Followers

Friday, September 14, 2012

Regrets Chapter 01 - Si Mickey

cover by Justyn Shawn

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com




Marahan kong iminulat ang aking mata nang magising ako ng matinis na tinig ng aking alarm clock. Tinatamad pa akong bumangon sa kama. Ang sarap ng pagkakahilata ko napakalambot kong kama na kulay puti ang cover. Gawa sa brass ang frame nito kaya't masasabi ng karamihan na may kamahalan ang presyo nito.

Tamad na tamad akong ibinalik sa aking sarili ang aking puting warmer nang mapansin ko na ang lamig sa aking kwarto. Tulad ng lagi kong ginagawa, nakatodo ang airconditioner bago ako matulog kaya ang lamig nito sa buong magdamag ay naipon na.

Nakatitig lang ako sa puting kisame ng aking kulay skyblue na silid. Ginigising ang ng tuluyan ang aking ulirat habang iniisip kung ano ang mga dapat kong gawin sa araw na iyon.

"School nanaman!" ang sabi ko sa aking isipan. Tamad na tamad talaga ako hindi dahil sa papasok ako sa paaralan. Sa katunayan, masaya nga akong nag-aaral ngunit ang kinayayamutan ko lang ay ang iisang bagay - ang paulit-ulit na nangyayari sa araw-araw. Parang walang excitement. Parang ganun na lang lagi. Nakakaumay na.

"Jarred!" ang paulit-ulit na panawagan na sinasabayan ng makulit at mabilis na pagkatok ng aming katulong na si Anne sa likod ng puting pintuan ng aking silid.

Ibinaling ko ang aking tingin sa digital clock sa kaliwa ng aking kama kung saan ito nakapatong sa isang maliit na mesa kasama ng isang tipikal na lampshade. Nanlaki ang mga mata ko't agad akong napalundag paalis sa aking kama. Bilad na sa lamig ang hubad kong katawan.

"Trenta minutos na pala ang nakalilipas. Ang bilis ng oras!"

Nagmadali akong tumungo sa pintuan upang sagutin si ate Anne habang nangangatog sa lamig. Halos hindi ko mailapat ang aking talampakan sa sahig dahil sa taglay din nitong lamig.

Sa pintuan, marahan at maliit lang ang pagkakabukas ko dito upang itago ang aking katawan sa likuran ng pinto. Pupungas-pungas ko siyang dinungaw sa bukana.

Isang matangkad at kayumanging babae si ate Anne. Tantya ko'y nasa halos anim na talampakan ang tangkad niya dahil lagi ko siyang tinitingala tuwing hinaharap ko siya. Lahat ng katangian niya'y tipikal sa mga taga Aparri, Cagayan.

"Jarred, male-late ka nanaman sa school. Bumaba ka na para kumain ng almusal. Ipagkukulo ba kita ng tubig?" ang sabi niya sa napeperwisyong tono. Napakamot lang ako sa aking ulo't napangiti bago tumango ng dalawang beses.

"Oh sige. Yung aircon 'wag mo kalimutang patayin bago ka lumabas ng kwarto." ang malambing niyang sagot bago ako tuluyang iwan ngunit di pa siya nakalalayo ay may pahabol pa siyang sinabi, "Magbilad ka nga sa araw! Ang puti na ng balikat mo kakulay mo na yung pintuan!"

Natawa akong saglit sa sinabi niya habang sinasara ko ang pintuan. Matapos ang isang saglit ay naalala kong mahuhuli na ako sa unibersidad. Dali-dali kong kinuha ang nakasabit kong tuwalyang puti sa likuran ng pinto at agad na itinapis ito sa ibabang bahagi ng aking katawan bago bumaba ng bahay patungo sa palikuran.

Nang matapos akong maligo't magbihis ng itim na shirt na V-cut ang kuwelyo at plain na slim-fit low-rise na maong ay agad akong naupo sa hapag upang mag-almusal. Kasya sa apat na tao ang aming hapag kainang gawa sa itim at makintab na granite. Sa ginta nito'y may nakalapag na banyera ng sinangag. May karamihan tanda na wala pang kumakain sa amin at hindi pumasok sa opisina ang aking ina. Sa aking kaliwa'y may nakatimpla ng orange juice na nakalagay sa isang litrong pitsel at katabi naman nito'y isang basong wala pang laman.

Pupungas-pungas pa rin ako't bumalik ang antok sa akin habang hinihintay kong ilapag ang aking almusal sa aking harapan habang si ate Anne naman ay abalang nagpiprito ng hotdog na aking uulamin.

"Si mama?" ang tanong kong di hinaharap si ate Anne.

"'Pababa na yun. May pupuntahan daw siya ngayon." habang abala pa na siyang inaahon ang ang ulam mula sa kawali.

"Saan?" paglilinaw ko sabay buntong hininga dala ng kagustuhang bumalik sa kama. Ipinatong ko ang aking mga braso sa ibabaw ng mesa upang gawing unan para sa aking noo.

"Jarred!" saktong sagot ng aking ina na nasa harapan ko na pala matapos kong ipikit ang aking mga mata. Sa pagkabigla'y agad akong naupo ng maayos at mabilis na iminulat ng malaki ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang mestisa't malusog kong ina. Abot leeg ang itim at makintab na buhok niyang babad sa hot oil at tina. Kastilain ang itsura ni mama, maganda ang lahat ng sa kanya't sa itsura niya'y parang nakatatandang kapatid ko lamang siya. Nakabihis na siya ng ordinaryong dilaw na shirt at maong. Tangan niya ang kanyang isa sa kanyang mga bag na nabili niya sa Secosana na kulay carnation pink.

"Ma!" ang nabigla ko namang sagot sa kanya.

"Tanghali na." sabay dukot niya sa loob ng bag. Nilabas niya ang coin purse na puno ng papel na pera at isa-isang tinignan ang laman nito bago dumukot ng isang kumpol ng bente pesos na pera. Agad ko naman itong kinuha habang nag-iisip ng palusot ko sa kanya upang madagdagan ang aking baon habang binibilang ang lahat ng ito.

May kaya kaming pamilya ngunit napakakuripot ng aking ina. Laki sa hirap ang aking mga magulang ngunit dahil siguro sa accountant si mama sa isang lokal na opisina ng gobyerno'y talagang mahigpit sa kanya ang paglabas ng pera. Siguro natural lang talaga sa mga accountant ang ganoong katangian gaya ng sabi nila.

Lahat ng luho ko sinusunod naman ng aking mga magulang lalo ng aking ama ngunit kailangan ko iyong paghirapan. Bilang kabayaran, kailangan kong makagawa ng pangalan sa school. Ganun na mula pa noong bata ako. Kailangan mayroon akong medalya at mga special awards tuwing recognition para makakuha ako ng mga mamahaling gadgets at laruan na aking naisin. Pero sa mga sitwasyong gusto ko lang kumain o gumala, ganito na ang aking naging pamamaraan.

Habang inilalapag ni ate Anne ang ulam sa akin harapan ay naupo na rin si mama sa hapag sa aking harapan. Ipinatong niya ang kanyang bag sa kanyang kanan at naghintay na ipaghanda kami ni ate Anne ng plato't kubyertos.

Nagpanggap akong kunwari'y dismayado sa nalikom kong salapi mula sa aking ina. Malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan habang nakatitig sa nabilang kong pera.

"Ano nanaman yon?" ang masungit na tanong ni mama habang nilalapag ni ate Anne ang kanyang gagamitin sa pagkain. Napabuntong hininga lang ulit ako bago nagsalita.

"Umm... kasi... may gagawin kaming project eh dun sa isang subject naman namin..." nagkukunwari na akong malungkot sa harap niya.

"Project nanaman? Ilan ba subjects mo ngayon bakit lahat na lang sila may project na pinagagawa sa inyo?" ang mabilis at tensyunado niyang mga tanong sa akin.

"Kaya nga di ko na lang sana sasabihin eh." ang sagot ko namang nayayamot kunwari habang nilalapag ni ate Anne sa aking harapan ang aking pagkakainan.

"Magkano nga?" ang napilitang tanong ni mama sabay kuha muli ng kanyang coin purse bakas ang kunsumi sa kanyang mukha habang binibilang ang mga nakabugkos na perang papel sa loob nito.

"Umm... F-five..." ang nahihiya ngunit sa loob ng aking isipa'y abot tenga na ang aking ngiti.

"FIVE HUNDRED!!???!!" ang nabiglang sagot niya't napatigil siya sa kanyang pagbibilang. "Anak naman! Ang laki nanaman ng hinihingi mo! Bilangin mo yang mga yan at tignan mo ang laki na ng nagagastos mo wala pang mid-term!..."

"Kaya nga sabi ko nga... Wag na lang Ma" ang nanliliit kong sagot sa kanya habang patuloy siya sa kanyang litanya. Tila armalite ang mga labi niya kapag nakukunsumi siya.

"... Ang mahal-mahal ng tuition fee mo tapos darating na papa mo sa isang buwan matatagalan nanaman ang sunod niyang sakay wala pa tayong naiipon!" ang patuloy niyang dagdag. Sa lahat ng sinabi niya walang tumama sa akin kahit isa maliban sa pagbanggit niya ng tungkol sa aking ama.

"Wag na nga lang... Bahala na..." ang sagot ko na lang sa kanya at nagsimula nang kumain ng almusal ng nakatitig sa aking kinakain. Habang nasa ganoon ako'y naupo na rin si ate Anne sa aming gilid at kumain. Si mama naman ay muling kinuha ang kanyang coin purse upang kumuha ng limang daang piso. Napilitan siyang iabot ito sa akin at siya naman aking agad na kinuha. Kung literal lang ay lalong lumago nanaman ang aking sungay habang nakangiti ng todo sa aking nakamit na tagumpay.

Matapos kumain ay agad din akong umalis patungong unibersidad. Commute lang ako lagi dahil sa wala naman kaming sasakyan. May kalayuan din ang binabiyahe ko araw-araw dahil sa nasa bandang timog pa kami ng Maynila nakatira. Isang jeep paluwas ng bayan at isang bus papuntang Maynila. Dinaranas ko ang matinding kabagalan ng trapiko tuwing umaga't hapon sabay sa paroo't parito ng mga biyahero. Sa biyahe, wala akong ginawa kundi ang mag-munimuni ng kahit anong pumasok sa aking isipan. Wala akong problemang iniisip at wala rin akong balak sa aking hinaharap. Kung ano lang ang meron at naghihintay, doon lang ako nakatuon.

May dalawa o tatlong oras din ang trenta o kwarenta kilometrong patungong Maynila. Mainit, maingay, mausok, mabaho, at ang kinaiinisan ko sa lahat ay ang pagpapawis o ang pagdikit sa akin ng mga nakakatabi kong pinagpapawisan. May kaartehan din ako pero hanggang doon na lang iyon dahil siguro sa iniiwasan kong masira ang dating kong bagong ligo bago pa ako makarating sa unibersidad - bago pa magsimula ang araw ko'y nanlalagkit na ako.

Sa pagkakataong iyon sa bus patungong Lawton, habang nakaupo ako sa bandang bintana kung saan ako'y di nabibilad sa init ng umagang araw. Tulala lang akong nakatitig sa dinaraanang tanawin at nakikinig sa isang instrumental na paulit-ulit at lagi kong pinakikinggan. Di ko pansin ang pagtigil ng sasakyan nang magsakay pa ito ng pasahero.

Isang lalaking matangkad, mestiso at gwapito ang sumakay. Naglakad siya papasok ngunit di ko siya tinignan tulad ng lagi kong asta, hindi ko pinapansin ang nasa aking kapaligiran.

Kahit may eksena nang nagaganap sa paligid ko'y di man lang ako natutuksong umusyoso. Kung di ito ukol sa akin, wala akong pakialam. Kaya rin siguro ako sinasabihang suplado dahil sa hindi ako pala-bati kung di ako bababatiin o papansinin.

Umupo ang binata sa aking tabi. Doon lang niya nakuha ang aking puna. Tinignan ko lang siya sa kanyang tuhod saglit ng di ginagalaw ang aking ulo. Sumunod kong tinignan ang dalawang bakanteng upuan sa kabilang banda bago ibalik ang aking puna sa labas ng bintana.

"Ang dami naman pwede upuan dito pa." ang iritado kong bulong sa aking sarili.

Pilit ko na lang kinalimutan ang pagkakairita sa isang bagay na walang dahilan sa haba ng biyahe ngunit lalo akong nainis nang lalong dumiriin sa aking kanang balikat ang aking katabi. Nangilid ang aking mga mata't sinulyapan ang manggas ng kanyang suot na shirt na kulay purple at napasinghal. Idiniin ko ang aking sarili sa salamin ng bintana upang lumayo ng kaunti sa kanya ngunit di nagtagal ay lalong dumiin ang pagsandal niya sa akin. Di na ako nakapalag. Kung tutuusin ay walang anuman sa akin ang bagay na iyon kung kakilala ko siya pero sa pagkakataong iyon ay wala akong balak na kilalanin kung sino man siya at di rin naman niya tinawag ang aking pansin upang makilala ko kung sino siya.

"Alam ko sa likod ang sandalan hindi sa kaliwa o kanan. Hindi naman masikip at hindi rin naman ako siguro mukhang sandalan." ang buwisit na buwisit kong sabi sa aking sarili.

Sa kalagitnaan ng biyahe ay napansin kong lumipat ang ilang pasahero mula sa aming harapan papunta sa aming banda dahil sa maraming bakanteng upuan kung saan kami banda. Karamiha'y umupo sa kabilang banda ng kung saan ako nakaupo at ang iba'y sa likuran namin.

"Ano bang meron?" ang tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan ang paglipat nila. Di naman ako kinabahan dahil sa mukahng mga estudyante lang din naman sila dahil nakauniporme ang karamihan sa kanila at ang tatlo sa kanila ay nakikita ko sa unibersidad. Lahat sila, babae.

Pilit ko na lang din ibinaling sa ibang bagay ang aking isipan. Kahit nakapagtatakang biglang lumusot sa aking earphones ang hagikgik ng isang babae na nagmumula sa aking likuran. Tila kinikilig ang karamihan sa kanila.

Maya-maya'y napayuko na lang ako't isinandal ang aking noo sa likuran ng kaharap kong upuan. Naramdaman ko kasi ang pagdiin ng nakaupo sa likod sa aking sinasandalan.

"Nakataas ba ang mga paa nito sa sandalan?" gigil kong sabi sa aking saril at napapikit.

Maya-maya pa'y gumilid ang lalaking tumabi sa akin. Talagang binunggo pa niya ako sa gilid kaya't ako'y lalong umusod palayo pa sa kanya. Salubong na ang mga kilay ko sa mga sandaling iyon sa inis at lalo pa akong nainis nang naging maingay ang mga babae sa paligid.

"Gosh!" ang malakas na sinabi ng dalawang babae ng sabay. Napakunot ang noo ko nang lalong tumindi ang kalandian nila sa buong bus.

"BUWISEEET!!!!" ang hinaing kong ako lang ang nakakarinig. Dinukot ko ang akking music player mula sa aking kaliwang bulsa at itinodo ang volume nito upang di ko na sila marinig. Nasira na kasi ang momentum ko.

Nang makarating ang bus sa terminal ng Lawton, tulad ng lagi kong ginagawa, ay naghintay muna akong makababa ang karamihan ng sakay bago ako tumayo sa aking upuan. Habang naghihintay ay patuloy pa rin ang landi ng mga kababaihan. Naramdaman kong tumayo na rin sa wakas ang aking katabi ngunit tila sumabay sa kanya ang mga malalanding babae.

"Sino naman kaya ang kumag na iyon? Gwapong-gwapo siguro mga dilag na iyun sa kanya." tanong ko sa aking sarili bago ko siya sulyapan ngunit natakpan na siya ng ilan sa mga kababaihan at ang pamilyar niyang likuran mula balikat pataas ang aking nakita. May katangkaran din ang binata dahil nakayuko na siyang naglakad palabas ng bus.

Napailing ako sa aking nasaksihan. Halos pinutakte na siya ng mga babaeng nasa paligid niya. Kita ko pang may inaabot na notebook ang babae sa kanya at ballpen habang hirap na hirap siyang naglalakad palabas ng bus.

"Autograph?" ang diring-diri kong tanong sa aking sarili. Ang baduy kasi ng ideyang iyon para sa akin. May mga nakahiligan naman akong mga banda ngunit hindi pa ako nagbalak na pumunta ng live concert nila o kung saan man sila nagpunta para lang magpapicture o humingi ng autograph. Tao rin naman kasi sila - kumakain, naliligo, dumudumi, umuutot, tumatanda at nawawala ang aking itsura.

"Talo pa artisa ah. Bakit sumakay siya ng bus?" ang natatawa kong tanong sa aking sarili.

Maya-maya'y nakalabas na ang lahat.

"Finally!! ang sabik kong nasabi. Pagtayo ko'y napansin kong may kaunting kaguluhan sa labas ng bus. Kahit ang driver ay napatayo sa kanyang upuan upang maki-usyoso sa nagaganap. Nayamo't ako ng sobra.

Dali-dali akong lumabas ng bus ngunit ang pintuan ay puno ng mga tao. Mula sa tarangkahan ay nakita ko kung ano ang dahilan ng kaguluhang ito na lalong ikinabwisit ko; isang artista nga ang dahilan. Di pa siya nakalalayo dahil sa dami ng tao. Nakatalikod lang siya kita ang kanyang magulo ngunit maganda sa kanyang tignan na itim na buhok at ang kanyang maputing batok.

Habang inaabot niya ang mga pinapapirmahan sa kanya't kinukunan siya ng litrato sa mga cellphone ng madlang nasa paligid niya'y tila maya't-maya'y may hinahanap siya sa mga taong nasa paligid niya. Bakas ito sa kanyang mga titig.

"Sirang-sira na ang araw ko!" sigaw ko sa aking isipan.

Napasinghal ako sa inis sa mga sandaling iyon. Siya ang katabi ko dahil sa kulay ng kanyang suot na kamiseta at ang lalong kinainis ko'y kakilala ko nga siya. Hindi dahil sa kilala siya bilang artisa, ngunit dahil sa isa siyang kababata kong kinaiinisan ko mula pa noong nasa elementarya kami. Matagal-tagal na rin kaming di nagkikita nito at nang mag-artista na lang siya nang muli ko siyang makita at sa telebisyon pa.

Napalingon siya sa aking banda. Nakita niya akong salubong ang aking mga kilay sa inis at nanlilisik na ang nakatitig kong mga mata sa kanya nang mag-abot ang mga ito.

Padabog akong bumaba't pilit na itinulak ang aking sarili upang makalabas at makalayo sa mga tao.

"Makikiraan ho." ang may kaunting gigil at pilit na pinagalang kong tonong paulit-ulit na pakiusap sa mga hadlang sa aking daraanan. Sinundan ako ng titig ng artista at mukhang balak niya akong sundan.

"Jarred?! Hintay!" ang panawagan niya nang makalabas ako sa mga tao na nagdulot upang ang mga tao sa paligid niya'y tumingin din sa akin. Hindi ko siya nilingon sa halip ay nagpatuloy lang ako sa aking paglalakad.

Nakipagsiksikan siya upang sundan ako. Binilisan ko lalo ang paglalakad ko palabas ng terminal ngunit sa laki ng hakbang niya'y inabutan pa rin niya ako. Para akong tanga sa mga sandaling iyon. Gusto kong tumakbo para takasan siya pero nahihiya ako sa mga tao.

Naabot niya ang kanan kong kamay upang ako'y matigil muna't makipag-usap sa kanya. Hinarap ko siya't kunwari'y di ko siya kilala. Nakakatawang isipin. Isang sikat na artista at kunwari'y di ko siya kilala. Ayoko lang din matulad sa mga madlang nahuuhmaling sa kanya at lalung-lalo na ang ideya na iduluhin siya.

"Jarred! Dito ka pala nag-aaral sa Maynila? ang masigla ngunit hinihingal niyang bati sa akin.

Hindi ko maipaliwanag ang istura niya ngunit ang titulong "gwapo" ay nararapat para sa kanya bilang artista - matangkad, matipuno, makinis, malakas ang dating.

"S-sino k-ka?" ang tanga-tanga kong tanong sa kanya. Nagtaka naman siya sa aking naging sagot na parang nagsasabi na "Ako?! Di mo ako kilala?!". Bakas sa kanyang mukha ang pagkalito sa mga sandaling iyon.

Habang nasa ganoon kaming lagay bago ko pa mapansin ay nasa likod na pala niya ang mga "fans" niya. Pinanonood kami.

"Mga usiserong ito! Di na ba kayo nakuntento sa palabas sa telebisyon?!" irita kong puna sa mga tao.

"A-ako si Mickey? Di mo na ba naaalala?" ang di niya makapaniwalang sinabi niya sa akin.

itutuloy...

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails