at nagpatuloy sa aking paglalakad patungo sa gitna upang sumakay ng jeep papuntang Taft.

May kainitan na rin ang araw sa mga sandaling iyon. Tanghali na't sadyang matindi ang amoy ng polusyon sa buong paligid. Agad man akong nakasakay patungo sa aking pupuntahan ay di pa rin ako naipagtanggol ng matinding init ng katanghalian kahit sa loob ng isang luma't masikip na jeep.

"Makikiabot lang ho ng bayad." ang malakas kong pakiusap sa mga pasaherong malapit sa driver dahil sa bandang gitna ako nakapuwesto katabi ang isang matabang babae na ubod ng laki ng balakang kaya't dulo na lang ng puwitan ko ang nakadikit sa kanto ng upuan. Bakas sa aking mukha ang di ko nagustuhang kalagayan ngunit wala akong magawa kundi ang magtiis na lang. Halos lumuhod muna ako sa gitna ng jeep upang madukot lamang ang aking pamasahe mula sa aking kanang bulsa.

Hirap na hirap akong nakakapit sa estribo habang nakaabot ang aking kamay nang bigla akong tapikin ng kahilera kong pasahero kong di ko napansin. Kinuha niya mula sa akin ang aking pamasahe at inabot pa sa katabing pasahero bago ako harapin. Hindi ko siya nakilala dahil sa agaw ng pinagigitnaan naming babaeng malaki ang aking iritadong mga titig. Kita sa matabang babae na patay malisya na lang siya habang ang kanang kilay niya;y bagyang nakataas habang nakatitig sa sahig.

"Uy! Jarred ikaw pala yan!"" sabay ngiti ng binatang nag-abot ng aking pasahe. Isang matipuno, maputi, at gwapitong binata ang aking nasilayan. Napakapula ng kanyang malaman na labi na parang kinagat ng langgam. Sa lahat ng magagandang katangian niya'y iisa lang ang nagpatalo sa kanya - ang kanyang kinulang na tangkad. Hanggang balikat ko lamang siya't dahil sa brusko pa ang katawan niya'y lalo siyang nagmukhang bansot tignan.

"A-Angelito! Ikaw pala yan! Saan na kambal mo? Di mo kasabay?" ang natarantang linyang nabitawan ko sa pagkabigla sabay alis ng earphones sa aking magkabilang tenga upang isabit ito sa aking kuwelyo.

Sayang ang dati niyang itsura, mas okay siya tignan noong balingkinitan pa ang kanyang pangangatawan. Sa totoo lang, crush ko si Angelito kaya lang nadismaya lang talaga ako nang lubos ko siyang makilala nang ibahagi ang lahat sa akin ng kanyang kapatid. Marahil siguro'y uso ngayon ang pagpapaganda ng katawan pero ang sabi ng utol niya, may iba pa raw dahilan pero hindi ko na inalam ang tungkol doon.

"BUONG PANGALAN NAMAN!" ang pagkabanas niya dahil "Lito" ang gusto niyang tawag sa kanya at walang iba pa.

"Si Hamilton? Baka nasa school na iyon." patuloy niya habang lumiliyad siya paharap upang maayos kaming magkausap dahil sa pinagigitnaan kami ng matabang babae. Natuwa ako sa ideya't di ko napigilang ngumisi. Lumiyad rin ako paharap ng kaunti kay Lito na parang walang elepante sa aming tabi.

"Sira ulo talaga ang kuya nitong si Milton." sabi ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang mukhang halos araw-araw kong nakikita sa kanyang nakababatang kapatid habang inaalala na sa araw-araw na ginawa ay walang puknat na inilalayo niya ang kambal niya sa kanyang paligid.

"SAAN 'TO?" sigaw bigla ng matandang driver habang nakatingin sa rear mirror at nakataas sa kanyang kanang kamay ang aking inabot kanina. Napalingon kami sa kanya ni Angelito.

"Sa La Salle lang ho!" sabay naming wika. Sa lakas nito nakatingin na sa amin ang ibang mga pasahero. Matapos ay muling nagbalik kami ni Lito sa aming usapan. Patuloy namang nakatingin sa amin ang ibang pasahero dahil sa may kalakasan rin pala ang aming pag-uusap. Di naman namin ito pansin at patuloy lang kami sa pag-uusap tungkol sa mga nagaganap sa school.

Pagbaba namin ng jeep, sa ilalim ng lilim ng gate ng unibersidad ay nakapamewang na naghihintay si Hamilton, nakataas ang isang kilay at tinitigan ng mula ulo hanggang paa ang kanyang nakatatandang kapatid na si Angelito.

Si Hamilton, na Milton kung tawagin, nakasuot ng black shirt na slim-fit at maong na pencil cut. Sa kanyang likod nakasabit ang kanyang knapsack na baby blue. Kahawig na kahawig niya ang kapatid niyang si Angelito kaya madalas silang tawaging kambal. Marahil isa sa mga pinag-uugatan ng dahilan ng walang katapusang hidwaan ng mag-kuya.

Nauna kong nakilala si Hamilton dahil pareho kaming nabilang sa isang section. Noo'y inakala kong siya si Lito nang una siyang pumasok sa aming classroom at talagang halos araw-araw ay napapangiti ako tuwing nakikita ko siya. Eventually, nawala rin iyon dahil sa di ko maintindihang takbo ng tadhana'y naging malapit kaming magkaibigan isang araw nang lapitan niya ako upang tanungin kung pwede kaming mag-aral ng sabay dahil hirap siya sa isang subject namin.

Close kami ni Hamilton, sa totoo lang, parang malapit na kaming magkaibigan. Parang lang ha? Parang lang.

"Pwede mo naman sabihin na hindi tayo dapat magsabay sa harap nila mommy di ba? Hindi ko rin naman gusto na dumidikit sa isang dwaft na tulad mo noh!" ang malakas at masungit na bungad nito sa kanyang kuya. Tahimik lang at iritadong napatingin sa akin si Lito at nagpaalam na. Nagmamadali itong naglakad papasok habang isinusuot ang kanyang ID na dinukot niya mula sa kanyang bulsa. Parang wala lang na dinaanan niya ang kapatid niyang si Hamilton.

Nang mawala sa paligid si Angelito nagbalik sa pagiging maamo ng mukha ni Hamilton na parang naihipan lang ng hangin. Nakangiti na siyang lumapit sa akin upang sabay kaming papasok ng unibersidad.

Makalagpas ng gate, bagaman mas matangkad ako sa kanya ng di hamak, inakbayan niya ako ng kay higpit bago pa kami makarating sa masikip na lobby na pinalamutian ng mga maliit na halaman sa gilid. Nakatingin siya sa malayo't tinatanaw ang kanyang kinahuhumalingan sa campus na hindi kahit minsan tumatak ang pangalan sa aking isipan.

Nagbabasa sa gilid ng tungkol sa Journalism ang dalagang kinahuhumalingan ni Hamilton. Taglay niya ang mahabang buhok at sa bagsak pa lang ng kanyang buhok ay masasabi mong naknakan ito ng lambot at bango. Kutis porselana katulad ng karamihan dito sa unibersidad ngunit isa siya sa mga nagtataglay ng kakaibang dating. Kasama niya ang iba niyang kaklase. Seryoso itong nakaturo sa aklat sinusundan ng daliri ang binabasa ng kanyang mga mata.

Taliwas sa aming daraanan ang kinaroroonan ng kinahuhumalingan ni Hamilton kaya't nang marating namin ang hati ng daan ay tumigil sa paglalakad si Hamilton upang saglit pang pagmasdan ang dalaga. Pinigil niya rin ako ngunit di niya ako nagawang patinginin sa dakong iyon.

"Ano ba, Hamilton???! nang hilahin pa niya ako.

"Dapat buong pangalan???!" sagot niya habang nananatiling nakatitig sa babaeng tinutunaw na niya.

"Pareho talaga kayo ng kuya mo!... Milton naman... Please... Mahuhuli na tayo sa class natin!" pagmamakaawa ko sa kanya.

"Saglit na lang!" pakiusap niya habang ang tinititigan niya'y nag-aayos na ng mga gamit.

"Ang cute talaga ni Greta!" pahabol niyang marka habang nananaginip ng gising at ang kanyang pingamasda'y naglalakad na palayo kasama ang iba.

Matapos ang ilang saglit na hinayaan ko siya sa kanyang munting pangarap inapakan ko ng malakas ang kaliwang paa niya. Napasigaw siya sa sakit at buti na lang mabilis ang kanyang isang kamay upang takpan ang kanyang bibig.

Napahagikgik ako sa kanyang mga nanlalaking singkit na mga mata na nakatingin na sa akin.

"Ano? Bakit shocked ka? Sinagot ka na ba niya sa mga panaginip mo? Nakailan na kayo?" ang natatawang biro ko sa kanya na sinundan ng malakas na hagalpak na pagtawa. Nasuntok lang niya ng malakas ang aking kanang balikat.

"Tarantadong ito... Halika na nga!" matapos naglakad siya ng mabilis upang iwan akong mag-isang naglalakad patungo sa classroom ng aming unang klase para sa araw na iyon. Hinayaan ko lang siya at patuloy ang aking hagikgik na pagtawa.

Doon nagsimula na naman ang pinakaboring na araw ko. Sulat sa kuwaderno para sa ganito, basa sa aklat na ganyan, gawa ng assignment kasama si Hamilton sa ligid ng paaralan kung saan siya naman ay pasimpleng pinagmamasdan ang kanyang mga crush sa campus.

Si Mickey lang ang ibang pangyayaring naganap sa araw-araw ko. Dahil sa kanya, di ko naiwasang isipin ng isipin ang nakaraan.

Sumapit ang hapon at tatlong oras ang vacant namin ni Hamilton, nasa harapan kami ng pintuan ng Yuchengco Auditorium; Tulad ng karamihan sa arkitekto ng pagkakagawa ng mga gusali sa La Salle, Roman inspired at kulay puti.

Abala kaming nagsusulat, kinokopya ang ilan sa mga sipi ng aklat na hiniram ni Hamilton kanina sa isa naming classmate para sa aming klase mamaya.

Sa aking kaiisip tungkol kay Mickey, hindi ko namalayan na natulala na pala ako sa sahig. Ilang saglit na pala akong akong pinagmasdan ni Hamilton, nakangiti, at halatang gustong malaman kung ano ang naglalaro sa aking isipan sa mga saglit na iyon.

Nakapatong ang kaliwang hita ko sa kanang hita niya, sinubukan niyang itaas ang kanyang tuhod upang unti-unti ngunit maingat niyang maiusog ang aking hita sa singit niya. Todo ngiti ang kumag dahil ako'y nanatilig nakatitig lang sa sahig habang patuloy siya sa kanyang ginagawa.

Nagulantang ako nang biglang hawakan na niya ang aking hita upang idiin pa sa kanya. Napatingin ako sa kanya sa pagkabigla habang nanlalaki ang aking mga mata at siya namang sagot sa akin ng kanyang malakas na halakhak. Bumangon ako agad sa inis at nagpagpag ng aking likuran gamit ang aking isang kamay. Di alintana sa akin na nagsihulog ang mga gamit ko sa lapag na kanina'y kalong ko sa aking gilid.

"Gago ka ah!" gigil at pabulong halos na sinabi ko sa kanya habang ang mga kila'y ko'y halos magdikit sa inis.

Namumula na ang buong mukha ko sa mga sandaling iyon nang dapuan ako ng matinding kaba nang matanto ko kung saan nakapatong ang hita ko kanina. Agad akong tumalikod sa kanya nang unti-unti kong maramdaman ang init na namumuo sa aking mga pisngi. Dali-dali kong kinuha ang mga gamit kong nagsihulog sa sahig habang nakayukong tinatago ang mukha ko sa kanya na siya namang pilit niyang sinisilayan upang ako'y lalong tuyain.

"Sana hindi niya ako mahalata!" ang paulit-ulit kong sabi sa aking sarili.

"Ano ba yang iniisip mo? Share mo naman baka magamit ko rin sa class natin mamaya." ang biro niya habang ngiting-ngiti na pinagmamasdan ang naging reaksyon ko sa ginawa niya.

"Tigang ka lang! Lapitan mo na yung Greta na iyon! Puro ka lang tingin!" ang asar kong sagot sa kanya't pangingibang usapan.

"Fourth year na siya at graduating. Masaya na ako sa tingin-tingin lang, pre."

Dali-dali akong lumakad palayo. Napatayo siya sa kanyang puwesto't nagmadaling nag-ayos ng kanyang mga gamit.

"San ka punta?" sa kanyang pagkabigla habang hawak ang kanyang gamit at pinagmamasdan akong lumalayo na sa kinaroroonan niya. Hindi ko siya sinagot at nanatili lang sa paglalakad pero sa pagkakataong ito'y binagalan ko na dahil sa naramdaman ko na ang paghupa ng pag-init ng aking mga pisngi.

"Oi! Jarred! Sandali lang!" pahabol niyang sigaw sabay takbo bitbit ang kanyang bag na hindi pa naisasara ang zipper.

Mabilis din niya akong naabutan, hindi ko na napigilang magsungit.

"San tayo punta?" bagyang hiningal niyang tanong habang kasabay kong naglalakad. Simangot lang ibinalik ko sa kanya habang nakatitig sa sahig na aking dinaraanan.

Alam ni Jarred na madali akong mainis. Kapag napansin niyang hindi na ako sumasagot ay hindi na lang siya nagsasalita. Kaya ginawa niya rin iyon sa akin kanina nang apakan ko ang paa niya dahil sa akin niya nakuha ang ideyang iyon. Ginagaya niya lang ako sa aking ginagawa bilang biro.

Sunod lang siya sa aking naglakad palabas ng campus patungo sa University Mall sa bandang kanan lamang pagkalabas ng gate.

Sa mga oras na iyon, maraming kolehiyala ng Benilde at main ang tambay roon. Mga sosyal karamihan. Hindi mo naman maiiwasan dahil bukod sa dala na ang pangalan ng school di hamak na may yaman naman talagang ipagmamalaki ang mga ito na nagmula sa kanilang mga magulang.

"KFC tayo! Gutom na ko." ang nahihiya kong yaya sa aking kasama nang marating namin ang entrance. Nginitian lang ako ni Hamilton at inakbayan.

Pagpasok sa restaurant, may karamihan ang mga kumakain kaya't pinauna na ako ni Hamilton na humanap ng aming malulugaran habang bitbit ang kanyang knapsack. Nakahanap ako ng isang pares ng magkaharap na upuan malapit sa bintana at doon ako nagmadaling umupo.

Habang ipinapatong ko ang bag ni Hamilton sa kaharap na upuan ng sa aki'y naramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura nang matauhan ako sa malakas na amo'y na nagmumula sa kusina. Amo'y french fries at fried chicken na pinaghalo. Napangiti akong nakatingin sa tanawin sa labas habang marahang inilalapat ang aking puwitan sa upuan.

Napabuntong hininga ako. Hindi na ako makapaghintay na matikman muli ang aking paborito na sa ilang saglit lamang ay malalasap ko na ngunit sa katahimikan ng aking munting mundo na muling nabuo sa sulok na iyo'y naisip kong muli si Mickey.

Lumipas ang sampung minuto nang dumating si Hamilton dala ang pareho naming laging kinakain dito. Inabutan na niya akong malalim ang iniisip habang nakatitig sa labas at nakapangalumbaba.

"Pare, makikilala mo rin ang dream girl mo." ang wika niya habang inilalapag ang tray ng amign pagkain sa mesa. Naagaw nito ang aking pansin at pilit na natawa.

"Hindi iyon ang iniisip ko no. Yung assignment natin mamaya." ang palusot ko sabay kuha ng kutsara't tinidor na nasa ibabaw ng tray.

"Tol, kilala na kita. Hindi assignment natin ang iniisip mo at kahit kailan hindi ka magkakaganyan kung tungkol sa school lang ang iniisip mo." ang pagpapatunay niya't pamimilit. Kinuha rin niya ang pares ng kutsara't tinidor niya matapos ipatong sa aking tabi ang isang large na baso ng inumin mula sa tray. Doon ko napansin ang pagiging maasikaso niya sa iba habang pinanonood ko siya sa kanyang patuloy na ginagawa.

"Alam mo ba? Nabalitaan ko kanina may eksena daw dun sa terminal sa Lawton kaninang tanghali. Di mo ba inabutan kanina? Di ba oras ng dating mo iyon doon?" ang panimula ni Hamilton habang kumakain upang tumuloy ang aming pag-uusap dahil sa hindi talaga niya ako mapapaamin sa kung ano man ang gumugulo sa aking isipan.

Patay malisya lang ako sa nasabi niya't sinabing "Anong eksena? Wala naman."

"Tol! Yun idol ko daw nandoon kanina!" ang tila biglang nasabik niyang sinabi. Natigilan siya sa paghimay ng manok sa kanyang plato.

Sa mga musikero, kilala si Mickey tulad ni Eli Buendia. Alam kong napakataas ng tingin ni Hamilton doon ngunit ni minsa'y di ko nabanggit sa buong tanan ng buhay ko mula nang tumuntong ako ng highschool nang mag-aral ako dito sa Maynila.

"Eh ano naman ngayon?" ang tila nawalan kong ganang pakikipag-usap sa kanya habang nakatulis ang aking mga labi.

"Tol naman! Sana hiningian mo man lang ng autograph para sa akin! Tatanawing kong utang na loob iyon! Gagawin ko lahat para lang makabawi sa iyo!" pagmamkaawa niya. Bakas sa kanyang mga mata ang pag-asang mayroon akong maibibigay sa kanya.

"Talaga lang ha? Eh... Kung nakuha ko nga yung autograph niya kanina, sagot mo gala natin mamaya?" ang biro kong kinagat naman agad niya. Mabilis napuno ng sigla't buhay ang kanyang mga mata sa kasabikan.

"So, nakuha mo nga? Pre! Promise sagot ko lahat ng gimik natin!" naaawa na ako sa kanya habang pinagmamasdan ko siyang magkahawak pa ang mga kamay na parang nagdarasal.

"Drawing ka lang! Hindi ko nakuha. Sorry!" ang sumbat ko at nagsimula na kumain. Kita sa kanya ang matinding pagkadismaya. Malungkot siyang nagbalik sa kanyang pagkain.

Sa mga sandaling iyon, isang pamilyar na itim na Corola ang tumigil sa tapat namin. Napatingin kami ni Hamilton at pinanood kung sino ang lalabas mula rito.

Parehong nanlaki ang mga mata namin nang makita ang binatang bumaba. Ang sa kanya'y kasabikan at ang sa akin nama'y matinding pagkamuhi. Sa mga sandaling iyo'y napatingin na rin ang ibang taong nasa loob ng restaurant at ganoon din ang ibang mga nasa labas.

Isang gwapo't matangkad na binata ang lumabas mula sa kotse. Nakaitim siyang shirt ngunit ang lahat sa kanya'y pamilyar.

"Si Mickey!" ang biglang nasabi ni Hamilton habang puno ng pagkain ang kanyang bibig kaya't ang ilang kanin mula rito'y tumalsik at dumikit sa salamin ng bintana.

Tumalikod ako mula sa bintana upang itago ang aking mukha mula kay Mickey nang mapansin kong sinusuri niya ng tingin ang paligid.

Isang saglit lang ang lumipas at narinig kong may kumatok ng tatlong beses sa salamin ng bintanang nasa aking tabi.

Marahan kong tinignan si Hamilton sa gilid ng aking paningin sa kaliwa. Kita sa kanyang mga mata ang pagkabigla at siya'y naguguluhan.

itutuloy...

2 comments:

  1. wow... artista pala....
    masundan nga...

    ReplyDelete
  2. ang ganda nang simula sana tuloy tuloy.....

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails